Panday sa Palasyo: Misteryo ng isang kandidato
 

Panday sa Palasyo?
Itinanghal ng The CORRESPONDENTS, Lunes, 11:30 p.m.

 

Sinasabing hawak na niya ang lahat ng katangian ng isang bida sa pelikula: matipuno, mayroong magandang katambal na babae at hindi lang puro salita.

Sa mga pelikula, lahat ng bida sa aksyon na tinangkilik ng mga tagahanga, kundi minasaker ang pagsasalita ng wikang Ingles ay matipid sa pananalita at matalinhaga.

Ang mga ito ang katangiang hawak ni Fernando Poe Jr. o "Da King," ang tinaguriang "hari ng pelikulang Pilipino." Maging sa balak niya sa pulitika, matalinghaga rin ang "hari."

Noong Oktubre 25, 2003 sa pagtitipon ng mga tagahanga niya sa Cuneta Astrodome sa Pasay, ilang oras na naghintay ang mga tao bago dumating si Poe. Pagdating ng aktor, ang tanging nasabi niya ay,"Sana, balang araw ay makaganti rin ako sa inyo." Nagkagulo ang lahat sa kahuhula kung ito na ang senyales na tatakbo ang hari.

Ngunit noong Nobyembre 26, sa wakas ay tinapos ni Poe ang napakahabang pananabik ng lahat nang ideklara niya ang kanyang kandidatura sa pagkapangulo.

Taliwas sa inaasahan, matipid din at halos hindi pa marinig ang mga pahayag ni Poe hinggil sa kandidatura. Marahil, pahayag ng mga kritiko, bahagi na ito ng misteryo at malakas na dating ni Poe sa masa.

Misteryong maituturing si Poe dahil ang lahat ng naririnig na negatibong bagay sa kanya ay pawang sabi-sabi lang. Hindi niya pinatotohanan o pinabubulaanan ang mga ito. Ito ang ayaw sa kanya ng mga negosyante.

Sumadsad ang palitan ng piso kontra dolyar noong araw na magdeklara ng kandidatura si Poe noong Miyerkules, gayundin kinabukasan ng Huwebes. Takot ang mga negosyante sa alanganing sitwasyon dahil nakikita na nila ang mga pangyayari.

Kung ang Pangulong Gloria Arroyo ang patuloy na mamumuno sa bansa, o di kaya ay maluklok sa Malacañang si Sen. Panfilo Lacson, hindi alam ng mga negosyante kung saan patutungo ang ekonomiya. Pero kung si Poe, higit na delikado ang sitasyon.

Banat ng mga kapanalig ng aktor, marami itong tagapayo sa programang ekonomiya. Iyon din ang pahayag sa kampanya ng dating pangulong Joseph Estrada noong 1998. Si Estrada, 70 umano ang mga tagapayo. Ngunit nang maupo sa pwesto, mga kabarkada rin ang nakinabang.

Hinala ng mga kritiko, matutulad din ang kapalaran ni Poe sa nangyari sa kanyang kaibigan at kumpare.

<b>Best friend pa rin</b><br>Naniniwala ang mga kritiko ng aktor na kahit ilan pang tagapayo ang ibandera ni Poe, kay Estrada pa rin siya makikinig. Wika nga, si Estrada ang kumpare at kainuman ni Poe at walang iwanan lalo sa kulungan.

Sa mga sandaling ito ay maugong ang usap-usapan sa hanay ng oposisyon tungkol sa kanilang panalo. Posible para sa oposisyon na naaamoy na nito ang tagumpay. Itinaya na nito ang kapalaran sa isang artista upang ito ay makabalik sa kapangyarihan.

Sa harap ng positibong pananaw, iba ang sinasabi ng mga survey. Pumapangalawa lang si Poe sa pinakahuling survey ng Pulse Asia na inilabas nitong huling linggo ng Nobyembre.

Samantala, sa survey ng Social Weather Stations noong Setyembre ay nakaungos si Sen. Noli de Castro sa mga napipisil na kandidatong pangulo. Ikaapat si Poe at bahagya lang nakaungos sa Pangulong Arroyo.

Sa pag-aaral ng Institute for Political Reforms, nangunguna pa rin ang imahen ng isang kandidato na siyang titingnan ng mga botante. Walang pagtatalo sa usaping ito dahil mayroon nito si Poe.

Ikalawa, kailangang inieendorso ng tradisyunal na mga organisasyon ang isang kandidato, halimbawa, ng mga pamilya. Kailangan ang pag-eendorso ng pamilya at ng mga sekta, halimbawa, sa ngayon.

Ayon kay Earl Pareño ng IPR, ang mga partido pulitikal sa ngayon ay sumasakay na lang sa kandidatong malakas sa pandinig ng tao at hindi na sila naninimbang batay sa mga isyu.

Pangatlo, ang pakinabang na makukuha ng tao sa kandidato. Iboboto ng tao ang isang kandidato na tingin niya ay maabutan o matutulungan siya balang araw. Sa puntong ito ay kilala si Poe.

Ikaapat at panghuli lang ang pangangailangan sa plataporma de gobyerno na karamihan ay hindi naman natutupad.

Sa kabuuan, hawak ni Poe ang lahat ng mga katangian ng isang llamadong kandidato.

Wika nga, isang tao at posisyon lang ang pagtatalunan pero buhay ng mahigit 80 milyong Pilipino ang nakataya.

 
                                  ARCHIVE
   
  www.abs-cbnNEWS.com