|
Ulat ni Karen Davila
Matagal nang pinag-aaralan ni Sam Winters, isang propesor ng sikolohiya sa Hong University, ang misteryo ng mga "transvestite" o kung tawagin niya ay "transgender."
Sila ang mga "babae na ipinanganak na lalaki," o sa madaling salita, may isip-babae at pusong babae pero nakapaloob sa katawan ng isang lalaki.
Sa proseso ng kanyang pag-aaral sa transgender, nalibot ni Winters ang buong daigdig. Batay sa kanyang pag-aaral sa Estados Unidos at Europa, halos pantay ang ikalawa at ikaapat na mga daliri ng mga lalaki.
Pero kapag likhang babae, hindi pantay ang mga ito, aniya. Sinabi ni Winters na posibleng dahilan ng hindi pagkakapantay ng daliri sa mga likhang babae ang siyang ugat kung bakit ang ipinagbubuntis ng ina ay nagiging anyong babae o lalaki.
Naniniwala si Winters na dahilan ito ng mga "hormones" sa sinapupunan ng ina.
Hindi pa tapos ang pag-aaral ni Winters pero isa sa mga tinututukan niya ng pansin ay ang isyu ng hormones sa sanggol at kung papaano ito nagdudulot ng pusong babae sa isang lalaki.
Pero para kay Vince Santiago na isang Pilipino, naliwanagan na siya. Ani Santiago, na minsan nang nagpanggap bilang babae, ipinanganak siyang lalaki at ito ang ginusto ng Dios para sa kanya.
Si Santiago ay minsan nang naging si "Vinna Santiago." Dalawampu't apat na taong gulang siya noon nang magpapalit siya ng ari, mula sa panlalaki patungo sa pambabae.
Mula ulo hanggang paa, nakadamit man o nakahubad, nilubos ni Santiago ang pagnanais niyang maging babae.
Nakuha ni Santiago ang nais niya. Sinubukan niyang mamuhay bilang isang tunay na babae. Nakapag-asawa siya ng isang Briton.
Pero matapos ang ilang taon, hindi naibsan ng pagiging "babae" ni Santiago ang kakulangan sa kanyang buhay.
Sa isang 'di inaasahang pagkakataon, napanood ni Santiago ang programang <i>700 Club</i> sa telebisyon. Dito nagmula ang kanyang pagbabalik sa pagiging lalaki.
Mahabang proseso ang pinagdaanan ni Santiago pero dumating ang isang araw, nagisnan na lang niya ang sarili na nagpagupit ng gupit-lalaki at nagbihis-lalaki. Maging ang ipinadagdag niya sa dibdib ay ipinatanggal niya.
Sa kasalukuyan, ipinananalangin ni Santiago na makapag-asawa siya ng babae kahit pambabae ang ari niya.
Bagama't magagawa niya, tumatanggi pa rin si Dr. Alexander de Leon na ibalik sa dati ang estado ng ari ni Santiago. Ani de Leon, ang mahirap dito ay hindi na maaaring ibalik ang napalitan na ari kumpara sa ibang pagpaparetoke sa katawan.
Sinabi ni de Leon na hindi hinaharangan ng mga doktor ang pagpapalit ng ari ng isang lalaki patungo sa pambabae. Pero pagdating ng panahon at magpalit ng isip ang lalaki na nagpapalit ng ari, hindi na maaari pang baligtarin ang mga pangyayari.
Para kay Santiago, huli na ang lahat para sa pagsisisi. Araw-araw niyang pasan ang naging desisyon niya noong nakaraan.
Sa harap ng pagsubok na ito, tumatanggi pa rin siyang husgahan ang dating mga "kabaro." Aniya, naiintindihan niya ang saloobin ng mga ito dahil nanggaling siya sa ganitong kalagayan.
|