Sisters Melissa and Glenda try digital filmmaking
BOY VILLASANTA, abs-cbnNEWS.com | 11/27/2008 11:00 AM
Printer-friendly version |
Send to friend |
Share your views
| Melissa Mendez |
Maraming bagong pinagkakaabalahan ang magkapatid na aktres na sina Melissa Mendez at Glenda Garcia ngayong matumal ang mga alok sa pelikula at telebisyon.
Nagkaisa at nag-ambagan sina Melissa at Glenda para makapagprodyus ng digital film.
“Kailangang mag-isip ng mga paraan para mailabas namin ang aming passion for acting. We poured in our resources together and came up with an exciting digital film,” pahayag ni Mendez.
Isinilang ang pelikulang “Hilot” na tungkol sa mga tradisyunal na paniniwala ng mga Filipino sa “manghihilot” o ang mga “manggagamot na nagpapaanak o kaya ay nanghihilot ng mga pilay.”
“Isa itong horror film at ipapakita namin ang mga concept sa kulam at iba pang supernatural tendencies,” sabi ni Melissa.
Kapwa mga pangunahing artista sa pelikula sina Mendez at Garcia mula sa direksyon ni Neal “Buboy” Tan.
“Ipapalabas namin ito sa first quarter ng 2009 at sana ay kumita para makagawa pa kami ng ikalawa,” sabi ni Melissa.
“Tumutulong lang ako kay Ate. Siya ang mas nakikialam sa management ng production. Ako, nag-invest lang ako ng industrial partnership,” wika ni Glenda.
May iba ring pinagkakaabalahan si Garcia at ito ay mga concert.
Kasama sina Lovely Rivero, Shyr Valdez at ang singer na si Jane Umali, nakakadalawa nang pagtatanghal ng “Babae” ang apat.
Ito ay isang concert ng kantahan at sayawan na nagtatampok sa kanilang barkadahan.
“Hindi kami feminists, huh. Basta, ang konsepto lang nito ay mga babae kami na nagpi-perform. Okey naman, laging sold out. Kami na rin ang nagbebenta ng mga tiket,” pahayag ni Garcia.
Sa December 18, 2008 ay sa Music Museum naman magtatanghal ang apat.
“Masaya. Tapos, naipapakita pa namin ang aming talents in singing and dancing. Natutupad na ang ilusyon namin, kumikita pa kami,” nakangiting pahayag ni Glenda.












