| (Mula sa salaysay ni Correspondent
Jim Libiran na namalagi sa Iraq mula Marso 13-20, 2003 bilang bahagi
ng Asian Peace Mission.) BAGHDAD - Kasama ang The CORRESPONDENTS
sa Asian Peace Mission na dumating sa lugar na ito noong Marso 14
ng gabi.
Pagdating ng grupo, mainit na ang ugong ng digmaan pero higit na
mainit ang pagkikina namin nina Correspondent Ed Lingao at Val Cuenca,
cameraman ng ABS-CBN, sa Baghdad International Airport.
Noong magkita kami, 17 araw na silang nasa Iraq at hirap nang mag-cover
dahil sa higpit ng gobyerno ni Saddam. Higit pang pinahirap ang
kanilang sitwasyon ng pangamba na anumang oras ay sumiklab ang giyera.
Bukod dito, iniinda rin ng mga mamamahayag na nakaistasyon sa lungsod
ang pagod, hirap at kawalang-katiyakan ng sitwasyon.
Habang kami na bagong dating ay nagsisiyasat pa lang ng mga kalagayan,
sina Ed at Val ay marami nang kwento at karanasan.
Kahit pagod at puyat, inimbita nila kami sa maliit na kwartong
kanilang inuupahan sa Al-Manzour Hotel upang makipagkwentuhan.
Sa haba ng itinagal nina Ed at Val sa Baghdad, may mga araw na
nabuburyong na sila at kailangang aliwin ang mga sarili.
Nariyan naman ang mga kakaibang pagkain ng Iraq pero siyempre,
palaging naroon ang pangamba na anumang oras ay maaaring pumutok
ang digmaan.
Ipinakita ng dalawa sa amin ang mga flak jacket at helmet na dala
nila mula Pilipinas. Si Ed, mayroon pang dalang mascot na agimat
daw niya sa mga Iraqi.
Kasiraang maituturing
Marami ang nag-akalang nasisiraan na kami ng bait. Narito ang isang
grupo ng mga Pilipinong kongresista, aktibista at mamamahayag ang
pupunta sa Iraq sa gitna ng umiinit na sitwasyon at banta ng giyera.
Sa Baghdad, makakasama namin ang isang kongresistang Pakistani
at isa pang lider-manggagawa mula Indonesia.
Ito ang Asian Peace Mission na nagtungo sa Iraq hindi upang maging
panangga ni Saddam kundi para malaman ang katotohanan sa tunay na
kalagayan ng mamamayang Iraqi.
Nakaamba na ang giyera sa Iraq nang dumating kami dito. Pero panatag
at kalmado pa rin ang Baghdad na dinatnan namin.
Para sa isang bansa na nakatakdang paulanan ng mga bomba, nakagugulat
na palangiti at palabati angmga tao dito.
Pero kung tutuusin, nakakatakot ang sitwasyong kakaharapin ng mga
Iraqi.
Isang grupo ng mga experto ang nagsabi noong Enero na sakaling
matuloy ang giyera, pinakamatinding tatamaan nito ang 12 milyong
kabataang Iraqi.
Sa bilang na ito, 6 milyon ang "acutely malnourished"
at malamang na makaranas ng higit na matinding gutom, sakit o tiyak
na kamatayang dulot sa kanila ng giyera.
Ang nakaimbak na pagkain ng Iraq ay para sa isang buwan lang.
Kapag gumuho ang gobyerno, tiyak na magkukulang ang pagkain, lulubha
ang problema sa malnutrisyon, titindi ang taggutom at madaragdagan
ang maysakit.
Bagama't si Saddam ang puntirya ng U.S., higit 16 milyong sibilyan
ang makakaranas ng matinding paghihirap.
Sa lenggwahe ng militar, sila ang mga "collateral damage."
Matapos ang giyera
Matapos ang giyera sa Iraq noong 1991, naging triple ang kaso ng
mga nagkasakit ng leukemia sa buong Iraq. Karamihan sa mga dinapuan
ng sakit ay mga bata.
Sa Al-Manzour Children's Hospital, tatlong palapag nito ay nakalaan
sa mga bata na mayroong leukemia. Karamihan sa kanila ay naghihintay
ng mga gamot na hindi naman darating.
Bunga ng economic sanction ng United Nations, karamihan sa mga
pagkain, gamot at kagamitang pang-ospital ay mabagal ang pasok o
tuluyang ipinagbabawal ng U.S.
Nangangamba ang mga Amerikano na maaaring gamitin ni Saddam ang
gamot sa paggawa ng armas-kemikal.
Sa halos 12 taon na parusa ng U.N., walang bombo cruise missile
na bumagsak sa Iraq. Pero marami ang namatay. Karamihan sa kanila
ay unti-unting nalalagutan ng hininga sa mga sakit na maaari namang
malunasan.
Nilibot namin ang palengke ng Baghdad at nakitng normal ang pamumuhay
ng mga Iraqi. Hindi sila nag-iimbak ng pagkain sa takot na datnan
ng giyera. Gayundin, wala kang takot na makikita sa kanilang mga
mukha.
Ang sarap sanang maging turista sa matandang kabihasnan ng Baghdad.
Ngunit hindi ito ang panahon upang mamasyal.
Mayroong digmaang nakaamba at kahit sa hotel namin, naghahanda
na ang lahat para sa pagbagsak ng bomba.
Elegante ang siyudad ng Baghdad masdan mo man ito sa gabi o araw.
Laman ito ng mga aklat-kasaysayan at pampanitikan at kuna ng sibilisasyon.
Napakarami nang mandirigma ang sumalakay at sumira sa magagandang
lugar dito tulad ng Mesopotamia, Babylon, Nineveh at Kerabala.
Pero ngayon, isa itong sibilisasyong antigo na inuumangan ng iba't
ibang uri ng armas.
Dinalaw namin ang gusali ng Parliament at nakapanayam ang Speaker
of the House.
Ani Dr. Sadoon Hammadi, handa na silang humarap sa giyera.
Noong Marso 17, ang araw na itinakda ng embahada ng U.S. sa lahat
ng mga banyaga sa Baghdad. Anang mga Amerikano, dapat nang lumikas
ang mga dayuhan.
Sinabihan na rin kami ng embahada ng Pilipinas, pati na ang mga
residenteng Pilipino, na hindi nila masasagot ang kaligtasan namin.
Kaya kahit hindi pa tapos ang misyon namin, kinailangan na naming
umalis.
Kapayapaan ang misyon namin sa Baghdad pero kinailangan naming
lumisan dahil sa madilim na ulap na dulot ng nakaambang giyera.
|