|
|
Trahedya
sa karagatan malayo sa bansang pinagmulan
|
|
| |
|
"Trahedya
sa karagatan"
Itinanghal
ng The CORRESPONDENTS, Lunes, 11:30 p.m.
|
| |
|
Ulat ni Henry Omaga-Diaz
BERGEN, Norway - Labingwalong mga tripulanteng Pilipino ang nasawi sa isang trahedya sa karagatan noong Enero. Ngunit ang kaibahan nito, nangyari ang aksidente sa isang lugar malayo sa tinubuan nilang lupa. Nangyari ito sa Bergen, Norway.
Sinasabing aksidente ang pagtaob ng barkong M/V Rocknes sa karagatan ng Bergen. Lulan ng barko ang 30 tripulante, karamihan sa mga ito ay Pilipino.
Sa kabuuan, walong mga Pilipino ang nakaligtas samantalang 18 ang nailibing nang buhay sa loob ng barko.
Ilang araw matapos ang trahedya, inilipad ng Jepsen Shipping Company na ahensya ng mga tripulante ang pamilya ng mga biktima patungo sa Bergen.
Ayon sa ulat, naglalayag ang Rocknes sa karagatan ng Bergen bandang hapon noong Enero 20, 2004. Bunga ng panahong tagyelo, madilim na ang paligid noong mga oras na iyon. Halos nagyeyelo na rin ang tubig.
Kargado ng langis at buhangin ang barko nang mangyari ang aksidente.
Nakunan ng isang Pilipina sa Bergen ang pangyayari sa pamamagitan ng video camera.
Matapos matanggap ang alarma sa sakuna, tinangka ng mga barko at helicopter na pansagip-buhay na tulungan ang mga tripulante.
Ngunit ang tanging nagawa nila ay lumigid sa nakataob na barko. Hindi mapasok ng mga operatiba ang loob ng barko dahil nangangamba sila na lalo pa itong lumubog kapag binutas ang bakal na katawan nito.
Sinubukan ng mga awtoridad na kumatok sa bakal. Nabuhayan sila ng loob nang may sumagot sa katok.
Kasunod nito, binutasan nila nang maliit ang bakal at naghulog ng papel at panulat.
Sumagot agad ang mga tripulante at sinabing sugatan ang isa sa kanila. Anang mga tripulante, natatakot sila na mawasak ang silid na kinalalagyan nila.
Nabatid na nasa loob ng engine room ng barko ang mga tripulante. Selyado ang silid na ito kaya't walang makapasok na tubig.
Samantala, hindi magalugad ng mga diver ang tubig-dagat na pinaglubugan ng barko dahil lubhang mapanganib ito bunga ng kadiliman at yelo sa paligid.
Nawalan ng pag-asa Bumutas muli nang panibago ang mga awtoridad sa ibabaw ng nakataob na barko. Bunga ng presyon sa loob, ibinuga papalabas ng butas ang isang tripulante. Sumunod sa kanya ang dalawang iba pa.
May isa pang tripulante na nakalangoy papaitaas ngunit nang sasagipin na siya ay biglang nawala. Hindi na siya nakita muli.
Sa kabuuan, walong Pilipino ang nakaligtas at 18 ang hindi pinalad.
Itinuloy ang tangkang pagsagip hanggang Enero 21 ngunit dahil sa lamig ng tubig, inihayag ng mga awtoridad na walang makatatagal na buhay dito nang mahigit sa dalawang oras.
Makaraan ang ilang araw, naubos na ang pag-asa ng mga awtoridad sa Bergen.
Wala silang nagawa kundi hilahin ang barko patungo sa isang pier. Hinila ito nang nakataob upang hindi malansag ang mga bangkay na maaaring naipit sa loob.
Umabot ang dalawang linggo bago nagalugad ng mga diver ang loob ng barko.
Sa kabila nito, 10 pang mga Pilipino ang inilistang nawawala. Walo sa 18 nasawing mga biktima ay kilala na.
Sa gitna ng malamig na panahon sa Bergen, naging mainit na isyu ang paglubog ng Rocknes. Agad sinimulan ng mga awtoridad ang pagdinig sa kaso.
Matapos ang pagdinig, lumitaw na patong-patong na mga dahilan ang pinag-ugatan ng sakuna.
Una, sobra sa kargamento ang barko. Ikalawa, mali umano ang dinaanan nitong linya sa dagat.
Ayon sa imbestigasyon, masyadong gumilid ang barko kaya't tinamaan nito ang bahura o reef sa ilalim ng mababaw na dagat.
|
| |
|