|
|
Pan-uey
ni me'king: Sa pagbabalik ng mga mummy
|
|
| |
|
"Pan-uey
ni me'king"
Itinanghal
ng The CORRESPONDENTS, Lunes, 11:30 p.m.
|
| |
|
Ulat ni Abner Mercado
KABAYAN, Benguet - Hindi pangkaraniwan ang nilalaman ng mga kabaong na nasaksihan ko noong Pebrero 17, 2004, sa Kabayan, Benguet.
Nakasilid sa mga kabaong ang mga labi ng mga "me'king." Sa karaniwang salita, ang mga ito ay "mummy" o inilibing na mga ninuno ng tribong Ibaloi sa Kabayan, isang munisipalidad na may layong 80 kilometro sa Baguio.
Noong araw na iyon, sinimulan ang ritwal ng "ka'pe" o pasasalamat. Ito ang ritwal ng muling paglilibing sa mga me'king na matagal nang nawalay sa mga mamamayan ng Kabayan.
Mistulang pista ang ipinagdiwang. Nagkatay ng baboy ang mga Ibaloi bilang alay sa kaluluwa ng mga me'king. Noong araw na iyon, nagbalik ang mga me'king sa Kabayan bilang mga bayani.
Nagsimula ang kwentong ito sa bayan ng Sagada, Mountain Province noong Mayo 2003, may siyam na buwan na ang nakararaan. Mahigit pitong oras ang biyahe mula Baguio patungong Sagada.
Tahimik na bayan ang Sagada, matulain sa ganda ng tanawin at kalikasang nakapaligid dito. Tanyag ang bayan na ito sa mga turista.
Pero noong mga panahon na nagtungo ako sa lugar, walang turistang nagkalat sa bayan.
Mula Sagada hanggang Kabayan
Sinadya ko ang isang bahay sa Sagada, isang bahay na pinaniniwalaang pinagdalhan, pinagtaguan at kinalalagyan ng mga me'king na ninakaw sa sagradong mga kweba ng Kabayan may ilang dekada na ang nakalilipas.
Matapos kunan nang palihim ang loob at labas ng bahay, umalis na ako. Mahigit isang buwan pa ang nakalipas, hinanap ko sa mga kweba ng Timbac sa Kabayan ang kaugnayan ng mga nakunan kong larawan sa loob ng bahay na iyon sa Sagada.
Itinuturing ng mga Ibaloi na sagrado ang kweba ng Timbac. Humingi pa ako ng permiso sa nakatatandang mga Ibaloi. Ipinadala nila si Kennety Kelcho, isang batang Ibaloi, upang bantayan ang mga gagawin ko.
Pagpasok sa kweba, nag-alay kami ng buhay na manok at inuming alak sa mga espiritong nananahan doon.
Matapos isagawa ang pag-aalay, binuksan ni Kelcho ang pintuan ng kweba. Naglabas siya ng isang kabaong at ipinakita ang pagkakalibing ng mga ninuno niya.
Kung mayroong mga mummy sa bansang Peru sa Timog Amerika at Egypt sa Hilagang Africa, ang me'king ang katumbas nila sa Pilipinas.
Natatangi sa kultura ng Kabayan ang proseso ng paglilibing ng me'king. Umusbong ang kulturang ito daan-daang taon na ang nakararaan. Sa pagtataya ng mga dalubhasa, naitala ang kasagsagan ng paglilibing ng me'king noong ika-15 dantaon.
Walang mapagkukunan ng datos kaugnay sa paglilibing ng me'king. Ang tanging pinanghahawakan ng mga mamamayan ngayon ay ang nagpasalin-salin na kwento ng mga matatanda sa Kabayan.
Ayon kay Kelcho, isa ang kweba ng Timbac sa mga lugar na pinasok ng mga magnanakaw noong dekada '70.
Ang mga me'king na ito ngayon ang pinag-aalayan ng pagdiriwang ng mga mamamayan ng Kabayan. Kabilang ang pinag-aalayan nilang mga me'king sa mga mummy na ninakaw sa kanila.
Sabi ni Juliet Igloso, tagapangasiwa ng mga kweba sa Kabayan, tulisang mga kolektor ang nagpasimula ng nakawan sa kanilang bayan. Aniya, sinilaw ng mga ito ng salapi ang mga mamamayan upang ipagnakaw sila ng mga me'king sa mga kweba.
Malayo na ang nilakbay ng mga me'king na ito na matagal nang nawalay sa mga mamamayan ng Kabayan.
Noong Pebrero 18, muli silang inihimlay sa sagradong mga kweba ng Timbac. |
| |
|