| Ulat ni Patrick Paez
JERUSALEM, Israel - Naniniwala ang mga dalubhasa na nagmula ang pangalang Jerusalem sa mga salitang "uru" at "salem" o "shalom." Sa salin sa wikang Ingles, ang Jerusalem ay nangangahulugang "siyudad ng kapayapaan."
Sa unang tingin, higit na nakakatakot gumala sa ilang bahagi ng Maynila kaysa rito. Pero ang totoo, sa una lang mukhang tahimik ang Jerusalem.
Ang binansagang "lungsod ng kapayapaan" ay pumapagitna sa walang katapusang pag-aaway ng mga Arabo at Hudyo.
Sa gitna ng alitang ito naghahanap ng kapalaran ang mga Pilipino.
Apat na libong taon na ang Jerusalem. Isa ito sa pinakamatandang siyudad sa buong mundo.
Ang ipinagtataka ng marami, itinatag ang lugar na ito sa tuktok ng isang bundok at malayo sa ilog o dagat.
Walang tubig at mabato ang lupa ng Jerusalem pero maraming mahihiwagang mga hiyas na matatagpuan dito.
Sa Jerusalem matatagpuan ang mga bato ng bundok Golgotha. Naniniwala ang mga Kristiyano na dito matatagpuan ang bundok na pinagpakuan kay Kristo.
Sa kasalukuyan, isang altar ang makikita sa lugar na kinalalagyan ng Golgotha. Narito rin ang mga bato na itinuturing na sagrado ng mga Kristiyano.
Mula sa altar, sa ibaba nito ay matatagpuan ang bato ng Pieta. Dito umano ibinaba si Kristo mula sa krus.
Ilang hakbang mula sa altar, matatagpuan ang kweba na pinaglibingan kay Kristo.
Ang mga lugar na ito ay nakapaloob sa Church of the Holy Sepulchre. Ayon sa mga kwento, mula sa panaginip ng ina ni Emperador Constantino ay natuklasan ang magkakalapit na mga lugar na pinagpakuan, pinaglamayan at pinaglibingan kay Kristo.
Matatagpuan din sa Jerusalem ang isang batong pader na kung tawagin ay "Wailing Wall." Sagrado ito para sa mga Hudyo dahil ito na lang ang nalalabing templo na ipinagawa ni Haring Solomon.
Sa dating lugar ng templo nakatayo ngayon ang "Dome of the Rock," ang ikatlong pinakasagradong lugar para sa mga Muslim. Gawa sa ginto ang bubong nito.
Sa loob ng templo ay makikita ang bato na pinaniniwalaang tinuntungan ni Propeta Mohammad patungong langit.
Ito rin ang bato na ayon sa paniniwala ng mga Hudyo ay siyang ginamit na sangkalan ni Abraham bilang sangkalan sa pagpugot niya kay Isaac.
Ang bato na itinuturing na pinakasagrado sa mga Hudyo ay siya ngayong nasa poder ng mga Muslim.
Imposibleng paghatiin
Ipinakita ng isang Israeli na nagsilbing gabay ng The CORRESPONDENTS kung bakit imposibleng paghati-hatiin ang Jerusalem.
Ang isang bahay doon, halimbawa, ay pag-aari ng isang Armenian. Ang mga Armenian ay naniniwala sa isang uri ng Kristiyanismo.
Magkakatabi ang komunidad ng mga Kristiyano, Muslim, Hudyo at Armenian sa Jerusalem, isang lungsod na kung titingnan ay "kumukulong kaldero" ng mga relihiyon na madalas magbanggaan.
Sa Jerusalem itinatag ni Haring David ang kabisera ng sinaunang bansa ng Israel. Pero hindi napigilan ng mga hari na sumunod sa kanya ang pananakop ng mga dayuhan.
Ang totoo, ilang ulit ding winasak ng mga mananakop ang lungsod na ito.
Makikita pa rin sa lungsod ang mga bakas ng sinaunang Jerusalem bago dumating ang mga Arabo at relihiyong Islam.
Noong panahon ni Kristo, ang Jerusalem ay nakapailalim sa imperyong Roma. Matapos ang panahon ni Kristo, nag-aklas ang mga Israeli laban sa mga Romano.
Nagtipon ang mga Hudyo sa palasyo ni Haring Herodes sa gitna ng disyerto at dulo ng Dead Sea. Ito ang huling balwarte ng mga Israeli na tinawag nilang "Masada."
Isanlibong mga Hudyo ang naghanda sa pagpasok ng 10,000 mga sundalong Romano. Pero pagpasok ng mga Romano sa Masada, bangkay na lang ng mga Israeli ang natagpuan nila.
Sa paglipas ng mga taon, hindi nagtapos ang paghihirap ng mga Hudyo.
Ipinagtabuyan sila ng mga Romano at pinalayas sa sariling bayan para matigil na ang mga pag-aaklas.
Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, muling nabuo ang bansang Israel sa dating bayan na ngayon ay kinalalagyan ng mga Arabo.
Bunga nito, tatlong gera na ang pinaglabanan ng mga Hudyo at Arabo. Hanggang ngayon, hindi pa rin malinaw kung kailan masisilayan ang kapayapaan sa bansang ito.
Delikado pero walang magagawa
Totoong delikado ang kalagayan ng seguridad sa Israel. Pero hindi napigilan ang Pilipinas sa pagpapadala ng mga manggagawang Pilipino upang doon magtrabaho.
Wika nga, kahit saang lugar sa mundo, payapa man o magulo, mayroon kang makikitang Pilipino.
Ani Avelina, may ilang buwan na ring bakante sa mga insidente ng bombahan ang Jerusalem. Sa ngayon, higit na nangangamba ang mga Pinoy sa mga pulis ng imigrasyon dahil naghihigpit ang Israel sa mga dayuhang ilegal na nagtatrabaho rito.
Hindi madaling isipin na isa ang Jerusalem sa pinakamagulo at pinakamapanganib na lugar sa buong mundo. Hindi krimen ang ugat ng kaguluhan dito.
Ang totoo, higit na marami ang mga pulis dito kaysa alinmang lugar sa Maynila.
Ito ay dahil higit na panganib ang kinakaharap ng mga residente ng Jerusalem at iba pang lugar sa Israel.
Karaniwang puntirya ng mga terorista at "suicide bomber" ang mga restawran at pampasaherong bus.
Ang siste, natuto na lang ang mga mamamayan dito na mamuhay nang normal tulad ng mga Pilipino na araw-araw ay nahaharap sa panganib sa mga terorista at krimen sa Maynila.
'TNT'
Dito nakilala ng The CORRESPONDENTS ang isang Pilipina na may pangalang "Avelina." Namukhaan agad ng grupo na Pinay si Avelina at nagpaimbita sa kanyang tinitirhan para makilala ang iba pang mga Pilipino.
Isa sa mga kasambahay ni Avelina si Erning Mico na kamakailan ay muntik nang mahuli ng mga pulis.
Nilusob ng mga awtoridad ang gusaling tinitirhan nina Mico. Wala siyang maipakitang "working visa" sa mga pulis.
Pero nakalusot siya nang ipakita ang isa sa mga litratong nagdedetalye ng mga pinsalang idinulot sa katawan niya ng insidente ng bombahan noong Nobyembre.
Ayon kay Mico, papasakay siya ng bus nang sumabog ang bomba na taglay ng isang babae. Ani Mico, maganda ang babae at hindi iisipin na terorista.
Pinawalan ng mga pulis si Mico makaraang mabatid na biktima siya ng pambobomba.
Ipinagamot din ng pamahalaang Israeli ang kanyang mga sugat at binigyan ng pensyon habambuhay.
Siyam sina Mico na naninirahan sa isang kwarto at magkakatulong sa pagbabayad ng renta na naglalaro sa $300-$500 isang buwan.
Ani Mico, ilan sa mga kasamahan niya ay naninirahan sa pinaglilingkurang mga pamilya. Aniya, lahat sila rito ay nagtatrabaho bilang mga "caregiver."
Ang ilan sa mga Pinoy na naabutan ng The CORRESPONDENTS sa tinitirhan ni Mico ay tinatawag na "live-out" o walang mga papeles. Sa madaling salita, ilegal ang pagtatrabaho nila sa Israel at lumilipat sa iba't ibang mga bahay upang makaiwas sa pulisya.
Halos lahat ng mga Pinoy sa Israel, ani Mico, ay nililibang ang mga sarili sa pamamagitan ng pagpapadala ng "text" sa isa't isa at sa pamilyang naiwan sa Pilipinas.
Kung hindi sila nag-iingat sa mga terorista at nagtatago sa mga pulis, kailangan nilang labanan ang lungkot ng pagkakalayo sa pamilya.
Isa sa kanila si Lina (di-tunay na pangalan) na dating naninilbihan sa amo na retiradong diplomatiko. Aniya, lahat na lang ay tinitiis niya para kumita nang malaki.
Tapos nang mag-aral at kapwa may trabaho na ang dalawang anak ni Lina sa Pilipinas. Kung tutuusin, pwede na siyang umuwi para masilayan ang apo na matagal nang hindi nakikita.
Ngunit hindi pa maaari, aniya, dahil balak mag-abogado ng kanyang bunso.
Ilan lang sina Avelina, Mico at Lina sa mga Pilipino na naghangad ng maayos na pamumuhay. Binalak at natupad ang pangarap nilang umalis sa lupang tinubuan upang magtrabaho at maghanap ng magandang kapalaran sa isang lugar na malimit maringgan ng mga insidente ng bombahan at iba pang uri ng terorismo.
Sa kabila ng lahat ng ito, tuloy ang buhay para sa mga Pilipinong nagtatrabaho sa Jerusalem at maging sa iba pang lugar sa Israel.
|