Sekta ng sakripisyo: Kulto o sentro ng mga relihiyoso?
 

"Dios sa lupa"
Itinanghal ng The CORRESPONDENTS, Lunes, 11:30 p.m.

 
Ulat ni Karen Davila

Matatagpuan sa bulubunduking bayan ng Hermosa, Bataan, ang isang kakaibang barangay kung saan nakasentro sa pananampalataya
ang buhay ng mga mamamayan.

Ito ang Barangay Sacrifice Valley. Dito ang salitang "sakripisyo" ay kaakibat ng pang-araw-araw na pamumuhay at gawain ng mga tao.

Unang bisita ng The CORRESPONDENTS sa lugar nitong Abril. Walang kaalam-alam ang grupo sa pamamalakad dito hanggang sa ihayag ng isang opisyal ang kanilang mga patakaran.

Ang mga bisita sa Sacrifice Valley dapat na tumalima sa panuntunan ng lugar pagdating sa pananamit. Ang mga bisitang babae nakasuot ng pantalon, kung walang baon ay pinahihiram ng palda.

Ayon sa mga residente, ibinabalik lang nila ang kaugalian noong unang panahon kung kailan pawang nakapalda ang mga babae.

Kung tutuusin, ang Sacrifice Valley ang kaisa-isang barangay sa buong Pilipinas kung saan estrikto ang mga opisyal pagdating sa pananamit ng mga residente.

 

Bilog na simbahan
Ipinakilala ng mga residente sa The CORRESPONDENTS ang patriarko o pinuno ng lugar, si Dr. John Florentine Teruel ng Apostolic Catholic Church. Anang mga residente, si Teruel ay kahanay ng Papa Juan Pablo II sa Roma kaya "Papang" ang tawag nila sa kanya.

Sinabi ni Teruel na itinuturing nila ang mga sarili bilang tagasampalataya ng Simbahang Katolika dahil naniniwala sila sa Birheng Maria. Pero, aniya, naniniwala rin sila sa tradisyunal na idea ng simbahan.

Kakaiba ang hitsura ng simbahan nina Teruel dahil bilog ang hugis nito. Sa itaas ng gusali, nakatayo ang dalawang krus, kapwa mga simbolo ng pinaghalong Katolisismo at sinaunang simbahan.

Pero kumpara sa Simbahang Katolika, sa loob ng simbahan ay walang mga imahen ng santo. Ang tanging nakalagay sa altar nila ay isang puso na tanda umano sa kamatayan ni Hesus.

Kapansin-pansin din na ang mga tao na pumapasok sa simbahan nila ay nakayapak. Ang mga babae, bukod sa nakasuot ng palda, ay mayroong belo na puti o asul.

Ang mga lalaki, bawal pumasok kung ang suot ay sando o kamiseta. Lahat sila, nakasuot ng abito at may takip din sa ulo.

Mayroong pari para sa misa, pero dito bukas ang pangungumpisal para sa kongregasyon. Bagama't pribado, walang harang sa pagitan ng pari at ng nangungumpisal.

Nasaksihan ng The CORRESPONDENTS ang mahabang pila ng mga tao na nangungumpisal. Bunga nito, pinagsabay-sabay na ang pangungumpisal at pagbibigay ng basbas ng mga pari.


Misteryo sa bundok
Itinuturing ng mga mamamayan na lugar dalanginan ang Sacrifice Valley. Ang matarik na bundok ay pinatayuan nila ng 17 istrukturang bilog na mayroong imahen ng Birheng Maria. Ito ang kanilang "basilica" o simbahan.

Pinalibutan din nila ng higanteng mga estatwa ng Birhen ang buong barangay.

Misteryong maituturing ang kasaysayan ng pangkat ni Teruel. Nagsimula ito noong 1970 sa pamamagitan ng isang babae, si Maria Virginia Teruel, ina ng kasalukuyang patriarko. Kilala siya ng mga deboto bilang "Mamang."

Sa ngayon, 83 anyos na ang nakatatandang Teruel at naninirahan sa isang kubo sa harap ng basilica.

Sa kubo, nadatnan ng The CORRESPONDENTS ang matandang babae na nababalot ng puting tela. Ayon sa anak niya, ang nakatatandang Teruel ay itinuturing ng mga deboto na "sugo ng Panginoon" at siyang tanging kinakausap ng Birheng Maria.

Sinabi ni "Mamang" na siya ang "esposa" ng Espirito Santo na kung tawagin niya ay "Mahal na Ingkong." Sa buong mundo, aniya, siya lang ang ginagamit o kinalulugdan ng Mahal na Ingkong.

Noong siya ay bata pa, ani Mamang, inako na niya ang kasalanan ng lahat ng mga tao sa daigdig sa pamamagitan ng pagpasan ng krus. Pero hindi na ngayon. Matanda na si Mamang at mahina ang katawan niya. Sa kabila nito, hindi pa rin nawawala ang kapangyarihan niya sa mga deboto.

Noong araw na bisitahin ng The CORRESPONDENTS si Mamang, dumating ang isang grupo ng mga madre na pumalibot sa kanya. Higit pa sa reyna ang trato ng mga madre kay Mamang.

Sila ang nagpapakain, nag-aalaga at nagpapaligo sa kanya. Higit ang debosyon nila kay Mamang kaysa ibang nilalang sa lupa. Sa tindi ng kanilang debosyon, kahit sa pagboto ay tumatalima sila sa utos ni Mamang.

Kung sila ay paniniwalaan, umaabot umano sa mahigit limang milyon ang mga miembro ng sekta sa mga probinsya at ibang panig ng mundo. Sa Bataan, tinatayang may 35,000 botante at karamihan dito ay mga miembro ng sekta.

Ani Teruel, noong halalang pambansa ng 1998 ay solido sila para sa dating pangulong Joseph Estrada. Aniya, "Magagawa naming ipanalo o ipatalo ang isang kandidato maging sa lokal o halalang pambansa."

Bunga nito, hindi maitatatwang nililigawan sila ng mga pulitiko para sa boto. Sa katunayan, noong Pebrero 11 ay binisita sila ng Pangulong Gloria Arroyo. Inakyat ng Pangulo ang bundok upang makipista sa Birhen.

Bukod kay Gng. Arroyo, sa nakaraang mga eleksyon ay humingi rin ng tulong sa sekta ang mga pulitikong tulad nina Sen. Robert Jaworski, dating senador Heherson Alvarez at Sen. Manuel Villar.

Pero sa lahat ng mga pulitikong bumisita sa lugar, ang dating pangulong Ferdinand Marcos ang pinakamalapit kay Teruel. Aniya, loyalista siya ni Marcos. Sa katunayan, matapos ang EDSA I, madalas bisitahin ni Teruel ang pamilya Marcos sa Hawaii.

 

Sunod sa utos
Bukod sa respeto, sinusunod ng mga residente ng Sacrifice Valley si Teruel dahil siya ang punong barangay dito. Sinasamba rin siya ng mga tao dahil siya ang patriarko o "santo papa" ng Apostolic Catholic Church.

"Bilang patriarko, kapantay ko ang Santo Papa sa Roma, " aniya. Sinabi rin ni Teruel na kapantay din niya ang mga patriarko ng Constatinople noong unang panahon.

Sa kasalukuyan, sinabi ni Teruel na walo na lang silang mga patriarko na nabubuhay sa daigdig. Aniya, maaaring pagtawanan siya ng mga makaririnig sa titulong ito pero wala siyang pakialam dahil iyon talaga ang tawag sa kanya.

Maituturing na kontrobersyal si Teruel. Dati siyang may-asawa na nakipagdiborsyo sa babae sa Amerika. Pero, aniya, hindi nito nababawasan ang kanyang kabanalan.

Kung siya ang tanging santo papa na dating may-asawa, siya rin ang bukod tanging gumastos para maisapelikula ang buhay. Ito ay sa pamamagitanng pelikulang Ingkong Alpha at Omega kung saan itinampok ang aktor na si Eric Quizon bilang si Teruel.

Sa unang tingin, simple lang ang buhay ni Teruel. Pero sa loob ng kwarto niya, tumambad sa The CORRESPONDENTS ang pinakaiingatan niyang luho: mga sapatos.


Sunod sa luho
Nakahilera sa mga eskaparate sa dingding ng kwarto ang lahat ng modelo ng Air Jordan na pinasikat ng basketbolistang si Michael Jordan. Lahat ng modelo ng naturang sapatos, mula Air Jordan 1 hanggang Air Jordan 20, mayroon si Teruel. Aniya, tinatayang 200 pares ng sapatos ni Jordan ang mayroon siya.

Pawang orihinal na mga sapatos ang pag-aari niya, sabi ni Teruel. Hindi siya pumalya sa pagbili ng mga sapatos ni Jordan, dagdag ng hepe ng sekta. Kadalasan, sa Amerika pa siya bumibili ng mga sapatos. Ngunit aniya: "Hindi ko naman isinisuot ang mga ito, maganda lang silang kolektahin."

Hindi lang mga sapatos ang kinokolekta ni Teruel. Mahilig din siya sa mga relo at iba't ibang uri ng kristal. Maging ang mamahaling relo, nakakahiligan na rin niya.

Sinabi ni Teruel na hindi siya nangangambang mapulaan ng mga miembro dahil ang lahat ng koleksyon niya ay ipamamana sa simbahan sakaling lisanin niya ang mundong ito.

Kolektor na rin siya ng mamahaling mga selyo sa sulat o "stamp" at alak. Tungkol sa alak, sinabi ni Teruel na hindi siya umiinom nito dahil bawal sa kanilang simbahan.

Sa labas ng kwarto ni Teruel, nakahanay doon ang koleksyon ng mga DVD ng mga pelikula. Lahat ng pelikula, mapabanyaga o Pilipino, mayroon si Teruel.

Aminado siya na hindi katanggap-tanggap ang luho niya sa katawan. Sagot ni Teruel, sariling salapi ang ginagastos niya para sa mga koleksyon.

Sariling pera rin niya ang ginamit sa pagpapagawa ng isang bahay sa barangay na nakalaan sa mga bisita. Sa loob ng nasabing bahay, mayroong "jacuzzi."

Ani Teruel, nakalaan ang paliguang ito para sa kanyang ina. Kailangang may kasamang madre ang ina para magpaligo sa kanya kaya malaki ang jacuzzi, paliwanag ni Teruel.

Samantala, ang pamilya Teruel rin ang may-ari ng kaisa-isang paaralan sa Sacrifice Valley na mayroong kursong elementarya hanggang kolehiyo.

Walang sumasalungat sa pamamalakad ng mga Teruel sa barangay dahil tahimik ang kanilang lugar. Walang kaguluhan, ilegal na droga at krimen dito.

Tuwing eleksyon, si Mamang ang namimili kung sino sa mga residente ang tatakbo para sa mga pwesto. Diktadurang maituturing ang pamamalakad ng mga Teruel sa Sacrifice Valley pero walang kumokontra rito.

Ani Teruel, hindi nila binubulag ang mga tao dahil naniniwala ang mga residente sa Mahal na Ingkong.

Isa si Paciencio Plata, residente ng lugar, sa mga nananalig sa pamilya Teruel. Dayuhan dati si Plata sa lugar pero namalagi na siya rito dahil napagaling ng Mahal na Ingkong ang asawa niyang may kanser.

Walang reklamo si Plata sa kalakaran sa barangay. Aniya, kumpara sa ibang simbahan, wala silang "ikapu" o sampung porsyento ng buwanang sweldo na iniaabuloy sa simbahan.

Sa kabila nito, hindi maikakaila na bukod sa pagiging patriarko ng kanilang simbahan, si Teruel din ang sentro ng buhay ng bawat nilalang sa Sacrifice Valley. Hawak niya ang puso at kaluluwa ng mga residente. Hawak din niya ang isipan ng mga tao rito.

 
                                  ARCHIVE
   
  www.abs-cbnNEWS.com