|
Ulat ni Karen Davila
Tuwing magkakaroon ng halalan para sa pwesto ng pangulo ng bansa, napakaraming mga pulitiko at ordinaryong tao ang naghahangad na siya ang piliin ng mga botante.
Sa dami ng mga kandidato na tumatakbo para sa naturang pwesto tuwing eleksyon, aakalaing madali ang trabaho ng Pangulo ng Republika ng Pilipinas.
Pero ang totoo, maliit lang ang sweldo ng Pangulo ng bansa kada buwan kung ikukumpara sa mga opisyal ng naglalakihang kompanya sa Makati.
Sa kabila nito, umaabot sa bilyon-bilyong piso ang ginagastos ng isang desididong kandidato upang manalo.
Bukod pa dito ang pagod na kanyang mararamdaman sa pakikipagkamay sa mga botante at pagkaway sa mga tao upang makakuha ng boto.
Ngayong halalang pambansa ng Mayo 2004, mayroong limang kandidato na naglalaban para sa iisang posisyon.
Nariyan si Gloria Arroyo, kasalukuyang Pangulo ng bansa at isang ekonomista; si Fernando Poe Jr., mula sa industriya ng pelikula at tinaguriang "hari ng pelikulang Pilipino;" si Sen. Panfilo Lacson, dating hepe ng Pambansang Pulisya; si Raul Roco na isang abogado; at si Eduardo "Brother Eddie" Villanueva na isang pastor.
Bawat isa sa kanila, pinaniniwalaang siya ang karapat-dapat na maging ika-15 Pangulo ng Republika ng Pilipinas.
Iniukit sa tadhana
Wika nga, nakaukit sa tadhana ang pagiging pangulo ng isang bansa. Pero hindi rin maitatatwang ang mga desisyon ng nakaraang mga pangulo ang siyang humuhubog sa kapalaran ng bawat Pilipino.
Batid ng bawat Pilipino ang trabaho ng Pangulo at ang kapangyarihang kaakibat ng pwestong ito.
Ngunit mayroong tao na higit na nakaalam sa tungkulin ng Pangulo: siya ang "executive secretary."
Ani Sen. Joker Arroyo, executive secretary sa panahon ng dating pangulong Corazon Aquino, " Ang Pangulo ay siyang nagtatakda ng mga polisiya ng bansa. Ito ay dapat magmula sa Pangulo at hindi sa ibang sangay ng pamahalaan."
Pahayag ni Senate President Franklin Drilon, "[Kung ikaw ang Pangulo], dapat may alam ka sa sistema ng gobyerno at kung papaano patakbuhin ang pamahalaan." Si Drilon ay nagsilbi ring executive secretary ni Aquino.
Sa opinyon ni Sen. Edgardo Angara, "Ang Pangulo ay siyang pinakamataas at pinakamakapangyarihang opisyal sa bansa, kung ano'ng gusto niya [na mangyari], parang batas 'yon." Naglingkod si Angara bilang executive secretary ng dating pangulong Joseph Estrada.
Para kay Executive Secretary Alberto Romulo, "Ang pagiging Pangulo [ay hindi basta-basta na trabaho]. Ito ay 24-oras na trabaho." Si Romulo ang kasalukuyang executive secretary ng Pangulong Arroyo.
CEO, boss, hepe, administrador
Kung susuriin, ang Pangulo ay maituturing na "CEO" o "chief executive officer" ng isang kompanya, kapitan ng barko at ama o ina ng bansa dahil sa kanya nakasalalay ang direksyong patutunguhan ng kanyang nasasakupan.
Ani Romulo, napakahirap ng trabaho ng isang Pangulo. "Kaya kung sasabihin na [ang isang kandidato] ay walang karanasan [sa pulitika] o kulang sa paghahanda sa panunungkulan sa pwesto at sa tinapos na edukasyon, palagay ko mahihirapan siya."
Higit na mahirap ang trabaho ngayon ng isang Pangulo dahil bukod sa mga isyu na dapat resolbahin sa loob ng bansa, dapat ding tutukan ng Pangulo ang mga usapin tungkol sa pakikipag-ugnayan sa ibayong dagat.
Bilang executive secretary, saksi si Romulo sa pamamalakad ni Gng. Arroyo.
Ang executive secretary ang bukod tanging opisyal na direktang tumutulong sa pagpapatakbo ng pamahalaan. Halimbawa, mayroong mga dokumento na executive secretary na ang pumipirma sa halip na Pangulo.
Bunga nito, tinagurian ang executive secretary bilang "little President." Pero sa bandang huli, ang tunay na Pangulo pa rin ang masusunod.
"Kahit maraming mga tagapayo ang nakapaligid sa kanya, ang Pangulo pa rin ang nasusunod kung ano ang sa tingin niya ay pinakamahusay para sa bayan," ani Romulo.
Ayon kay Romulo, "hands-on" ang estilo sa pamumuno ni Gng. Arroyo. Aniya, nais ni Gng. Arroyo na sundin ng mga ahensya ng pamahalaan ang kanyang direktiba at nais niyang mag-ulat ang mga ito tungkol sa resulta ng kanilang mga proyekto o programa.
Dagdag ni Romulo, hindi lumiliban sa mga pulong ng Gabinete si Gng. Arroyo, maliban nitong panahon ng kampanya.
Tropang Gabinete
Nakasalalay sa mga miembro ng Gabinete ang kalidad ng serbisyo ng pamahalaan. Wika nga, ang Gabinete ang "tropa" ng Pangulo kaya kung palpak ang mga miembro, babalik ang sisi sa Pangulo.
Karapatan ng isang Pangulo na pumili ng mga opisyal na ilalagay niya sa Gabinete. May kapangyarihan rin siyang magtalaga ng 3,175 na mga opisyal sa iba't ibang mga pwesto sa mga ahensya at kagawaran ng pamahalaan.
Wala sa nabanggit na bilang ng mga posisyon ang 2,488 na mga pwesto sa mga korporasyong pag-aari at kontrolado ng pamahalaan. Bentahe ng mga pwestong ito ang malalaking sweldo at di-regular na pasok sa opisina.
Bukod sa mga ito, kapangyarihan rin ng Pangulo na magtalaga ng mga mahistrado ng Korte Suprema at iba pang korte sa sangay ng hudikatura.
Bunga ng mga pribilehiyong ito, madalas ay naabuso ang kapangyarihan ng Pangulo.
Ngunit ayon kay Angara, ang pinakamakapangyarihang bala na hawak ng Pangulo ay ang poder niya sa pananalapi.
"Halos lahat ng poder, maging ang 'congressional development fund' ay hawak ng Pangulo," aniya. Ito ang dahilan, ani Angara, kung bakit hanggang sa kasalukuyan ay nananatiling "imperio" ang Pilipinas.
"Maging kaliit-liitang kapitan ng barangay ay nagpupunta sa Pangulo upang humingi ng pondo," anang senador.
Sa pamamagitan ng isang pirma, maaaring pondohan ng Pangulo ang proyekto sa barangay. Kahit na gaanong kaganda ang isang batas, magiging inutil din ito kung hindi popondohan ng Pangulo.
Taliwas sa akala ng marami, ani Angara, ang isang mambabatas ay gumagawa lang ng batas. "Hanggang doon na lang 'yon dahil hindi naman sila ang nagpapatupad ng batas kung hindi ang Pangulo."
Salapi ang pinakamatinding sandata ng Pangulo dahil magagawa niyang ibaon sa limot ang isang batas sa pamamagitan ng pagpiit sa pondo nito.
Poder sa pera
Patunay ang kapangyarihan ng Pangulo sa datos na nakuha ng <i>The CORRESPONDENTS</i> sa Office of the President. Batay sa impormasyon, bilyon-bilyong piso ang hawak na pondo ng Pangulo.
Ayon sa talaan, P1 bilyon ang "contingency fund" ng Pangulo. Maaaring gamitin ang pondong ito ayon sa pangangailangan ng isang departamento o ahensya.
Mayroon ding P1 bilyon ang Pangulo para sa "calamity fund" o pondong gagamitin kapag dumating ang matinding trahedya tulad ng
bagyo, baha o pagputok ng bulkan.
Hawak din ng Pangulo ang P600-milyong "intelligence fund" na ginagamit ng militar at P1.5 bilyon para sa "social fund" na magagamit sa anumang proyektong kanyang naisin.
Walang sinumang maaaring mag-usyuso kung papaano ginagastos ng Pangulo ang naturang mga pondo. Ani Angara, hindi dumadaan sa proseso ng awdit ang mga pondong ito.
Bunga ng kapangyarihan sa pananalapi, nakasalalay sa kamay ng Pangulo kung gagamitin niya ang pondo sa pansariling interes o sa ikabubuti ng bayan.
Bunga rin ng malawak na kapangyarihan ng Pangulo, marami sa desisyon niya, maging tama o mali ay pinakikinabangan at pinagdudusahan ng mga mamamayan na kanyang nasasakupan.
|