(Mula
sa salaysay ni Correspondent Jade Lim Lopez, apo ng isang "Hua
Chi'ao" o migranteng Chino na napadpad sa Pilipinas noong
1914.)
Sa
Pilipinas karaniwang tawag sa mga mamamayan o mayroong Chino ang
Intsik, Chinoy at Chekwa.
Kilala
ako sa pangalang Jade Lopez. Lopez ang apelyido ng aking asawa
ngunit ang apelyido ko noong ipanganak ay Lim. Ako ay isang Pilipino
na mayroong lahing Chino. Mahigit 80 na taon na ang nakakaraan,
dumating sa Pilipinas ang aking lolo mula China upang magtayo
ng bagong buhay, negosyo at pamilya.
Hindi
ko alam kung papaano nakarating sa Pilipinas ang aking mga ninuno
mula China. Bagama't nababanggit sa aming magkakapatid ang tungkol
sa lahi na mula sa China, natuklasan ko ang buong istorya ng paglipat
ng aking mga ninuno sa Pilipinas nang magkaroon ako ng pagkakataon
na magpunta sa nabanggit na bansa noong Enero 2003.
Ito
ang kwento ng aking pinagmulan pero higit sa lahat, ito ay salaysay
na rin ng bawat Pilipino.
Pinag-ugatan sa Lamwa
Malapit lang sa Lungsod Xiamen sa China ang pinagmulan ng aking
mga ninuno. Nakita ko sa bayan ng Lamwa, partikular sa baryo ng
Chunling ang bahay ng aking tiyuhin, si Lim Shi Ke. Siya ang kuya
ng aking ama.
Ayon
kay Oteng, balo ng aking tiyuhin, yumao ang kanyang asawa walong
taon na ang nakakaraan. Iniwan ang aking tiyuhin ng buong pamilya
nang lumipat sila sa Pilipinas. Anim na taong gulang lang siya
noon kaya lumaking walang ama at ina.
Bagama't
nagpapadala ng pera ang aking lolo at lola, hindi ito naging sapat
upang siya ay makapag-aral. Lumaki siya at nagkaisip nang hiwalay
sa pamilya. Gayundin, hiwalay siya sa mga kapatid nang pumanaw.
Simple
lang ang naging sagot ng aking tiyahin sa tanong kung gaano kahirap
ang buhay ng yumao kong tiyuhin at ng kanyang mga magulang.
Ipinakita
niya sa akin ang bahay na luma ng pamilya Lim. Iisa lang ang kwarto
ng orihinal na bahay. Dito sila kumakain, natutulog at sinisikatan
ng panibagong araw.
Hanggang sa Dagupan
Pumayag ang dalawang nakatatandang kapatid ng aking ama na makapanayam
tungkol sa istorya ng aming angkan. Nananatili sila sa Lungsod
Dagupan, Pangasinan.
Ayon
kay Uncle Simon Lim, 82, at Auntie Benita Lim Cuason, 80, walong
dekada na mula nang dumating sa Pilipinas ang aking mga ninuno.
Aniya,
dumating ang aking lolo na si Lim Eng Po sa Pilipinas noong 1914,
panahon ng mga Amerikano. Siya ay 14 taong gulang noon.
Tulad
ng maraming migranteng Chino, sinagot ng isang malayong kamag-anak,
si Go Hong Kee, ang pasahe ni lolo. Ito ay upang magtrabaho si
lolo sa tindahan ng tela ni Go sa Dagupan.
Pagkatapos
ng 16 taon, nakapagpatayo si lolo ng sarili niyang tindahan sa
Dagupan.
Bunga
nito, napasunod niya sa Pilipinas si Uncle Simon noong 1930, ang
aking lola at dalawa pang anak na sina Benita at Jimmy. Ang mga
anak na sina Benito, Pacita at Teofila ay ipinanganak sa Pilipinas.
Matapos
maipatayo ng aking lolo ang tindahan at makuha ang kanyang pamilya
sa China, sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Nakulong
ang aking lolo dahil sa pagtulong sa partidong Kuomintang, isang
kilusan sa China na lumaban sa mga Hapones. Namatay siya tatlong
taon matapos ang gera dahil sa mga sugat na tinamo habang nakakulong.
Sina
lolo, lola at ang aking tiyuhing si Jimmy ang mga kauna-unahang
miembro ng aking angkan mula China na inilibing sa Pilipinas at
naging bahagi ng lupang itinuring nilang tahanan.
Patungo sa Maynila
Sa walong magkakapatid, ang aking ama na si Benito ang pinaka-Pilipino.
Siya lang sa magkakapatid ang nag-asawa ng Pilipina at nagpalaki
ng mga anak na ang pangunahing wika ay Filipino at Ingles, hindi
Mandarin.
Higit
doon, pinag-aral niya kaming magkakapatid sa mga paaralang publiko
tulad ng kanyang pinagdaanan.
Hindi
naging madali ang pinagdaanan ng aking ama upang maging ganap
na Pilipino.
Pinakamasaklap
niyang karanasan ay noong subukan niyang palitan ang kanyang citizenship
na Chino patungo sa Pilipino. Tatlong beses siyang humiling na
maging ganap na Pilipino mula 1961 pero 1976 lang ito natanggap.
Nakita
ko ang buong record ng aking pamilya sa Bureau of Immigration
sa Dagupan at Maynila noong sila ay itinuturing pang mga Chino.
Kahit
ang mga pinsan ko na dito na ipinanganak at walang kaalam-alam
tungkol sa China, itinuturing pa rin ng pamahalaan at lipunan
bilang Chino. Maging ako na pinayagan lang maging ganap na Pilipino
nang umabot sa edad na 29.
Sa
mahabang panahon, hindi ako binigyan ng karapatang bumoto. Bawal
akong maging abogado, doktor o bumili ng sariling bahay at lupa.
Mahigit kalahati ng aking buhay ay lumipas bilang isang banyaga
sa lupang tinubuan.
Lahing
Tagalog ang aking ina na Pilipina, Ilocanong Chinoy naman ang
aking ama.
Inaamin
ko na tunog-Chino man ang aking apelyido sa ama, hanggang dito
lang ang aking pagiging banyaga.