Kabataan hinatulan ng bitay kahit bawal
 

"Batang death row"
Itinanghal ng The CORRESPONDENTS, Lunes, 11:30 p.m.

 

Edad 17 si "Obet" ('di tunay na pangalan) nang hatulan siya ng parusang bitay. Sa limang taon niya sa New Bilibid Prison, iisang beses lang umano siyang nagkaroon ng dalaw.

Dinalaw siya ng dati niyang amo sa trabaho. Pero magmula noon, walang bumisita sa kanya.

Madalang kung lumiham si Obet sa kanyang ate at ina dahil walang pambili ng selyo. Aniya, kailangan pa niyang mangutang sa mga kasamahan sa brigada para makapagpadala ng sulat sa mga kapamilya.

Isang overseas Filipino worker sa Dubai, United Arab Emirates ang ina ni Obet. Kapag sinuswerte, may natatanggap siyang sulat mula rito.

Pero madalas na ang laman ng liham ay paumanhin dahil hindi siya natutulungan ng ina.

Kinasuhan ng panggagahasa si Obet sa edad na 14. Noong mga panahong iyon, katatapos lang ni Obet sa ikalimang taon sa mababang paaralan.

Nagmula sa Zamboanga si Obet. Naglayas siya para magtungo sa Maynila.

Sa Maynila, nakakuha siya ng trabaho bilang tagapag-alaga ng manok na panabong.

Sa isang iglap, ang pag-asa ni Obet na makaahon sa kahirapan ay natabunan ng parusang kamatayan.

Aniya, iisa lang ang hiling niya nang binabasa ang hatol: ang makauwi ang kanyang bangkay sa Zamboanga matapos ang pagbitay.

Malinaw ang batas sa Pilipinas, at maging ang batas sa ibayong dagat: hindi maaaring hatulan ng kamatayan ang mga menor de edad.

Sa Pilipinas, ayon sa batas, ang menor de edad ay mga kabataan na nasa edad 18 pababa.

Ang tanong, papaanong naparurusahan ng kamatayan ang mga katulad ni Obet?

Ayon sa mga experto sa batas, ito ay dahilang sa kadalasan, ang tinatawag na mga "child offender" ay matatagpuan sa pinakamababang antas sa sektor ng lipunan at walang maipakitang pruweba ng kanilang edad.

 

Bugbog-sarado sa loob
Noong pumasok si Obet sa Bilibid, bugbog ang sumalubong sa kanya. Pagsapit ng dilim sa kanilang selda noong unang araw niya sa brigada, may mga "sumundo" kay Obet.

Ang bagong mga salta sa brigada, hinubaran ng damit at ginahasa ng nakatatandang mga preso na may ranggo sa brigada.

Walang hiwalay na selda ang mga menor de edad sa kulungan ng mga kondenado sa Bilibid. Kaya kung nasanay si Obet sa batas ng kalye noon, higit na tumibay ang loob niya sa bilangguan.

Miembro ng "Sigue-Sigue Sputnik Gang" si Obet, ang pangkat na kalabang mortal ng "BCG" na siya umanong may hawak sa mga kondenado.

Bunga ng pagiging kasapi ng Sputnik, madalas na makainitan si Obet. Hindi na rin nakatiis ang binatilyo kinalaunan kaya sumapi na siya sa BCG.

Ayon sa Komisyon ng Karapatang Pantao, may 16 na menor de edad na ang nahatulan na ng kamatayan, dalawa sa mga ito ay babae.

Kabilang sa mga kasong isinampa sa kanila ay rape, murder, attempted murder, aggravated murder at kidnap-for-ransom.

Karamihan sa kanila, 20 anyos pataas na ngayon, naubos na ang mga taon bilang tinedyer sa loob ng bilangguan.

Habang nirerebisa ang kaso ng mga menor de edad na kondenado, anim sa kanila ay inilipat ng mga awtoridad sa medium security compound ng Bilibid noong Agosto 2002.

Pero ang iba na bagong pasok sa Bilibid, nanatili sa maximum security compound, kasama pa rin ng ibang matatandang preso na kondenado.

Maliban sa 16 na menor de edad na kondenado at nakalinya sa bitay, may tatlo na nahatulan dati ng kamatayan ang pinababa na ang sentensya.

Isa sa mga ito si Obet. Pero apat na taon naburo si Obet bilang kondenado bago napatunayan sa korte na menor de edad siya nang nangyari ang krimen.

Noong 1992, bumaba sa 12 hanggang 30 taon ang sentensya ni Obet. Sa pinakamaaga, maaari siyang makalaya pagsapit ng 2011.

Sinuri ng Amnesty International ang mga talaan ng paglilitis sa anim na kabataang nahatulan ng bitay sa Pilipinas.

Ayon sa ulat, hindi pinag-usapan ng prosekusyon at depensa ang edad ng mga akusado. Sa desisyon ng Korte Suprema, walang ibang hatol na maibigay ang mababang hukuman sa kaso ng mga kabataan dahil walang maibigay na ebidensya ng edad ang mga ito.

Samantala, tinawagan na rin ng pansin ng United Nations Committee on Human Rights ang pamahalaang Pilipinas hinggil sa pagpaparusa ng kamatayan sa mga menor de edad.

Pero hanggang sa kasalukuyan, mabagal pa rin ang pag-usad ng rebisa sa mga kaso.

 
                                  ARCHIVE
   
  www.abs-cbnNEWS.com