"Bringing you an in-depth look at the lives of people as they are living it, as they are going through hardships, as they are celebrating their joys. It's journalism with a heart."

 

 
Mondays 11:30 pm
 

Boarders: Paghahanap sa mga nawawala at namayapa
"Boarders" Itinanghal ng The CORRESPONDENTS, Lunes, 11:30 p.m.

Ulat ni Rose Eclarinal

Isang araw nitong Oktubre 2005, natagpuan ng The CORRESPONDENTS ang mag-asawang Ronaldo at Zoraida Gonzales habang sakay ng kanilang traysikel sa pag-iikot sa Malabon.

Nakapaskil sa traysikel ang larawan at pangalan ng nawawala nilang anak.

Ayon sa mag-asawa, mahigit isang buwan nang ganito ang ginagawa nila: paikot-ikot sa iba't ibang lugar sa Kalakhang Maynila. Sa bawat lugar na mapuntahan, nagbabakasakali ang mag-asawa na makita ang anak.

Anila, walang katiyakan ang bawat araw kung matutunton nila ang hinahanap. Mahirap sa kanila ito lalo pa't hindi nila natitiyak na nasa mabuting kamay ang panganay na si Elexis.

Kwento ni Zoraida, naisama ng kanyang lola si Elexis sa kabilang barangay mula sa kanilang bahay. Nawala ang bata nang makalingat ang nag-aalaga sa kanya.

Labing-apat na taon na si Elexis pero ang isip, para sa tatlong taon pa lang. Hindi pa rin nakakapagsalita nang maayos ang bata at "nanay" at "tatay" lang ang nakakaya niyang sabihin.

Sa kabila ng paghihirap sa paghahanap, umaasa si Ronaldo na may magbabalik ng kanilang anak.

Habang ginagalugad ng mga Gonzales ang nawawalang anak, si Jun Evangelista, sinusuyod din ang Lungsod Quezon sa paghahanap sa panganay na si Jen-Jen.

Umaasa si Evangelista na sa pakikipag-usap sa mga kaklase ng anak, makikita niya ang dalaga.

Edad 19 si Jen-Jen at estudyante ng kolehiyo sa Technological Institute of the Philippines. Nag-iwan siya ng liham bago umalis ng bahay.

Ayon sa dalaga, buntis siya at binigyan ng kahihiyan ang ama. Sinabi rin ni Jen-Jen na ayaw niyang biguin ang ina na nagtatrabaho sa Hong Kong.

Pero hindi naniniwala si Evangelista na ang mga ito ang dahilan ng anak sa pag-alis.

Ang kutob niya, may masamang nangyari sa anak kaya hindi makatawag sa kanya kahit sa telepono. Hinala rin ni Evangelista, maaaring naimpluwensyahan lang ng barkada ang dalaga kaya lahat ng masama, sumasagi sa isip niya.

Sa bawat presinto ng pulisya, nagbabakasakali si Evangelista. Paniwala niya, maaaring makakuha siya ng impormasyon o matulungan ng mga awtoridad sa paghahanap sa anak.

Sa kabila nito, bigo pa rin siya.


'Hanap-buhay para sa patay'
Sa isang kalye sa Marikina nakita ng The CORRESPONDENTS si Lucila Arviso, isang social worker. Hindi ang kamag-anak niya ang nawawala.

Ayon kay Arviso, ang hinahanap niya ang mga kamag-anak ng isang tao na namatay na at isa pa na nakaratay sa Amang Rodriguez Memorial Hospital.

Sabi ni Arviso, walang kamag-anak na kumupkop sa namatay at sa biktima ng aksidente sa sasakyan.

Isa-isa ang paghanap ni Arviso sa mga pamilya ng mga biktima. Aniya, maaaring hindi alam ng pamilya ang sinapit ng kamag-anak nila.

Sinabi ni Arviso na kailangang gawin ang lahat ng magagawa sa paghahanap ng pamilya ng mga biktima. Ikalawa, kailangang maabisuhan ang pulisya o maisahimpapawid sa radyo ang impormasyon.

Sa mga ospital tulad ng Amang Rodriguez, mahalaga ang papel ni Arviso at ng mga kasamahan niyang social worker. Sila ang nangangalaga sa mga pasyente na walang kakayahang magbayad.

Kasama na rin sa trabaho nila ang pag-asikaso ng mga namatay nang pasyente na hindi na matukoy ang kamag-anak. Aniya, madalas ang ganito sa mga kaso ng aksidente.

Isa na rito ang kaso ng matandang babae na nadatnan ng The CORRESPONDENTS sa isang punerarya sa Marikina. Karaniwang 60 araw ang taning sa mga social worker para hanapin ang kaanak ng namatay na pasyente bago ipalibing.

Sinuwerte ang babae dahil natagpuan ni Arviso ang pamilya ng matandang babae. Pero hindi palagian ang pangyayaring ganito.

'Hanap-patay'
Kung may mga pamilyang gagawin ang lahat para lang magkaroon ng maayos at marangal na libing ang kamag-anak o mahal sa buhay, mayroon ding nagsasamantala.

Isang dating may-ari ng punerarya ang umamin sa The CORRESPONDENTS sa mga kalokohan sa negosyong ito.

Negosyo ng patay ang ikinabubuhay ni "Mang Jose" (di-tunay na pangalan).

Dati, may sarili siyang punerarya. Aniya, maayos ang kinikita niya kaya marami rin ang pumasok sa negosyong ito.

Isinalaysay ni Mang Jose ang masasaklap na kwento sa negosyong ito.

Minsan, aniya, tinatakbuhan siya ng mga kliyente. Reklamo ng negosyante, siya at mga tauhan na nga niya ang kumuha sa bangkay, sila pa ang tinatakbuhan ng mga kaanak ng patay.

Sa huli, siya na rin ang nagpapalibing sa bangkay.

Aminado si Mang Jose na madalas, pinagkakakitaan ng punerarya ang mga patay.

Ngunit itinanggi ni Mang Jose na ginawa niya ito. Aniya, marami ang hindi aamin pero marami ang gumagawa. Ang tinutukoy niya ay ang pagbebenta ng bangkay.

Naibebenta ang mga bangkay para pag-aralan ng mga estudyanteng kumukuha ng kursong medisina. Aniya, higit na mahal ang benta sa mga bangkay ng babae kaysa lalaki.

Pero sabi ng isang punerarya na nabisita ng The CORRESPONDENTS, malabo na mangyari ang kwento ni Mang Jose.

Sabi ni "Bitoy," hindi sila lahat ay nagsasamantala.

Aniya, sa mga bangkay na walang kumukuhang kaanak ay mayroong pwesto ang punerarya. Iyon nga lang, sa isang sulok lang at sa kaso ng punerarya nina Bitoy, sa ilalim ng mesa.

Sa Quezon City General Hospital (QCGH), ang mga bangkay na hindi na kinukuha ng pamilya, 24 oras lang ang inilalagi sa morge. Matapos ito, ililipat ang bangkay sa punerarya dahil maliliit lang ang dalawang freezer sa ospital.

"Ang patakaran ng ospital, 'yung ganyang mga 'John Doe' matapos ang 24 oras e inilalagay na sa punerarya," sabi ni Fe Olayta ng QCGH.

Sinabi ni Olayta na madalas ay mga sanggol ang naiiwan sa morge dahil ang matatandang bangkay, kinukuha ng pamilya.

Minsan naman, pati bangkay ng mga matatanda ay hindi na binabalikan ng pamilya dahil walang pera na panustos sa lamay o libing.

Ang masaklap, patay na nga, hindi pa napoprotektahan ang karapatan.

Paano nga ba? Kung ang mga buhay nga, hindi napoprotektahan ng mga ahensya ng pamahalaan, ang mga patay pa kaya?

   
>>> Previous Episodes