|
Ulat ni Ed Lingao
Kapag nag-imbita ng mamamamahayag si Gregorio "Ka Roger" Rosal sa kabundukan, bukod sa kanyang "sombrero ni Mao Tse-tung," kapansin-pansin din ang laptop computer sa harap niya.
Si Rosal ang tagapagsalita ng Communist Party of the Philippines-New People's Army (CPP-NPA), ang kilusan na mahigit tatlong dekada nang nakikipaglaban sa pamahalaan.
Mayroong sariling laptop si Rosal at isa rin ang ginagamit ni "Ka Filiw" (di-tunay na pangalan). Si Filiw ang tagapagsalita ng Cordillera People's Democratic Front.
Mula sa laptop nagbabasa ng mga peryodiko si Rosal sa pamamagitan ng Internet sa pamamagitan ng software na "Windows XP."
Maliban sa mga cellular phone na karaniwan na ngayong ginagamit ng mga rebelde, mayroon na rin silang mga laptop computer para sa komunikasyon at koordinasyon. Sa pamamagitan ng mga laptop, ang mga mensahe ng iba't ibang yunit ay mabilis nang natatanggap ng mga kasama sa ibang lugar.
Sa katunayan, nang sadyain ng The CORRESPONDENTS ang kampo ng NPA sa kabundukan ng Benguet, si Filiw ay nakitang "optical mouse" pa ang gamit. Ang optical mouse ay isang uri ng mouse na hindi na kailangan ng kable mula sa CPU ng computer. Kahit sa teknolohiyang pandigma, pilit ding humahabol ang kilusan.
Ani Rosal, may ilang yunit sila na gumagamit ng "night vision goggles," tulad ng ginagamit ng Sandatahang Lakas (AFP). Ang ilan sa mga night vision goggle na ito, ayon kay Rosal, ay regalo ng mga pulitiko bilang pambayad sa permisong mangampanya sa mga lugar na sakop umano ng mga rebelde.
Habol sa pagbabago
Tulad ng programang modernisasyon ng AFP, hinahabol din ng CPP-NPA ang sarili nitong pag-unlad sa pamamagitan ng teknolohiya. Ito ay sa pamamagitan ng mga pagbabago sa larangan ng digmaan.
Ipinakita ng kilusan sa The CORRESPONDENTS ang isang granada na ginawa umano ng kanilang mga kasama sa NPA. Ayon kay Filiw, higit na ligtas ang kanilang granada dahil dalawa ang "safety pin" nito. Pero may problema sa granada, ani Filiw, dahil anim na buwan lang ang itinatagal nito bago mawalan ng bisa.
Dagdag ni Rosal, patuloy na nag-aaral ang mga kasama niya sa kilusan sa pagkukumpuni ng mga armas at paggawa ng bala. Dahilan ni Rosal, kailangang mag-aral ng mga kasapi ng kilusan dahil sunod-sunod ang pagtumba ng mga kaalyadong bansa ng CPP-NPA sa ibayong dagat.
Noong nakakaraang mga dekada, pangunahin ang China sa mga bansa na nagpapadala ng armas sa mga rebelde. Ngunit maging ang bayan ni Mao, na isa sa mga nagtatag ng partido komunista sa kanilang lugar, nagbago na rin.
Sa kabila nito, sinabi ni Rosal na patuloy silang tumatanggap ng mga kasamahang rebelde mula sa iba't ibang bansa para sa pagsasanay sa Pilipinas. Sa katunayan, aniya, kamakailan lang ay mayroong dumating na mga rebelde mula Myanmar upang magsanay kasama ng NPA.
Sa harap ng mga pagbabago sa teknolohiya at pakikipagtalastasan sa ibang pangkat ng mga rebelde sa ibayong dagat, aminado si Rosal na naiiwan pa rin ang kilusan.
Ang mga baril nila, aniya, ay mga ripleng M-16 pa rin. Karamihan sa mga ito ay bunga ng operasyong "agaw-armas" tuwing may engkwentro ang NPA at militar. Hindi rin uso ang "combat boots" sa hanay ng NPA. Ang uso sa kanila, mga tsinelas.
Para sa mangilan-ngilan na naninigarilyo, walang pera sa bisyo. Karaniwang papel mula sa peryodiko ang kanilang ibinibilot at sinisindihan. Pabor sa mga rebelde kung itim ang tinta at puti ang papel ng babasahin dahil matapang umano ang lasa ng de-kolor na peryodiko kapag sinisigarilyo.
Sa pagkain, swerte rin kung may manok dahil sagana ang hapag. Karaniwan, gulay at ligaw na mga hayop ang kinakain ng mga kadre.
Swerte ang ganitong mga pagkakataon kapag dumarating si Rosal sa isang kampo ng NPA. Ang ibig sabihin nito, sagana at masarap ang kanilang kakainin. Pero kapag wala na si Rosal at nasa gitna sila ng bakbakan, gutom ang inaabot ng mga kadre.
Sa kabila ng mga kakulangan na ito, patuloy ang mga rebelde sa pakikibaka at pakikipaglaban sa gobyerno. Ang pinakamalinaw na patunay dito ay si Rosal, ang mukha ng tatlong dekadang pakikipaglaban.
Multo ng kahapon
Si Rosal ay isang Batangueño, dating relihiyoso at kubrador ng jueteng. Aniya, minsan na rin niyang nilabanan ang adhikain na kanya ngayong pinaniniwalaan.
Sumapi si Rosal sa kilusan noong 1974. Sa loob ng tatlong dekada, ilang henerasyon ng mga gerilya ang dumaan sa ilalim niya. Anang tagapagsalita ng kilusan, sa loob ng panahong ito ay nasaksihan niya ang pamamayagpag ng iba't ibang uri ng mga "kaaway," mula sa gobyerno, hanggang sa kapwa niya na mga rebelde.
Ang pagkakaroon ng sinasabing mga kaaway sa loob, ani Rosal, ay bunga ng "kahibangan" ng CPP-NPA noong dekada '80. Ito ang panahon mula 1983 hanggang1989 kung kailan daan-daang mga kadre ang nilipol ng kilusan dahil sa pag-aakalang mga espiya sila ng gobyerno. Pero sa sumunod na imbestigasyon ng CPP-NPA, napatunayan na pawang mga inosente ang mga biktima.
Hanggang sa kasalukuyan, nananatiling sensitibo ang usaping ito sa loob ng kilusan. Maging si Rosal, atubiling magsalita tungkol sa isyu dahil maging siya ay lumahok sa pagpatay sa kanyang mga kasama.
Dalawang dekada na mula nang umpisahan ang proyektong usigin at lipulin ang mga espiya umano sa hanay ng kilusan, ngunit paulit-ulit na lumilitaw ang multo nito.
Nakalantad ito ngayon sa plano ng kilusan na isulong ang programang modernisasyon. Pero ang totoo, nakatali pa rin ang CPP-NPA sa kanyang nakaraan. Nakaangkla ito sa mga kadre na tumanda na sa pakikipaglaban sa ngalan ng isang ideolohiya na matagal nang inabandona ng mga nagpasimula nito.
|