|
MT. DE ORO, Maco, Compostela Valley - Sa kasaysayan ng pagmimina ng ginto hindi lang sa lupain ng Mindanao kundi maging sa buong bansa, ang bundok Diwata o higit na kilala sa pangalang Diwalwal sa Monkayo, Compostela Valley ang maituturing na pinakamakulay at pinakamasalimuot.
Huling bahagi ng dekada '70 nang matuklasan ng mga minero ang mayamang deposito ng ginto sa Diwalwal.
Hindi lang nakatubog sa pagmimina ang pamumuhay ng mga tao rito kundi natubog din sa karahasan dahil sa kinang ng ginto. Ang mga tao dito ay handang pumatay at mamatay sa ngalan ng paghahangad ng ginto.
Unang tinalakay ng The CORRESPONDENTS ang Diwalwal noong Agosto 2002. Noon ay kasagsagan ng tunggalian ng malalaking grupo ng mga minero.
Ang mga "tunnel" o lagusan patungo sa kaloob-looban ng bundok ay nagkasala-salabat na dulot ng alitan dahil sa ginto. Noong panahong iyon, mahigit 20 mga minero ng Blucor Corporation ang nalason sa usok.
Ang JB Mining Corporation na katunggali ng Blucor ang itinurong may pakana ng pagpasok ng nakalalasong usok sa tunnel ng mga biktima.
Kabuuang 729 na ektarya ang lawak ng minahan ng ginto sa Diwata. Noong magtungo ang The CORRESPONDENTS dito, naglalaro sa 40,000 hanggang 50,000 katao ang nabubuhay at nakadepende sa minahan at pagpoproseso ng ginto.
Makalipas ang dalawang taon, binisita muli ng The CORRESPONDENTS ang bundok Diwalwal. Pero sa halip na bisitahin ang Diwalwal, nagtungo ang grupo sa karatig bayan ng Maco na mayroon ding katulad na kwento ng mga minahan.
Nasaksihan ng The CORRESPONDENTS sa Barangay Elizalde kung paano nagkukumahog ang mga minero sa pag-akyat ng mga "ball maill" na magiging gilingan ng mga "gold ore" na minimina sa itaas ng bundok ng de Oro.
Bukod sa mga ball mill, iniaakyat din ng mga minero ang mga "generator" para magkaroon ng kuryente ang mga ball mill.
Isa si Rodel Villegas, 29, sa inuupahang drayber ng "habal-habal" o motorsiklo sa pag-aakyat ng mga pasahero patungo sa bundok. Ani Villegas, habal-habal lang ang maaaring sakyan papaitaas ng bundok.
Ayon kay Villegas, karamihan sa mga drayber ng habal-habal, narito sa de Oro dahil malaki ang kinikita nila sa pagseserbisyo sa mga minero rito.
P10 kada 'text'
Habang daan sa pagkukwento si Villegas. Sa gitna ng kwentuhan, napansin ng The CORRESPONDENTS ang pagbabago ng dating luntiang kabundukan sa Sitio Trese. Sa lugar na ito, nabakbak na ang mga puno dahil sa pag-usbong ng mga bahay at negosyo.
Isa sa mga tindahan dito ay pag-aari ni Jennfier Kimpo. Tulad ni Villegas, dayuhan lang si Kimpo rito. Kasama niya ang ina sa pagpapatakbo ng negosyo.
Noong makapanayam siya ng The CORRESPONDENTS, limang araw pa lang naninirahan sa Sitio Trese ang mag-ina.
Sa gitna ng kwentuhan, tinanong ng The CORRESPONDENTS ang presyo ng mga bilihin sa tindahan ni Kimpo. Tulad sa alinmang komunidad ng pagmimina ng ginto, ang mga paninda ni Kimpo ay mistulang ginto rin sa presyo.
Ilan sina Villegas at Kimpo sa mga tao na nakilala ng The CORRESPONDENTS makaraang mapadpad sa itinuturing na bagong "goldrush" sa Mindanao.
Sila, at iba pang mga tao tulad nila ay naghahangad at nagbabakasakaling makatisod ng maginhawang pamumuhay sa daigdig ng pagmimina ng ginto.
Hindi nakasentro sa Sitio Trese ang minahan sa de Oro pero mula rito ay masigla na ang kalakalan at galaw ng mga tao dahil sa pagmimina ng ginto sa gawing itaas ng bundok.
Kaya lahat ng matatagpuan sa kapatagan tulad ng negosyo, restawran, komunidad, narito rin sa Sitio Trese.
Mula sa Sitio Trese patungo sa tuktok ng bundok, kapansin-pansin na ang nakakalat na mga sundalo. Kapag usapin ng ginto, kailangang mamagitan na ang militar upang hindi mauwi sa karahasan at patayan tulad ng nangyari sa Diwalwal.
Ilang kilometro mula sa Sitio Trese, hindi maaaring makaakyat pa ang mga habal-habal. Mula rito, kailangan nang lakarin ang daan patungo sa itaas ng bundok.
Sa pagtataya ng isa sa mga minero na nakausap ng The CORRESPONDENTS, 20,000 katao umano ang naninirahan at namamalagi sa de Oro.
Bunga nito, iniakyat na ang mga negosyo sa bundok upang hindi na bumaba sa kapatagan ang mga tao. Mula sa "ukay-ukay" hanggang tindahang sari-sari at "videoke bar," narito na.
Tama si Kimpo. Ang presyo ng mga paninda sa tuktok ng de Oro ay higit na mahal kaysa sa kapatagan. Wika nga, "taga" ang presyo rito mula sa isang kilo ng bigas na nagkakahalaga ng P300 hanggang sa "text" na P10 bawat padala.
Kamangha-mangha rin ang nasaksihan ng The CORRESPONDENTS dahil sa tuktok ng bundok, may isdang ipinagbibili.
Pag-asa sa ginto
Lahat ng mga negosyante rito, nagbabakasakali ng kanilang swerte tulad ni Lilia Calanday. Lumikas siya patungong de Oro para maghanap ng higit na magandang kapalaran.
Nagsisimula pa lang si Calanday sa pagtatayo ng kanyang ball mill. Bukod dito, sinabi ng babae na mayroon din siyang tunnel na pinaglaanan niya ng puhunan para mahukay.
Tulad ng ibang mga negosyante, si Calanday ay namumuhunan muna kasama ng kanyang mga tauhan. Kumbaga, sumusugal sila dahil walang nakukuha sa unang sweldo. Pero kapag sinuwerte na, sa ikalawang sweldo bubuhos ang biyaya.
Nitong Hunyo na inakyat ng The CORRESPONDENTS ang de Oro, nagdaos ng dayalogo ang maliliit na minero at mga kinatawan ng pamahalaan sa pangunguna ni Jesus Dureza, tagapayo ng Pangulong Gloria Arroyo sa mga usaping tungkol sa Mindanao.
Nagkasundo sila sa mga panuntunan na dapat sundin ng magkabilang panig para maisaayos ang lahat ngayong maituturing nang goldrush ang bundok na ito.
Sa kabila ng kasunduan, naniniwala ang ilan na mahihirapan sila sa mapurol na kautusan kung ibabatay ang usapin sa mga minero na nauna nang nagsimula ng paghuhukay at matagal nang namamalagi sa bundok.
Isa sa kanila si Rogen Sijo na 10 buwan nang naghuhukay sa de Oro. Isa si Sijo sa mga minerong nakikipagsapalaran sa pag-asang tatama ng purong ginto ang kanyang hukay.
Ayon kay Sijo, kung ihahambing niya ang biyaya ng de Oro sa ibang minahan, higit umano ang buhos ng grasya rito.
Sa kabila ng pag-asa ng de Oro, pilit iniiwasan ng sangguniang barangay na nakasasakop sa bundok ang kapalarang sinapit ng Diwalwal.
Ani Rogelio Parilla, punong barangay ng New Barile, nais nilang iwasan ang pagkakasala-salabat ng mga tunnel. Sa Diwalwal, nauwi sa ganito ang sitwasyon nang magtagusan ang mga tunnel ng magkakalabang mga minero.
Upang maiwasan na magbungguang ang mga tunnel at tumagos sa isa't isa, nagpasya ang samahan ng mga minero na itala ang mga hukay. Hindi ganito ang kasunduan noong una dahil nagkakagulo ang mga minero at walang kaayusan sa mga tunnel.
Ginto bago ang kalikasan, kalusugan
Sa kahit alinmang kwento ng minahan, higit ang kalabisan at pagkasira ng kalikasan kaysa malasakit ng tao. Maging kalusugan ng sarili ay isinusugal na rin ng mga minero sa ngalan ng ginto.
Ang katotohanan, madalas ay sinasaid ng mga tao ang pakinabang sa kabundukang pinagmiminahan ng ginto. Ang katotohanan, nauuna ang paghahangad kaysa pag-iisip sa kinabukasan, kalusugan at kalikasan.
Mula sa pagtitibag ng gold ore, dinadala ang mga bato sa ball mill upang durugin at salain para sa ginto. Ang ibang minero, direktang hinahawakan ang "mercury," isang uri ng mineral na nakakapagpamuo sa ginto na nakakapit sa graba o gold ore.
Matapos ang pagdurog sa bato, tuloy ang ordinaryong buhay ng mga minero.
Ayon kay Dr. Nerissa Dando, isang toxicologist, hindi rito natatapos ang panganib.
Matapos durugin ang graba, lulutuin ito. Nakakapit pa rin ang mercury sa graba hanggang sa pagluluto at paglilinang ng ginto kaya habang pinoproseso ang mineral, nalalanghap pa rin ng minero ang lason.
Isang pag-aaral ng mga siyentipiko ang tinukoy ni Dando. Aniya, noong Abril 2000 ay nagtungo ang mga dalubhasa mula sa Institute of Forensic Medicine ng Ludwig Maximilian University sa Munich, Germany sa Diwalwal.
Natukoy sa pag-aaral na ilan sa mga tao sa Diwalwal na isinailalim sa pag-aaral ay apektado sa pagkakalason ng mercury. Sa una, ayon sa pag-aaral, hindi agad nararamdaman ng pasyente ang pinsala sa kalusugan.
Pero tahimik, mapanganib at tiyak ang kamatayan ng tao na biktima ng pagkakalason ng mercury.
Ito ang sinisikap ng mga tao sa de Oro. Pero sa panayam ng The CORRESPONDENTS, lumilitaw na hindi alintana ng mga minero ang panganib na dulot ng mercury.
Madalas, kailangan pang sapitin ng tao ang trahedya para magising sa bangungot ng paghahangad ng ginto.
|