Vilma Santos to celebrate birthday in grief

Posted at 11/01/2008 12:48 PM | Updated as of 11/01/2008 12:48 PM

Ipagdiriwang ni Vilma Santos ang kanyang kaarawan sa Martes, ika-3 ng Nobyembre, na may kirot sa kanyang dibdib.

Ito ay dahil sa pagpanaw ng isa sa kanyang mga paboritong manunulat at publisista na si Gil E. Villasana kamakailan. Nakatakdang ilibing si Gil isang araw pagkatapos ng kaarawan ng aktres.

Tinaguaring "Rex Reed of the Philippines", nakilala ni Vilma si Gil dahil sa husay sa panulat kaya agad niyang kinuha ito na kanyang maging publicist.

Nagsimula ang ugnayan nina Vilma at Gil noong mga unang bahagi ng 1970s kung kailan nagsisimula ang pagningning ng bituin ng aktres.

Bagama't marami nang nakapaligid na bagong manunulat, sa show biz man o sa pulitika, kay Vilma, mananatiling espesyal ang paghanga at paggalang ng aktres kay Gil.

Sa gitna ng maraming opisyo at gawain ay hindi nawala ang gobernadora ng lalawigan ng Batangas sa lamay ni Gil. Mula sa Lipa City, Batangas, kung saan mas maraming panahon ang inilalagi ang aktres, nagtungo siya sa Arlington Memorial Chapels para makiramay sa kanyang tinitingalang movie writer.

Isa si Gil sa malalapit na personal na kaibigan ni Vilma kahit hindi sila madalas magkita.

“Marami kaming pinagsamahan ni Gil kaya hindi ko siya makakalimutan. Malaki ang naitulong niya sa aking career. Napakabait na tao ni Gil,” pahayag ni Vilma.

Isa si Gil sa mga dahilan kung bakit pumailanglang ang pangalang Vilma bukod pa sa taglay nitong kakayahan sa pag-arte at liderato sa tao.

“Nakikiramay ako sa lahat ng mga naulila ni Gil. Iba siya sa kanyang style of writing,” papuri ni Vilma.

Bukod sa maikling pananalita ay nag-alay din ng dasal at mga bulaklak si Vilma sa kanyang orihinal na publicist.

Gayunman, nakaratay pa lang sa banig ng karamdaman at dina-dialysis sa ospital ay naghandog na ng pinansiyal na suporta si Vilma kay Gil.

“Malaki ang ibinigay ni Vilma sa aming kaibigan. Hindi siya nakalimot kay Gil. Isang tawag lang sa kanya ay nakaalala siya sa mga huling sandali ni Gil,” pahayag ng peryodistang pampelikula na si Roland Lerum, isa sa mga nag-aasikaso sa funeral wake ng reporter at isa sa mga natulungan ng yumao sa pagsusulat tungkol sa mga artista.


Bookmark and Share

Links