|
Ulat ni Abner Mercado
LILOAN, Southern Leyte - Kasagsagan ng paghahanda
ng mga mamamayan ng Kalakhang Maynila noong Disyembre 23, 2003 nang
umalis ako patungo sa lalawigan ng Southern Leyte. Hindi ko tiyak
kung may kahulugan pa ang pagdiriwang ng Pasko para sa mga mamamayan
nito.
Wala na kaming makuhang biyahe sa eroplano patungo sa Tacloban
City dahil uwian ng mga magbabakasyon sa kani-kanilang mga probinsya.
Bunga nito, napilitan kaming maglakbay sa pamamagitan ng sasakyang
panlupa. Ang biyaheng ito ay dadaan sa Timog Katagalugan, sa lalawigan
ng Quezon hanggang makarating sa Bicol.
Nakalatag na ang gabi nang marating namin ang bayan ng Matnog sa
Sorsogon. Bumuhos ang ulan habang nakapila ang aming sasakyan patungo
sa ferry.
Mula sa Matnog, isinakay namin ang aming sasakyan sa ferry para
tumawid sa unang bayan ng lalawigan ng Samar, ang Allen. May isang
oras ang biyahe sa dagat.
Habang patungo ako sa lugar ng trahedya sa Southern Leyte, natunghayan
na ng lahat ang mga pangyayari.
Noong ika-19 ng Disyembre, anim na araw bago ang Pasko, dinaluyong
ng pagguho ng lupa ang mga bayan ng Liloan, San Francisco at San
Ricardo.
Unang tinukoy na sanhi ng trahedya ang malakas at tuloy-tuloy na
pag-ulan na halos isang linggo nang bumubuhos sa lalawigan.
Hanggang sa isinusulat ang kwentong ito, mahigit nang 200 katao
ang nasawi at patuloy na tumataas ang bilang ng mga nawawala at
natabunan ng lupa.
Umaga ng Disyembre 24 nang bagtasin namin ang tulay ng San Juanico.
Ito ang tulay na nag-uugnay sa mga isla ng Samar at Leyte.
Gabi na at nilatagan muli kami ng dilim nang makarating sa bayan
ng Liloan at distrito ng Lutao, isa sa mga sinalanta ng pagguho
ng lupa.
Sa bayan na ito, 22 katao ang nasawi. Pito sa mga biktima ay nagmula
sa pamilya Mabalcon. Noong gabi na datnan sila ng The CORRESPONDENTS,
nag-alay ng panalangin ang pamilya. Sa itaas ng isang imahen ay
nakapaskil ang mga pangalan ng nasawi nilang mga mahal sa buhay.
Kabilang sa mga inagaw ng trahedya sa pamilya ay ang kanilang lolo,
lola at mga pinsan.
Matapos ang panalangin sa bahay, nagtungo ang mga miembro ng pamilya
sa lugar kung saan nangyari ang pagguho. Dito nasaksihan ng The
CORRESPONDENTS ang mukha ng trahedya. Bukod sa natatakpan ng
dilim ng gabi, natabunan na rin ng lupa ang lugar ng dating bahayan.
Noong mga oras na iyon, malapit na ang paggunita sa panganganak
ng Birheng Maria kay Hesus. Hindi na nga mapipigilan ang pagdiriwang
ng Pasko sa kabila ng pagluluksa ng bayan.
Sa noche buena noong gabing iyon, hindi mabanaag sa pamilyang ito
ang trahedyang nagdaan. Kung tutuusin, nalagasan sila ng pitong
mahal sa buhay na dapat ay kasalo nila sa hapag-kainan.
Pero ang mga hikbi ng oras na nagdaan ay napalitan ng ngiti at
tawa na pansamantalang nagkubli sa pagdadalamhati ng buong pamilya.
Araw ng Pasko kinabukasan nang maglibot ang The CORRESPONDENTS
sa bayan ng Liloan. Kasama ng grupo ang ilang mga miembro ng pamilya
Mabalcon upang balikan muli ang lugar ng trahedya.
Ani Maricel Mabalcon, mahirap para kanya na humarap at balikan
ang lugar ng malupit na pangyayari.
Sa naturang lugar, mahirap nang tukuyin kung kanino o sino ang
nagmamay-ari ng mga dinding ng bahay, kung kanino ang bubong na
mistulang sinalakay ng lupa mula sa kabundukan.
Samantala, kung ihahambing sa pamilya Mabalcon, walang pagdiriwang
na nangyari sa tahanan nina Nito Llorente. Pansamantalang naninirahan
ang mga Llorente sa isang sentro sa poblasyon ng Liloan.
Para sa pamilya, walang tamis ang mga mansanas na hindi nila binuksan
noong nagdaang gabi. Maging ang mga sisidlan ng tinapay ay hindi
pa rin nila ginagalaw dahil puno ng kapaitan ang pagdiriwang na
dapat sana ay kanilang ginunita.
|