Top Pinoy rockers join ABS-CBN's Bayanijuan project
Nagsama-sama ang mga bigating bokalista para sa Bayanijuan, ang advocacy program ng ABS-CBN para sa ika-55 anibersaryo nito.
Sina Kevin Roy ng Razorback, Marc Abaya ng Kjwan, Yael Yuzon ng Spongcola, Kitchie Nadal at Yeng Constantino ay nagkaisa sa pagkanta at paglabas sa music video para sa "Bagong Simula," ang theme song ng Bayanijuan.
"Layunin talaga naming ang himukin ang mga kabataan na makilahok sa Bayanijuan. Kailangan ang ideyalismo nila sa pagbuo ng mas matatag na bansa," wika ni ABS-CBN Head of Creative Communications Robert Labayen. Si Labayen ang sumulat ng titik ng kanta at nag-direhe ng music video.
"Ang Bayanijuan ay isang paninindigan laban sa katiwalian, kamang-mangan at kawalan ng pag-asa, bukod pa sa ibang mga sakit ng lipunan," dagdag pa niya.
Iisa naman ang naramdaman ng mga rock idols nang inaya sila ng ABS-CBN na lumabas sa proyekto.
Ani Kevin, "Hindi ako nakapagsalita nung nalaman ko kung gaano kalaki itong proyekto. Akala ko para lamang ito sa isang show at hindi isang year-long campaign."
Segunda naman ni Yael, "Isa itong kanta na magiging inspirasyon sa mga tao. Ito ang magpapaalala sa kanila, na kailangan maging matatag at makilahok sa mga bagay na malaki pa sa kanilang mga sarili."
Gayunpaman, maliban sa kani-kanilang mga ideya para sa kinabukasan ng bansa, isa pang nagbuklod sa mga bokalista ang kani-kaniyang respeto sa bawat isa bilang mga musikero.
"Sobrang thrilling – idol ko kaya sila!" sambit ni Yeng, ang pinakabata sa grupo. Ganito rin ang naging pakiramdam ni Kitchie nang malamang makakasama niya ang iba pang batikang rakista.
"Hindi ako gagawa ng isang bagay na walang saysay sa buhay. Lalo pang lumakas ang tiwala ko sa proyektong ito dahil alam kong makakasama ko sila," ani Kitchie.
"Para lang mapasama ka sa ganito kalaki at makabuluhang proyekto ay isa ng malaking karangalan. Isa lamang itong kanta, ngunit sana makatulong ito kahit papaano," pagtatapos ni Marc.