Whatever happened to Paquito Diaz?


MORLY ALINIO / abs-cbn.com | 10/27/2008 12:29 PM

Matagal na ring walang balita kay Paquito Diaz matapos na ito ay ma-ospital at mag-50-50 ang buhay pero ayon sa kanyang anak na si Joko Diaz maayos na ang lagay ng beteranong aktor.

Si Paquito ay na-comatose dahil sa sakit na hypertension.
 
"Mabuti naman ngayon si Daddy. OK na siya ngayon at nakakausap na kaya lang masyado pa siyang payat at hindi pa bumabalik ‘yong bilog ng kanyang katawan," pahayag ni Joko.

 Dagdag pa nito, ang kanyang ama ay nasa kanilang bahay sa Bicol upang magpahinga.

"Nasa Bicol po siya kasama ‘yong mga kamag-anak namin. Masaya at maayos naman ang kalagayan niya ngayon sa Legazpi. Kaya lang madalas na nagtatampo sa akin kasi gusto niya lagi ko siyang dinadalaw pero hindi naman ako pwede kasi nga ay kasama ako sa Asero ni Richard Gutierrez. Kumbaga may work kasi ako pero kapag may time naman ako e, dinadalaw ko siya sa Bicol.
 
"Malabo na ngayon ang mata ni Dad. ‘Yon ang medyo problema talaga kasi since noong magka-sakit siya parang napuruhan yung paningin niya. Sa sobrang labo ng mata ni Dad kailangan lagi siyang may kasama kapag naglalakad. Hindi na niya kayang mag-isang umalis ng bahay,” ani Joko.
 
Totoo nga bang naubos lahat ng mga ari-arian na naipundar ni Paquito noong magkasakit ito at kung ilang buwan namalagi sa ospital?
 
"Totoo po ‘yon. Naubos lahat ng mga ari-arian na naipundar ni Daddy. Naubos ‘yong bahay namin pati na ang mga kotse. Talagang said kami, no choice. Mas ginusto naming mawala ‘yong mga kasangkapan, bahay at kotse kesa naman mawala sa mundo ang daddy ko, di ba? Mas mahalaga ang daddy ko kesa sa mga material na bagay sa mundo.
 
"Bagsak talaga ang family namin nang magkasakit si Daddy pero kinaya naming lahat kung ano man ang problema at heto unti-unti na kami uli ngayong nakakabangon. Wala man ‘yong mga naipundar e buhay naman si Dad at ‘yon ang pinaka-importante sa lahat,” pahayag niya.
 
Walong taon na ngayong may asawa't anak si Joko. Ayon sa actor, naging maganda ang takbo nang kanyang buhay dahil sa asawang si Abegail na isang flight stewardess ng  NorthWest Airlines.
 
"Tahimik ang buhay namin ni Abegail sa Batangas. Malayo ako sa intriga at siyempre lagi kong kasama ang aking pamilya. ‘Yon naman talaga ang gusto kong mangyari ‘yong malayo sa mga intriga.
 
Nakilala daw ni Joko si Abegail noong gawin niya ang pelikulang "Batang City Jail."
 
"Maraming nabago sa akin. Naging deretso ang buhay ko. Nagkaroon ako nang insperasyon na hanggang ngayon ay siyang hawak ko, bakit tuwid ang aking buhay at may pamilya akong mahal na mahal ko,” sabi niya.
 
Babae ang naging supling nina Joko at Abegail na si Ashley Diaz na ngayon ay apat na taong gulang na.
 
Samantala hanggang ngayon ay hindi pa rin pala nagkaroon ng chance na magkasama si Joko at ang anak niya kay Angelu de Leon.
 
"Wala pa, nakakausap ko siya minsan pero hindi pa kami nagkasama talaga." pagwawakas ni Joko sa www.abs-cbn.com na obvious na iwas pag-usapan si Angelu at ang anak nito sa aktres.

as of 10/27/2008 12:41 PM



Video


More Videos


Tower 1


Tower 2


Storypage Ad zedo