Kilalanin ang kandidatong si Eddie Gil
 

"Eddie Gil"
Itinanghal ng The CORRESPONDENTS, Lunes, 11:30 p.m.

 

Ulat ni Jim Libiran

Sa lahat ng mga kandidato sa pagkapangulo, si Eddie Gil ang sinasabing may "pinakamatikas" na plataporma de gobyerno.

Sa kanilang anim, si Gil, Gloria Arroyo, Panfilo Lacson, Fernando Poe Jr., Raul Roco at Eddie Villanueva, siya lang ang nangako na babayaran ang trilyon-pisong utang ng Pilipinas sa banyagang mga institusyon. Ang siste, si Gil ay hindi pinapansin ng mga mamamayan at ng mga mamamahayag.

Sa kabuuan, hindi gaanong kilala si Gil kumpara sa mga katunggali niya sa karera. Pero noong isang linggo, nakilala ang pagiging kontrobersyal ni Gil, kandidato ng Partido Isang Bansa, Isang Diwa.

Ayon sa mga ulat, hinarang ng isang pangkat ng mga drayber ng pampasaherong jeepney ang motorcade ni Gil sa Cagayan de Oro. Reklamo ng mga tsuper, hindi sila binayaran ni Gil.

Ginulantang din ang publiko ng sumunod pang mga ulat ukol kay Gil. Paratang sa kandidato, tumalbog umano ang mga tseke na ibinayad nito sa mga hotel na tinigilan at restawran na kanyang kinainan.

Bunga nito, nagalit ang mga loyalista ni Gil. Tanong nila, bakit inaakusahang tumatakbo sa bayaran ang kandidatong nangako na magbabayad ng utang ng Pilipinas?

Giit nila, malaking kasiraan ito sa kampanya ng lider ng partido. Bunga ng paratang ng mga drayber, nahinto ang kampanya ni Gil dahil hindi ito makaalis sa Cagayan de Oro.

Sinadya ng The CORRESPONDENTS ang punong himpilan ng kampanya ni Gil sa Makati. Tulad ng inaasahan, abalang-abala ang mga kapanalig niya sa paghahanda para sa kampanya.

Hindi maubos-ubos ang mga loyalista na naghihintay upang magpakuha ng litrato kasama si Gil.

Tanong ni Gil sa The CORRESPONDENTS: Ito ba raw ang hitsura ng kandidato na nagtatago sa kanyang pinagkakautangang mga tao?

Noong una, tumanggi si Gil na paunlakan ang panayam nang mabatid na nagmula sa ABS-CBN ang The CORRESPONDENTS. Anang kandidato, galit siya sa ulat na ipinalabas ng himpilan hinggil sa paratang na hindi siya nagbayad ng utang sa Cagayan de Oro.

Kinalaunan, nagpaunlak na rin siya sa panayam. Ngunit may kondisyon: basta tutulungan siya ng The CORRESPONDENTS na ipaliwanag sa mga botante ang tunay na mga pangyayari.

Sa kabila ng pahayag ni Gil, nagngingitngit pa rin ang mga loyalista niya. Mahirap paliwanagan ang mga ito tungkol sa mga ulat na naglabasan tungkol sa kandidato nila.

Araw na pinakahihintay?
Ikatlong araw ng kampanya noong Biyernes, Pebrero 13, 2004, nang balikan ng The CORRESPONDENTS ang punong himpilan ni Gil.

Noong umagang iyon ay may itinakdang motorcade pero tanghali na, hindi pa rin sila gumagayak. Hindi pa rin nagpapakita si Gil.

Sa loob ng panahong ito, nakausap ng The CORRESPONDENTS ang mga loyalista ni Gil na nagtipon sa lugar.

Sinabi ng mga ito na karamihan sa kanila ay miembro ng isang kilusang kawanggawa na itinatag ni Gil. Pahayag ng mga miembro, mahal nila ang lider dahil pinangangalagaan sila nito.

Sa katunayan, nakatatak umano sa likod ng kanilang mga ID ang mga benepisyo na makukuha sa kampanya. Halimbawa nito ay ang P200, 000 sa bawat tagapangasiwa ng kampanya sa distrito, gastusin sa pampaospital at iba pa.

Pawang mga tagahanga at loyalista ni Gil ang nagtipon sa himpilan niya. Ilan din sa mga naghihintay na tao ang nagpakilalang kandidato sila ni Gil para sa halalang lokal.

Sa kabila nito, hindi lahat ay nalulugod kay Gil. Isa sa mga naroon ang lumapit sa The CORRESPONDENTS at sinabing kinumbinse siya ng partido na kumandidatong konsehal sa Pasig. Pero ang siste, hind umano sapat ang suportang tinatanggap niya mula sa partido.

Sa sinabing ito, marami ang nagalit sa babae. Giit nila, hindi lahat ng nagtipon para kay Gil ay pera ang hangad. Naniniwala sila kay Eddie Gil at sa mga pangako nitong benepisyo.

Samantala, tanghaling tapat na nang bumaba at magpakita si Gil. Agad niyang nilinaw ang mga kontrobersya laban sa kanya, tulad ng utang sa Cagayan de Oro.

Hinamon din niya ang iba pang mga kandidato para pangulo. Aniya, kung sino ang makapagbabayad sa utang ng Pilipinas, siya lang ang dapat na tumakbong presidente.
 
                                  ARCHIVE
   
  www.abs-cbnNEWS.com