|
Ulat ni Abner Mercado
Sa bayan ng Candaba, Pampanga, sa baryo ng Mapanique, laganap ang mga kwento ng mga babae na nagtrabaho at nagkaroon ng karanasan sa Japan.
Taon ng 2000 nang unang nakapagtrabaho sa Japan si Marilen Puno Mitsumura. Aniya, tatlong beses na siyang nakapagpabalik-balik sa Japan simula noon.
Batid ni Mitsumura noong una ang mapanlibak na taguri sa mga katulad niyang nakapagtrabaho sa Japan pero hindi niya iyon inintindi. Ayon sa babae, hindi niya mapakakain ang kanyang pamilya sa sinasabi ng mga tao.
Ulila sa ama si Mitsumura. Lima silang magkakapatid at sa kanya umaasa ang pamilya.
Sa Japan, hindi lang kabuhayan ang natagpuan ni Mitsumura kundi nasungkit din ang kanyang puso ng isang Hapones. Sa katunayan, nagpakasal sila noong unang linggo ng Enero sa Pilipinas.
Pero sa kabila ng natupad na mga pangarap ni Mitsumura, pasang krus pa rin niya ang inang maysakit. Pangako ni Mitsumura sa sarili, kapag nakapag-ipon na siya ay ipagagamot niya ang ina.
Sa mismong pusod ng Mapanique ay may talent promotion agency. Ito ang patunay na marami ang nahuhumaling sa mga mamamayan dito na magtungo sa Japan.
Ayon sa mga residente, "katas" din umano ng Japan ang ipinagpatayo ng bahay na ginagawang opisina ng ahensya.
Kilala at hayag ang negosyo ng ahensyang ito. Pero nang lapitan ng The CORRESPONDENTS para sa panayam, binawalan ang pangkat ng mga babae ng3 namamahala ng ahensya.
Sa kabila ng kasaganaan na dulot ng Japan sa mga mamamayan ng Mapanique, hindi lahat sila ay nagtungo doon upang maging mananayaw.
Isa sa kanila ni Paredes Velacha na unang nakapagtrabaho sa Japan noong 1987. Siyam na anak ang iniwan ni Velacha sa Pilipinas sa pangarap na magtrabaho sa Japan bilang serbidor sa isang klab.
Ngunit taliwas sa mga babae ng Mapanique, mapangahas na mundo ang sinuong ni Velacha sa Japan. Sa kagustuhang kumita nang malaking salapi, gumamit si Velacha ng ibang pangalan.
Ginamit ni Velacha ang pangalan na "Teodoro Garrido," isa umanong residente ng Cebu at nagtungo sa Japan gamit ang isang "tourist visa."
Ayon kay Velacha, nang humarap siya sa konsul sa embahada ng Japan, idinahilan niya rito na nais niyang magtungo sa naturang bansa upang makakita ng "snow" o niebe at upang makapamasyal na rin.
Pero higit sa niebe ang nakamit ni Velacha. Bumalik siya sandali sa Pilipinas noong 1990 at matapos noon ay muling lumipad patungong Japan.
Bunga ng kasinupan sa pera na kinita sa Japan, nakapagpundar ng bahay, nakapagpatapos ng pag-aaral sa mga anak, nakabili ng sasakyan at mayroon nang negosyo ng palay na naitayo si Velacha.
Aniya, masakit man na tanggapin, hindi maipagkaloob ng Pilipinas ang kaginhawahan na natagpuan niya sa bansang Hapon.
Sa kasalukuyan, nagtatrabaho rin sa Japan ang dalawang anak ni Velacha na sina Oliver at Nelson. Labindalawang taon na si Nelson doon at hindi pa umuuwi hanggang ngayon.
Halos lahat ng lupain sa likod ng kanilang bahay ay nabili na ng pamilya Velacha. Maging ang anak nilang si Nelson ay naipagpundar ng bahay ang kanyang mga magulang.
Nabili na rin ni Nelson ang limang-ektaryang sakahan ng likod ng kanyang bahay at sa harap nito, ang bakahan na naipundar ng ama.
Sa likod ng kasaganaan nina Mitsmura at Velacha, nagkukubli sa Mapanique ang isang mapait na kabanata ng kasaysayan.
Ikalawang mukha ng Japan
Kung naghatid kina Mitsumura at Velacha ng kasaganaan ang Japan, iba ang nakaukit na alaala ng bansang ito sa grupo ng "Malaya Lola," isang pangkat ng mga babae na ginahasa at pinagsamantalahan ng mga sundalong Hapones noong panahon ng digmaan.
Sa ngayon, iilan na lang sa samahan nina Juanaja Garcia ang nabubuhay. Animnapu't siyam na taon na ang matanda. Sampung taong gulang siya nang lumusob ang mga Hapones sa kanilang baryo.
Ani Garcia, higit sa mga salita at larawan ang naranasan nilang kalupitan sa kamay ng mga Hapones. Ito ang bangungot na dala-dala nila hanggang sa ngayon.
Kinatawan ni Garcia ang kanilang pangkat nang ipagharap nito ng sakdal ang pamahalaang Hapones sa Women's International Tribunal sa Tokyo noong taong 2000. Nais ng grupo na igiit ang kanilang kaso laban sa mga sundalong Hapones na gumahasa sa mga babae sa Mapanique noong digmaan.
Nagpupuyos ang damdamin ng mga lola dahil hanggang ngayon, hindi pa nila nakakamit ang katarungan sa sinapit noong digmaan. Makailang ulit na rin nilang naikwento sa mga mamamahayag ang karanasan nila pero wala pa ring nangyayari.
Mayroon na lang 70 kasapi ang nananatiling buhay sa pangkat nina Garcia. Hinanakit nila ngayon ang tila pagkalimot umano sa karaingan nila ng kababayang si Gloria Macapagal Arroyo.
Batid din nila sa ngayon na ang kanilang baryo ay pugad ng mga kabataan na nagnanais magtungo at maghanapbuhay sa Japan, ang bansa na minsan nang yumurak sa puri nila.
Pero giit ng mga lola, maaaring malimutan ng mga kabataang ito ang pait ng karanasan ng mga matatanda. Ngunit sa kanilang dumanas ng hirap at pasakit noong panahong iyon, ang sugat ng nakaraan ay mananatiling sugat ng nakaraan.
|