Ang TV: Taktika ng patalastas sa kampanya ni Gloria
 

"Patalastas at pulitika"
Itinanghal ng The CORRESPONDENTS, Lunes, 11:30 p.m.

 
Ulat ni Patrick Paez

Wika ng mga tagasunod, may bagong ngiti sa mga labi ng Pangulong Gloria Arroyo. Hindi ito ang ngiti na dulot ng niretokeng mukha kundi epekto ng payo ng kung sinuman ang namamahala sa kampanya niya sa pagkapangulo.

Ayon sa mga opisyal at kaalyado ni Gng. Arroyo, si Michael Defensor ang may kagagawan nito. Anila, si Defensor lang ang tao na kayang magpatawa sa Pangulo kaya siya na rin ang kinuhang tagapagsalita sa kampanya ni Gng. Arroyo.

Unang nakilala si Gng. Arroyo noong tumakbo siya sa Senado. Nakilala siya dahil sa kakaibang ngiti sa karatula habang hawak ang isang rosas. Batay sa mga kwento, kinunan umano ng esposong si Unang Ginoo Jose Miguel "Mike" Arroyo ang naturang larawan.

Sa kanyang pagtakbo bilang bise-presidente, iba rin ang porma ni Gng. Arroyo. Gimik niya, hawak ang mga uhay ng palay at nakadamit ng tulad sa isang magsasaka.

Ngunit nang maluklok sa palasyo noong Enero 2001, nawala ang pagkatao ni Gng. Arroyo na inihalintulad sa mang-aawit na si Nora Aunor.

Sa halip, lumabas ang isang Gng. Arroyo na mataray, palaging nagdarabog at hayagan kung sabunin ang kanyang mga tauhan.

Kaya ang kanyang ngiti, nauwi sa simangot.

Kinalaunan, nagpagawa ng mga patalastas ang Malacañang para sa telebisyon. Layunin ng mga patalastas na ito na kontrahin ang masamang epekto ng pagtataray umano ng Pangulo.

Sa kabila nito, hindi nagawang ipalabas ng palasyo ang nabanggit na mga patalastas. Sa pagtataya ng mga opisyal ng palasyo, hindi na umano kailangan dahil matagal nang limot ng mga tao ang eksena ng pagsusungit ni Gng. Arroyo.

 

Ingglisera para sa masa
Sa halip, isang Gloria Arroyo na nagsasalita sa wikang ingles ang inilabas ng kanyang kampo para sa kampanya. Sa dakong huli, mayroong pahabol ang patalastas na "The Presidente is our last, best hope..."

Pero kung tutuusin, mataas ang ere ng patalastas bukod sa wikang ingles na ginamit.

Sa madaling salita, hindi nito puntirya ang "masa" na nililigawan ng lahat ng kandidato kundi ang mga tao na nakaangat sa buhay.

Ipinapakita sa naturang patalastas ang Pangulo habang kasama ang ilang kilala at matataas na lider ng iba't ibang bansa. Kasama rin niya sa patalastas ang anak na si Luli.

Ayon sa mga experto sa "public relations" na nakausap ng <i>The CORRESPONDENTS</i>, bagsak sa larangan ng "P.R." si Luli pero siya pa rin ang ginamit sa patalastas at hindi ang Unang Ginoo o ang panganay na si Mikey.

Anila, negatibo umano ang imahen ng dalawa at lalo silang makasasama sa larawan ng Pangulo.

Sa mga patalastas kung saan kasama ni Gng. Arroyo tiyak na trabaho ang senador dito: pabanguhin ang imahen ng Pangulo.

Ani Defensor, malaki ang bentahe ni de Castro sa kampanya ni Gng. Arroyo.

Una, aniya, maraming nagawa sa larangan ng serbisyo publiko ang senador. Ikalawa, "pinalalambot" ni de Castro ang matigas na paninindigan ng masa laban kay Gng. Arroyo at pangatlo ay sa pamamagitan ng senador, napapalapit ang mamamayan sa Pangulo.

 

Bukod kay 'Kabayan'
Sa kabila ng bentahe ni de Castro sa mga patalastas ni Gng. Arroyo, mga artista pa rin ang pinakamahalaga niyang tagapagsalita.

Isa ang aktres na si Kris Aquino sa mga bigating nagpapakilala sa Pangulo mula sa industriya ng telebisyon at pelikula.

Musmos pa lang, inindorso na ni Aquino ang ama nang kumandidato si Benigno "Ninoy" Aquino Jr. bilang senador.

Noong 1992, inindorso rin ng aktres si Fidel Ramos bilang kandidato sa pagkapangulo.

Si Aquino rin ang isa sa mga artistang unang naghayag ng suporta sa kandidatura ni Fernando Poe Jr. pero ngayon, lantaran na niyang nagsasalita pabor kay Gng. Arroyo.

Aminado si Defensor na kinausap niya si Aquino upang suportahan ang Pangulo. Sinabi rin ni Defensor na naging tulay ang dating pangulong Corazon Aquino, ina ng aktres, sa pagkumbinse sa kanyang ibaling ang suporta sa Pangulo.

Malaki rin ang naging papel ni Boy Abunda, kaibigang matalik ni Aquino, upang kumbinsehin ang aktres. Ani Abunda, naniniwala siya sa kakayahan sa pamamahala ni Gng. Arroyo kaya siya nagdesisyong suportahan ang kampanya ng administrasyon.

Ang resulta: isang Kris Aquino na nananawagan sa mga kabataan para iboto si Gng. Arroyo. Sa patalastas na ito, puntirya ng panawagan ang sektor ng kabataan kung saan malakas umano ang batak ng kandidatong si Raul Roco.


'O.A.' daw
Kung ang kampanya ni Poe ay mayroong Dolphy, ang "hari ng komedyang Pilipino," katig kay Gng. Arroyo ang tinaguriang "reyna ng komedyang Pilipino" na walang iba kundi si AiAi de las Alas.

Pinamagatang "Tanging Ina" ang patalastas ni de las Alas para kay Gng. Arroyo. Itinaguyod ni Abunda ang patalastas para sa kampo ng Pangulo.

Sinabi ni Abunda na mayroong bayad ang mga artista na nag-eendorso kay Gng.A rroyo pero hindi umano ito aabot sa milyon-milyong piso tulad ng napapabalita kundi daan-daang libo lang.

Pahayag ng isang impormante, P100,000 umano ang bayad sa isang artista na lumabas sa patalastas ni Gng. Arroyo.

Bunga ng mga patalastas, nagrereklamo ang mga kalaban ng Pangulo. Anila, nalusutan umano ni Gng. Arroyo ang limitasyon sa takdang bilang ng oras para sa patalastas.

Isa sa ibinigay nilang halimbawa ang libreng patalastas sa pamamagitan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at ang panawagan ni Maria Livia "Honeygirl" Singson de Leon, tagapangulo ng PCSO.

Paliwanag ng Malacañang, isinasaad sa patalastas ng PCSO ang mga programa ng pamahalaan sa tulong ng ahensya. Bukod pa umano ito sa mga patalastas na nakatuon sa kampanya.

Maraming pangkat ang humahawak ng pagpapaganda sa imahen ng Pangulo. Ang mga direktor at manunulat na ginagamit ni Abunda para sa mga patalastas ay kabilang sa kategorya ng matitinik sa industriya.

Bunsod ng mga bentaheng ito, malayong-malayo na ang mga patalastas ngayon ni Gng. Arroyo sa naunang mga pagpapakitang-gilas niya sa telebisyon kung saan hindi umano natural ang kanyang kilos.

Wika ng mga kritiko, "O.A." o sobra sa pag-arte si Gng. Arroyo sa nauna niyang mga patalastas. Higit pa nitong pinatingkad ang negatibong aspeto ng Pangulo.

Pero ngayon, simple, diretso at wala nang pag-arteng ipinapakita si Gng. Arroyo sa mga patalastas niya.

Sa bagong mga patalastas, ibinabad ang artista at binawasan ang papel ni Gng. Arroyo. Ani Abunda, ito ang magiging susi sa tagumpay ng Pangulo para sa panibagong anim na taon sa Malacañang.

 
                                  ARCHIVE
   
  www.abs-cbnNEWS.com