Pamilya Joson: Goliath ng pulitika sa Nueva Ecija
 

"David at Goliath"
Itinanghal ng The CORRESPONDENTS, Lunes, 11:30 p.m.

 
Ulat ni Abner Mercado

Iisang pamilya ang ibinandila sa mga kampanya sa buong lalawigan ng Nueva Ecija noong katatapos na halalan: Joson.

Tumakbong gobernador si Tomas. Samantala, pagkabise-gobernador ang pinuntirya ng kapatid niyang si Cristino.

Ang anak na panganay ni Tomas, si Edward, ay kumandidato bilang bokal sa ikatlong distrito ng lalawigan. Ang hipag ni Tomas na asawa ni Cristino ay tumakbo bilang kongresista sa ikatlong distrito.

Matapos ang bilangan, iisang pangalan ang nakitang nagwagi: Joson. Ang lahat ng miembro ng pamilya na kumandidato sa halalang lokal, panalo.

Bunsod ng panalo ng bawat miembro ng pamilya, kumalat sa lalawigan ang mga karatula ng pasasalamat makaraang maluklok sa kapangyarihan ang mga Joson.

Matapos ang halalan, nagtungo ang The CORRESPONDENTS sa Nueva Ecija para kapanayamin ang mga miembro ng pamilya.

Sa isang bulwagan sa lungsod ng Palayan unang nagtungo ang grupo. Doon tinanggap ni Edward si Correspondent Abner Mercado. Ani Edward, nasa loob ng bulwagan ang kanyang amang si Tomas.

Ani Edward, inaapura ng ama niya ang pagpapagawa ng bulwagan para sa panunumpa sa tungkulin ng bagong halal na mga opisyal ng lalawigan sa Hunyo 30.

Makalipas ang ilang sandali, lumabas si Tomas at ipinasyal ang The CORRESPONDENTS sa paligid ng kapitolyo.

Ayon sa gobernador, dalawang taon pa lang naitatayo ang bagong kapitolyo. Naisakatuparan ito sa ilalim ng panunungkulan niya.

Sa katatapos na halalan, kwento ni Tomas, kakaiba ang resulta ng botohan sa kanilang lalawigan. Kilalang kaalyado ng dating pangulong Joseph Estrada ang mga Joson.

Baligtaran
Pero nitong nakalipas na halalan, hayagang lumantad ang gobernador ng suporta niya sa Pangulong Gloria Arroyo. Aniya, inabisuhan niya si Estrada na susuporta ang pamilya kay Gng. Arroyo.

Sa kabila ng suporta ng pamilya, inilampaso ng karibal niyang si Fernando Poe Jr. si Gng. Arroyo sa Nueva Ecija. Walang nagawa ang panliligaw ng gobernador sa mga kababayan na tangkilikin ang kandidatura ni Gng. Arroyo.

Sa kabuuan, nakakuha ng 476,220 na mga boto si Poe mula sa mga Novo Ecijano samantalang 160,438 ang kay Gng. Arroyo.

Ito ang Nueva Ecija na sinuyo nang todo ni Gng. Arroyo noong kampanya. Sa katunayan, dahil kilala na balwarte ni Estrada ang lalawigan, 14 na beses ito binisita ng Pangulo mula nang maluklok siya sa poder noong 2001.

Iisang beses bumisita si Poe sa lalawigan noong panahon ng kampanya pero siya ang sinuportahan ng mga mamamayan. Samantala, walang epekto ang panliligaw ni Gng. Arroyo sa mga mamamayan.

Ang resulta ng botohan nina Poe at Gng. Arroyo ay nasalamin din sa mga numerong naitala para kay Tomas. Naniniwala ang kampo ng gobernador na ang pagkampi niya sa administrasyon ang dahilan kung bakit maliit lang ang abante niya sa pinakamalapit na karibal sa pwesto, si Lita Villareal.

Umabot sa 394,870 ang botong nakuha ni Tomas kumpara sa 335,613 ni Villareal.


'Leon ng Nueva Ecija'
Nag-ugat ang kasaysayan ng mga Joson sa bayan ng Quezon. Dito nagsilbi ang ama nilang si Eduardo L. Joson bilang alkalde noong 1947. Siya ang tinaguriang "Gentle Lion of Nueva Ecija."

Tatlong terminong nanungkulan bilang alkalde ang nakatatandang Joson bago nahalal bilang gobernador ng Nueva Ecija noong 1959.

Sa panunungkulan bilang gobernador, napalapit si Joson sa noon ay bise-presidente Diosdado Macapagal. Bunga nito, walang sinumang pulitiko ang nakatibag sa pangalang Joson hanggang pumanaw ang matanda.

Noong 1992 tumakbo at nahalal bilang gobernador ang anak ni Eduardo na si Tomas. Pero makalipas ang tatlong taon, nasulat sa pahina ng kasaysayan ang pangalan niya at ng kanyang kapatid na si Cristino.

Noong kampanya para sa halalang lokal noong 1995, nagkaengkwentro sa bayan ng Talavera ang kampo ng mga Joson at ni Honorato Perez, alkalde ng Cabanatuan at humamon kay Tomas bilang gobernador. Napatay si Perez sa bakbakan. Ang itinurong suspek ay ang magkapatid na Joson.

Ikinulong sa Kampo Crame ang magkapatid upang humupa ang tensyon sa lalawigan.

Ang humaliling kandidato para gobernador ay ang nakababatang kapatid ni Tomas, si Eduardo Nonato o Edno. Nagwagi si Edno sa karera kaya hindi naagaw sa mga Joson ang kapangyarihan sa lalawigan.

Noong 1998, ikatlong taon ng magkapatid na Joson sa Crame, muling nasulat sa pahina ng kasaysayan ang pangalan nila. Kahit nakapiit, tumakbo at naipanalo ni Tomas ang pwesto sa pagkagobernador.

Noong taon din na iyon, naluklok sa poder si Joseph Estrada bilang ika-13 Pangulo ng Pilipinas. Pinalaya niya ang magkapatid na Joson mula sa Crame.

Ang bagay na ito ang tumatak sa isip ng mga mamamayan sa Nueva Ecija kaya minahal nila nang husto si Estrada.

Sunod sa yapak
Kung sinundan ni Gob. Tomas Joson ang mga yapak ng kanyang ama, hindi rin malayo na nakaguhit din sa tadhana ang pagtungtong sa mundo ng pulitika ng anak niyang si Edward.

Lima ang anak ng gobernador at pawang mga lalaki. Sa lima, si Edward ang tumugon sa kaway patungo sa mundo ng pulitika.

Ito ang batikos ng mga katunggali ng mga Joson: ang dinastiya na itinatayo nila sa lalawigan. Itinanggi ng pamilya na nagtatatag sila ng dinastiya.

Naniniwala ang mga Joson na ang susunod na tatlong taon ang magiging sukatan sa kanilang panunungkulan. Ang susunod na tatlong taon din ang magiging batayan kung mapananatili ng pamilya ang kapit nila sa kapangyarihan.

Wika nga, sa kasaysayan, walang imperyo na nanatiling imortal dahil ang lahat ay gumuho at kumupas sa paglipas ng panahon.

Sa dakong huli, silang mga mamamayan ang maniningil pagsapit ng susunod na halalan.

 
                                  ARCHIVE
   
  www.abs-cbnNEWS.com