|
Ulat ni Ed Lingao
SAN ANTONIO, Zambales - Ang kwentong ito
ay magsisimula sa paglubog ng araw at pagsisimula ng gabi sa bayan
ng San Antonio, Zambales, isang lugar sa dalampasigan na nakaharap
sa dagat Timog China.
Habang tahimik at papatulog na ang mga tao, mayroong kakaibang
pangyayari na tinutunghayan ang ilan sa dalampasigan.
Ito ay ang paglabas ng maliliit na mga pawikan mula sa pangitlugan
ng grupong Environmental Protection for Asia (EPA).
Kabilang sa mga sumaksi sa pangyayari ay ang mga tagapagtaguyod
ng likas na yaman o mga environmentalist, mga doktor, mga residente
ng Barangay Pundaquit na siyang kinalalagyan ng pangitlugan at ang
pangkat ng The CORRESPONDENTS.
Hatinggabi na nang magsimula ang itinuturing ng marami na himala.
Ito ang gabi kung kailan inaasahang mapipisa ang 50 mga itlog ng
pawikan na nasagip ng EPA noong Oktubre.
Nakabaon ang mga itlog sa isang dangkal na lalim ng buhangin.
Habang naiilawan ang pangitlugan, kitang-kita ng lahat ang unti-unting
paglubog ng buhangin. Ito ang senyales na naglalabasan na ang mga
pawikan sa kanilang mga itlog sa ilalim.
Ilang sandali pa, mayroon nang lumitaw na munting ulo ng pawikan.
Sa bawat lumitaw na ulo, naghiwayan ang mga manonood.
Mahigit isang oras matapos lumitaw ang unang ulo ng pawikan, sumunod
ang iba pa. Buhay at malilikot ang munting mga pawikan na sinlaki
ng kahon ng posporo.
Kumakaripas sila ng takbo na animo'y mga kuneho patungo sa dagat.
Ang hindi nila alam, muntik na silang iulam at gawing pulutan kung
hindi naagapan ng nagmamalasakit na mga tao.
Ang mga ito ay binili lang ng mga kawani ng EPA mula sa mga magnanakaw
ng itlog ng pawikan sa dalampasigan ng Zambales.
Itinatag ang pangitlugan na ito upang sagipin ang mga itlog na
madalas nauuwi sa hapag kainan ng mga taga-Zambales.
Ayon kay Guy Hilbero ng EPA, mahigit 1,000 ang nakukuha nilang
mga itlog mula sa mga magnanakaw.
Ang mga napisa at nasaksihan ng The CORRESPONDENTS ay bahagi
ng unang pangkat ng mga itlog na nabili noong Oktubre.
Bukod kay Gilbero, isa ang Amerikanang si Helen Bachmeier sa mga
tao na nagtitiyagang maglakad sa dalampasigan tuwing gabi upang
maghanap ng itlog ng pawikan.
Nasagip at inampon
Batid ng mga residente ng San Antonio ang pag-aaruga ng EPA sa mga
pawikan. Ngunit naging dahan-dahan ang pagbabagong ito.
Hindi batid ng Kagawaran ng Kapaligiran at Likas-Yaman (DENR) na
pangitlugan din ng pawikan ang San Antonio.
Bunga nito, kadalasan ay kinukutya ng mga residente ang mga non-government
organization na nagtutungo sa lugar upang maglunsad ng mga pag-aaral
para sa mga pawikan.
Ngunit sa pagkapisa ng mga itlog ng pawikan, nakalimutan ng lahat
ang sama ng loob. Sa 57 itlog, 51 ang napisa at nalalabi ay nabugok.
Mahigit 90 porsyento ng mga itlog ang napisa na siyang ikinatuwa
ni Hilbero dahil madalas sa hindi, nauubos ang mga itlog bago pa
man mapisa.
Bandang madaling-araw, ibang grupo naman ang sumulpot sa tabing-dagat.
Sila ay mga mag-aaral ng Pundaquit Elementary School na "umampon"
sa mga pawikang munti.
Ayon sa programa ng EPA, ang bawat pawikan na mapisa ay aampunin
ng isang estudyante bago pakawalan sa dagat. Maituturing na seremonya
ang lahat pero para sa mga kawani ng EPA at sa mga mag-aaral, makabuluhan
ang lahat.
Naaliw nang lubusan ang mga bata sa maliliit na pawikan. Bagama't
mga residente sila ng Pundaquit, karamihan sa kanila ay ngayon lang
nakakita ng pawikan.
Ang karamihan sa kanila, ang pagkakaalam sa pawikan ay pagkain.
Sa kabila ng trabaho ng mga kawani at boluntaryo ng EPA, marami
pa rin sa mga Zambaleño ang hindi alam na bawal ang panghuhuli
at pangunguha ng itlog ng pawikan.
Sa pagdalaw ng The CORRESPONDENTS sa palengke ng San Antonio,
napag-alaman ng grupo na mayropong mga itlog ng pawikan na nabenta.
Hingi nga lang ito inabutan ng grupo.
May presyong mula P140 hanggang P180 ang bawat kilo ng pawikan
sa palengke. Bagama't ilegal ang bentahan, mayroon pa ring tumatangkilik
dito.
Noong huling araw ng The CORRESPONDENTS sa San Antonio,
nakatiyempo ang grupo ng mga itlog ng pawikan na ibinebenta sa palengke.
Binili ng grupo ang mga itlog na nalalabi sa halagang tatlo para
sa P20. Ayon sa babaeng nagtitinda nito, kung napaaga pa ay mahigit
100 ang itlog ang hawak niya.
Noong dumating ang The CORRESPONDENTS, 12 na lang ang nalalabi.
Walang hinala ang tindera ng itlog na bawal ang ginagawa niya.
Itinuro pa niya ang katapat na pwesto na siya umanong pinagmulan
ng mga itlog.
Bumalik sa pangitlugan ang The CORRESPONDENTS upang ilibing
sa buhangin ang 12 mga itlog ng pawikan mula sa palengke.
Matapos ang 45 na araw, inaasahang mapipisa ang mga itlog. Bagama't
12 lang ang nasagip ng grupo, tiyak na malaki ang maitutulong nito
sa pagpaparami at pangangalaga ng mga pawikan.
Totoong nahihirapan ang marami na intindihin kung bakit pinagtutuunan
ng pansin ng mga grupong tulad ng EPA ang mga pawikan.
Sabi nga nila, ano ba ang pakialam sa hayop na ito gayong mas marami
ang mahalagang mga bagay na maaring pagtuunan ng pansin kaysa dito?
Pero ang problema, tulad ng mahahalagang mga bagay ay mayroon ding
silbi ang mga pawikan sa buhay ng tao. Pero tulad din ng tao, maiintindihan
lang ang halaga ng pawikan kapag wala nang makitang ganito sa dalampasigan
ng Zambales.
|