ForEx



An OFW’s reaction on criticisms of the SONA

Posted at 07/31/2009 5:56 PM | Updated as of 07/31/2009 5:56 PM
 

Tatagalugin ko na lang po ang aking opinyon tungkol sa SONA ng Pangulong Gloria Macapagal Arroyo lalong-lalo na doon sa mga mapagpuna na mga kritiko ng Pangulo.

 
Bago ko po ito ituloy, nais ko lamang pong ipaalam sa inyo na di po ako maka-administrasyon pero mas lalong di po ako maka-oposisyon dahil wala po akong paghanga sa ating mga politiko lalo na ang mga nasa oposisyon. Noong 2004 eleksiyon ay narito po ako sa Riyadh at isa sa mga campaigner ng Bangon Pilipinas ni Brod. Eddie Villanueva at siya po ang aking ikinampanya na kandidato sa pagka pangulo subalit ako’y naniniwala na di pa kalooban ng Diyos na siya’y maging pangulo.
 
Kahit po natalo si Brod. Eddie Villanueva, ako’y hindi naniniwala na nadaya siya ng partido ng Pangulong Arroyo gaya ng ipinangangalandakan ng mga oposisyon dahil dito po sa Riyadh ay di naman nanalo si PGMA, kaya nasaan iyong sinasabi nilang nandaya ang administrasyon.
 
Sa totoo nga ay nasa oposisyon ang mandaraya dahil doon po sa aking presinto na alam kong maraming bumoto kay Brod. Eddie pero pagdating ng counting, pang-apat lang siya. Okay natapos na po iyong 2004 election at masugid kong binatayan sa pamamagitan ng telebisyon, pahayagan at iba pa ang performance ng Pangulo at masasabi ko na siya na yata ang nakita kong Pangulo na sobrang pagka-hardwork, naroroon siya sa mga lugar sa oras ng mga kalamidad, marami siyang nagawa na mga infrastructure and development sa ating bansa.
 
Siya rin ang Pangulo ng Pilipinas na naging mahusay sa paghawak sa ating ekonomiya kahit sa oras ng mga krisis. Kaya sa SONA ng Pangulong Gloria, hinahangaan ko siya dahil pawang katotohanan ang kanyang mga sinabi dahil makikita ito sa pamamagitan ng mga numero na inisa-isa niya at detalyado.
 
Pati ang speech ng Pangulo na sinasabi ng oposisyon na may kasamang patutsada ay pinuna rin nila. Bakit? Dahil ba sa guilty sila at may katotohanan ang kanyang mga sinabi? Ang hirap kasi sa mga oposisyon, gusto lang nila na sila lang ang may karapatan na mamuna, kung tutuusin, ang ating bansa ay sobra ang demokrasya kaya kahit sobrang panlalait at pambabastos na ang ginagawa ng mga kritiko ng Pangulo ay di pa rin sila napaparusahan at ito’y naaabuso ng publiko maging ng mga taga MEDIA.
 
Sorry to say na kasama ang media pero kung di sa sobrang panggagatong ng media sa tao ay di magkakaroon ng araw-araw na kaguluhan sa bansa at palagay ko ay kung mayroon tayong maayos at tahimik na pamumuhay, aasenso ang ating bansa.
 
Hindi ako galit sa media dahil ako’y nasa field ng printing and advertising. Alam ko na mahalaga ang papel na ginagampanan ng media para higit na magkaroon ng kaalaman ang taong bayan sa mga kaganapan sa bansa subalit kung tayo ay nag-i-expose ng mga bagay na walang basehan just for the sake of “SCOOP” at makakuha ng kredito sa ating kompanyang pinapasukan, ay huwag naman!
 
Kawawa naman si PGMA na binabato ng kung ano-anong mga akusasyon dahil sa pangungurakot pero hanggang sa ngayon ay wala pa rin silang mailabas na pruweba at ibidensya.
 
Gusto pababain si PGMA sa puwesto kahit di pa tapos ang termino, Bakit? Sino sa akala nila ang the best na maipapalit sa kanya? Ako’y naniniwala sa Pangalan ng ating Panginoong Jesukristo na lahat ng ini-upo na maging Pangulo ng bansa ay mula sa kalooban ng ating Diyos.
 
Siya (Lord God) ang mag-uupo at Siya (Lord God) ang mag-aalis, although maari niyang gamitin ang mga tao upang mapa-alis ang isang Pangulo at ito’y pinatunayan ng ating Panginoon sa buhay nila Pangulong Marcos (EDSA – 1) at Pangulong Estrada (EDSA – 2).
 
Ngayon, nais ko lang itanong sa lahat ng mamamayang Pilipino, bakit sa dinami-dami ng pag-aklas na ginawa ng mga militante, magdalo at mga oposisyon ay bakit nanatili pa rin si PGMA? Hindi ito pinayagan ng ating Panginoon na mangyari dahil alam ng Diyos na malinis ang puso ni Pangulong Gloria at nagtatrabaho siya para sa ating bansa at sa mga mamamayang Pilipino. Oo!
 
Naniniwala ako na may mga nagsasamantala sa kanilang posisyon sa loob ng administrasyon arroyo per okay PGMA lang ba ito nangyari? Nangyari din ito sa mga nagdaang Pangulo lalong-lalo na sa panahon ni Estrada na hayag sa lahat ng tao, kaya tama lang ang sinabi ni PGMA sa kanyang SONA.
 
Bago ko tapusin ang opinion at reaksyon na ito, nais ko lang iparating sa bawat mamamayang Pilipino lalo na doon sa mga nasa oposisyon na huwag tayong manghusga ng ibang tao kundi tingnan muna natin ang ating mga sarili kung malinis at karapat-dapat sa mga sinasabi natin.
 
Ako’y naniniwala na ang tunay na pagbabago ay kailangang magsimula sa puso ng bawat mamamayang Pilipino at di sa mga pulitiko. Dahil kung walang nagpapaloko, walang manloloko at kung hindi natin ipinagbibili ang ating prinsipyo at pagkatao dahil lamang sa katiting na salapi, walang magsasamantala sa atin.
 
Magka-isa tayo hindi sa pamamagitan ng pag-iingay at panggugulo sa kalye, pagbabatuhan ng mga maling akusasyon  kundi gawin natin ito sa pamamagitan ng taimtim na pananalangin sa ating Diyos na buhay. Maraming salamat at nawa’y mai-publish ninyo ang opinyon at reaksyon na ito.
 
Mabuhay ang ating Pangulo Gloria Macapagal Arroyo gayundin sa ABS-CBN. Proud to be a TFC subscriber. God Bless You All…
 
Vic Garciso de Asis
Kingdom of Saudi Arabia

Bookmark and Share

Links