|
Ulat ni Aladin Bacolodan
Tuwing umaga, hindi mo matatagpuan sa mga kalsada ng Forbes Park si Jejomar Binay, alkalde ng Makati. Sa halip, makikita siya sa gilid ng mga riles ng Philippine National Railways na tumatawid sa lungsod.
Bago pa makainom ng kape at makakain ng almusal, nasa labas na ng bahay si Binay at naglilibot sa mga barangay kasama ang anak niyang si Jejomar Jr. o Junjun na konsehal ng lungsod.
Isa ito sa mga dahilan kung bakit hindi mabuwag-buwag sa Makati ang apelyidong Binay kahit hindi boto sa alkalde ang lahat ng mga mamamayan ng siyudad.
Tuwing eleksyon, ang tinaguriang "boses ng masa" ang naghahari sa Makati.
Ayon kay Binay, noon pang una siyang mahalal na alkalde, ganito na ang estilo niya: ang pagsusumikap na makadaupang-palad ang ordinaryong mga tao.
Kaya, aniya, hindi siya maaaring akusahan na nagpapakitang tao lang.
Noong mapatalsik sa poder ang dating pangulong Ferdinand Marcos, si Binay ang pinili ng dating pangulong Corazon Aquino na magsilbing OIC (office-in-charge) na alkalde ng noon ay bayan ng Makati.
Nang idaos ang eleksyon sa pagkaalkalde noong 1988, tumakbo at nanalo si Binay. Naulit ito noong 1992 at 1995.
Pagsapit ng eleksyon ng 1995, hindi na maaaring kumandidato si Binay dahil ikatlong termno na niya. Sa halip na siya, pinakandidato ni Binay ang asawa niyang si Elenita na isang doktora. Tatlong taon nanungkulan si Gng. Binay bilang alkalde. Sa loob ng panahong iyon, nagpahinga lang pala ang kanyang esposo.
Pagdating ng 1998, tumakbo muli at nanalo si Binay bilang alkalde. Isa ang aktor na si Edu Manzano sa mga nakalaban niya noon.
Ngunit hindi nakayanan ng kinang ng pagiging bituin ni Manzano ang tatag ni Binay. Hindi niya nasingitan ang dating alkalde sa panibagong tatlong taon na termino sa bahay pamahalaan ng lungsod.
Mula noon hanggang sa kasalukuyan, tila wala ngang makasisingit kay Binay at wala siyang balak na magpasingit pa.
Sa halalang lokal sa Mayo 10, sasabak muli si Binay upang mapanatili ang pamumuno sa ipinagmamalaking "Republika ng Makati."
Maliit pero malaki
Kung tutuusin, wala pang kalahating milyong tao ang naninirahan sa Makati. Sa huling senso, umabot lang sa 420,000 na mga residente ang naitalang naninirahan dito.
Walang pang tatlong libong ektarya ang sukat ng lupain na sakop ng lungsod pero ito ang pinakamayaman sa buong Pilipinas.
Sa loob ng isang taon, umaabot sa P7.4 bilyon ang buwis na nakokolekta ng pamahalaang lokal.
Para sa grupong Campaign for Public Accountability (CPA), isa sa mga kritiko ni Binay, ang kapangyarihang dulot ng pera ng Makati ang dahilan kung bakit walang balak bumaba sa pwesto ang alkalde.
Pinagbintangan ni Bobby Brillantes ng CPA ang pangasiwaan ni Binay ng pagnanakaw at paglustay sa salapi ng taumbayan.
Noong unang magkita ang The CORRESPONDENTS at si Binay, ipinagmalaki ng alkalde sa grupo ang loob ng bahay pamahalaanng lungsod.
Aniya, ang gusaling ito ang sumasalamin sa estilo ng pamamahala niya at lawak ng kanyang mga nagawa.
Sa loob ng gusali, detalyado ang lahat at nakamamangha ang pagkakaayos ng mga silid nito.
Mayroong dalawang mesa si Binay sa kanyang tanggapan na matatagpuan sa magkatabing kwarto. Ang isang mesa ay nakalaan sa pagtanggap sa mga bisita at ang ikalawa ay ang lugar para sa trabaho.
Mayroong sariling kwartong tinutulugan si Binay sa kanyang tanggapan. Mayroon itong sariling kusina, silid-aklatan at tambayan ng mga bisita.
Matatagpuan din sa gusali ang di-mabilang na mga silid-pulungan na pawang moderno ang mga gamit mula sa video wall hanggang sa sound system.
Maging ang mga palikuran ay awtomatiko ang mga gripo at flush.
Aniya, itinulad ang pagkakagawa ng mga opisina sa isang pribadong tanggapan. Pero sa pagtataya ng The CORRESPONDENTS, hindi pribadong opisina kundi mistulang hotel ang bahay pamahalaan ng Makati.
E kasi libre
Sa buong Pilipinas, Makati lang ang may sariling gym na mayroong mamahaling treadmill at iba pang kagamitan sa ehersisyo. Higit sa P100,000 ang halaga ng bawat isa nito.
Kumpara sa gusali ng Senado, higit na komportable ang bulwagan para sa sesyon ng sangguniang bayan ng Makati. Pinatatakbo ng computer ang lahat ng transaksyon dito at lahat ng gawain ay organisado.
Higit sa isang bahay kung ituring ni Binay ang munisipyo ng Makati. Aniya, metikuloso siya pagdating sa kalinisan dahil iniiwan niya ang idea ng maruming bahay pamahalaan dahil inihahalintulad dito ang serbisyong gobyerno.
Ngunit kung si Brillantes ang tatanungin, walang karapatang magmalinis si Binay dahil ang bahay pamahalaan na ipinagmamalaki niya ay mantsa umano ng pagkatao ng alkalde.
Ayon kay Brillantes, isinalang sa imbestigasyon ng Komisyon ng Awdit (COA) ang mag-asawang Binay dahil sa P231 milyong nagastos para sa pagbili ng muebles para sa bahay pamahalaan.
Bunga nito, nahaharap sa kasong pandarambong ang mag-asawa sa Office of the Ombudsman.
Depensa ni Binay, lubhang lumaki ang gastos dahil inisip nila na madali ring masisira ang mumurahing kagamitan kaya iyon nang mamahalin ang kinuha nila.
Bukod sa mga ginastos sa pagpapatayo ng bahay pamahalaan, ipinagmamalaki rin ni Binay ang proyektong libreng edukasyon sa Makati.
Aniya, walang bayad ang matrikula sa pampublikong elementarya at mataas na paaralan, libre pa ang mga kagamitan. Pagmamalaki ni Binay, talo pa nito ang mag-aral sa pribadong eskwelahan.
Sa kolehiyo, kapag residente ng lungsod ay P1,000 lang ang matrikula sa Unibersidad ng Makati.
Ngunit ang mga programang ito sa edukasyon ang pinag-ugatan ng isa pang kasong isinampa laban kay Binay.
Batay sa siyasat ng COA, sa pagbili ng pamahalaang lokal ng mga libro noong 2000 at 2001, nalugi ng halos P20 milyon ang pamahalaan dahil sa labis na halagang ipinatong sa presyo ng mga aklat.
Ikinumpara ng COA ang presyo sa pagbili ng mga libro ng ibang pamahalaang lokal. Halimbawa, kung P35.74 lang ang presyo ng libro sa agham na nabili ng Pasig at Caloocan, sa Makati ay pumatak ito sa P89.35.
Sa 7,000 mga aklat, mahigit P380,000 ang sobra sa presyo nito, ayon sa COA.
Bukod pa rito, idinadawit din si Binay at ang asawa niya sa pagmamaniobra sa pagbili ng mga kagamitang hindi matagpuan sa Ospital ng Makati.
Batay sa ulat ng COA, umabot sa P431 milyon ang nawala sa pamahalaan sa 13 mga kontrata na pinirmahan ng mag-asawang Binay sa ngalan ng pamahalaang lokal.
Sagot ni Binay, sa loob ng mahigit isang dekada ay ipinupukol sa kanila ang mga bintang ngunit walang napatutunayan.
Ani Binay, hindi siya pulitiko kundi tagapangasiwang radikal na mapangahas kaya madalas na mapulaan.
Isa sa mga sinasabing "mapangahas" na ideya ni Binay ang "yellow card." Nakapaloob sa proyektong ito ang programang pangkalusugan ng mga residente ng Makati. Layunin nito na pagkalooban ng libreng gamot at opera sa ospital ang mga mamamayan.
Kapag kasali sa programang ito ang isang residente, 70 porsyento ng gastusin niya sa ospital ay aakuin ng pamahalaang lokal.
Isa sa mga nakapanayam ng The CORRESPONDENTS si Gng. Rosalinda Ador na mayroong yellow card. Aniya, nagpaopera siya kamakailan sa Ospital ng Makati. Ang halaga ng operasyon ay P17,000 ngunit ang ibinayad lang niya ay P1,200 dahil sa yellow card.
Sa kabila ng halimbawa kay Ador, mayroon pa ring hindi naniniwala sa programa ni Binay.
Ayon sa mga pasyenteng tumangging magbigay ng pangalan, totoong libre ang serbisyo pero mahal pa rin ang mga gamot sa ospital.
Itinanggi ng nakababatang Binay na nangangampanya sila sa pamamagitan ng programang pangkalusugan ng ama. Aniya, walang nakalagay dito na "iboto si Binay."
Ngunit sa likod ng primera klaseng programang pangkalusugan, binibira pa rin ng mga kritiko si Binay dahil labis na salaping ginastos umano sa pagbili ng mga kagamitan sa ospital.
Isa na rito ang makina para sa ultrasound. Batay sa ulat ng COA, nagkakalaga ito ng P7.98 milyon ayon sa kontratang pinirmahan ng sangguniang bayan.
Pero ang totoong presyo nito ay P1.299 milyon lang. Sa madaling salita, lumabis ng P6.68 ang halaga nito sa kontratang pinasok ni Binay.
Ang tanong ng mga kritiko: Saanm napunta ang mahigit anim na milyong piso?
Iisang pamilya tayo
Sa dami ng mga kritiko ni Binay, tanging si Konsehal Oscar Ibay lang ang nangahas lumaban ngayong eleksyon. Tapos na ang termino ni Ibay sa pagkakonsehal kung saan nanguna siya sa botohan sa nakalipas na dalawang halalan.
Noong mga halalan na iyon, magkasama sina Ibay at Binay sa partidong PDP-Laban.
Aniya, kung totoong serbisyo ang nais ni Binay, sapat na umano ang 17 taon na panunungkulan sa Makati. Tanong niya kay Binay: Bakit hindi mo pagbigyan ang iba?
Sagot ni Binay, napatutunayan sa serbisyo publiko kung sino ang nais ng mga tao na mamuno sa kanila.
Sinegundahan ito ng nakababatang Binay. Aniya, ang terminong "dynasty" ay ginagamit dahil iisang pamilya silang namumuno. Pero anang batang konsehal, kung hindi nais ng mga tao na pamunuan sila ng mga Binay, walang hadlang para alisin sila sa poder.
Nakatakdang tumakbo ang nakababatang Binay sa ikalawang termino niya bilang konsehal. Maaari pa siyang kumandidato sa 2007 at hindi malayong sa 2010, kapag hindi na pwede ang ama ay ang anak ang papalit sa kanya sa pagkaalkalde.
Ayon sa nakababatang Binay, magiging ipokrito siya kung sasabihin niyang ayaw niyang maging alkalde. Kung bibigyan siya ng pagkakataon ay tatanggapin niya.
|