| (Mula
sa salaysay ni Correspondent Ed Lingao na tatlong linggo na namalagi
sa Baghdad kasama si ABS-CBN cameraman Val Cuenca upang maghatid ng
mga ulat sa digmaang U.S.-Iraq.)
BAGHDAD - Umaga ng Marso 4, 2003 nang gisingin ko si Val. Malungkot
na umaga ito dahil pauwi nang Pilipinas ang mga kasama naming reporter
na si Howie Severino. Kahit magkaribal ang aming mga himpilan, magkasama
naman kami sa lahi at magkapatid sa trabaho.
Habang papalapit na ang oras de peligro, pakaunti nang pakaunti
ang mga mamamahayag na nagdesisyong manatili sa Baghdad. Nagsimula
sa 400, naging 100 at ngayon, 50 na lang.
Kahit ang mga beterano ng coverage sa Afganistan, nagdadalawang-isip.
Habang papalapit ang pagtatapos ng ultimatum ni President George
W. Bush, napapadalas ang tawag ng isa't isa sa pamilya sa Pilipinas.
Si Val, laging tumatawag sa kanyang anak.
Noong Marso 18, biglang naglabas ng kautusan ang gobyernong Iraqi.
Lahat ng mamamahayag, pwede lang tumira sa tatlong hotel. Ang mga
ito ay ang Al-Mansour, Al-Rashid at Palestine.
Napunta kami sa Al-Mansour na katabi lang ng Ministry of Information
ng Iraq. Katabi rin ito ng himpilan ng Iraqi TV, kapwa pangunahing
target ng mga bomba ng U.S. kinalaunan.
Marso 20 ang araw na kinakatakutan ng lahat. Alas kwatro ng umaga
ang pagtatapos ng ultimatum ni Bush. Kaya naman, wala sa amin ang
nakatulog.
Tahimik na dumaan ang alas kwatro. Pero bago dumating ang bukang
liwayway kinabukasan, habang kausap ko ang asawa ko sa telepono,
biglang tumunog ang air raid siren.
Nagliyab ang langit sa papaitaas na tracers ng anti-aircraft fire.
Para itong mga alitaptap na naghahanap ng madadapuan. Noon namin
nalaman na mayroong katabing anti-aircraft gun ang aming hotel.
Pilit na hinanap ng mga anti-aircraft gun ang eroplanong U.S. pero
mga stealth jet ang ginamit sa unang bugso kaya walang natamaan
ang mga Iraqi.
Nagtagal ng ilang oras ang air strikes at inabot ng umaga o tanghali
sa Pilipinas.
Habang nagpuputukan sa labas, tumatawag naman ang ABS-CBN para
sa pinakahuling pangyayari.
Ito ang unang araw ng ikalawang digmaan sa Gulpo. Dumaluyong na
ang sigwa sa lupang matagal nang diniligan ng dugo at kami ay inabot
na dito.
Makaraang sumilip ang araw sa silangan, hindi namin batid kung
ang liwanag nito ay magbabadya ng panibagong pag-asa o kakaibang
kadiliman.
Multo sa gabi
Pagsapit ng takip-silim ng Marso 20, naglabasan muli ang mga multo.
Sila ang mga ahente ng karahasan, sa madaling salita.
Sa bubong ng aming hotel, naglagay na rin ng anti-aircraft gun
ang mga Iraqi.
Sa gabing ito, lumapit sa aming hotel ang bagsak ng bomba. Napulbos
ang Ministry of Planning na walang pang isang kilometro ang layo
sa aming hotel.
Lumapit din bigla sa amin ang katotohanan. Sunud-sunod na nagdatingan
ang mga ambulansya. Ayon sa mga nakausap naming reporter, siyam
katao na raw ang namamatay.
Sa puntong ito, hindi lang pala kasaysayan ang aming itinatala
kundi kamatayan din.
Noong Marso 21 ang ikalawang gabi ng air strikes.
Noong gabing iyon, nayanig ang mundo namin dahil mistulang ulan
kung pumatak ang mga bomba sa gusali ng Council of Ministers, Ministry
of Military Industry at Ministry of Planning. Gayundin, pinaulanan
ng bomba ang punong himpilan ng Ba'ath Party na partido pulitikal
ni Saddam Hussein.
Ang Ministry of Planning, pinulbos ng mga bomba sa sunud-sunod
na patak ng mga pampasabog. Napapayuko na lang kami sa lakas ng
mga pagsabog.
Ang katabi naman naming anti-aircraft gun, nakipagdwelo sa mga
eroplano.
Sa lakas ng hampas ng mga shock wave, nagiba ang kisame ng aming
kwarto sa hotel. Sa lakas ng mga pagsabog sa labas, hindi na namin
narinig ang pagkagiba ng kisame.
Busal sa umaga
Sa pangalawang araw ng giyera, pinayagan kaming bumisita sa mga
nasalanta ng bombahan. Pero agad ding iniba ang patakaran.
Ngayon, sasakay ang lahat ng reporter sa mga bus at dadalhin lang
sa mga lugar na nais ng mga opisyal na Iraqi.
Bagama't malinaw na mayroong mga sibilyang tinamaan ng bomba, hindi
kami binigyan ng pagkakataong makita ang mga biktima dahil sa higipit
ng regulasyon. Kakaiba talaga ang coverage ng mga reporter sa bansang
ito.
Ang bawat reporter ay binibigyan ng isang "minder" o
censor. Kumbaga sa basketball, man-to-man ang bantayan. Sasabihin
ng minder kung ano ang pwedeng kunan ng camera at kung ano ang hindi.
Ang minder namin, si Jabbar Hussein, ay siya ring tagasalin ng
kanilang lenggwahe sa Ingles. Ang mahirap, hindi mo alam kung ang
mga salin niya ay mayroong bahid ng pulitika o wala.
Noong magsimula ang bombahan, lahat ng video na aming nakunan ay
kailangan munang panoorin ni Jabbar bago ipadala sa Pilipinas.
Magastos ang maging reporter sa Baghdad. Kailangan mong magbayad
ng halos $400 bawat araw sa Ministry of Information para sa kanilang
press services. Ang mahirap, babayaran mo na nga, didiktahan ka
pa.
Kaya kapag kumuha kami ng video ng mga bombahan, patay ang mga
ilaw upang hindi kami makita ng mga awtoridad. Sa kasamaang palad,
mayroong mga reporter na nakumpiskahan ng tape dahil hindi maingat
ang kanilang pagkuha.
Natutunan namin ang dalawang katotohanan. Sa bansang ito, dalawa
ang iingatan mo: una, hindi ka matamaan ng bomba at, pangalawa,
'di ka makainitan ng gobyernong Iraqi.
Kabaligtaran ng lahat
Kung minsan, hindi maiiwasang maapektuhan ka ng mga pangyayari sa
paligid. Mahirap pala ang makipaglambingan sa anak mo kahit sa telepono
habang nakasuot ng helmet at flak jacket.
Kaya kahit mga beterano sa pag-uulat tungkol sa giyera, mayroong
mga sandaling nagkakamali pa rin sa pagsasalita.
Minsan naman, nagpakilala ako sa isang Iraqi bilang Pilipino. Bigla
itong nagsalita ng wikang Español. Wala akong nagawa kundi
ang tumango.
Ang naintindihan ko lang sa sinabi, "muchas gracias."
Ang tanong ko sa sarili ko, paano'ng hindi iikot ang mundo mo sa
isang bayan na puno ng kabalintunaan?
Isa itong malawak na disyerto kung saan sagana ang pagkain na itinatapon
lang.
Ito ang bayan kung saan makakabili ka ng murang gamot; katumbas
lang ng P12 ang isang banig ng tabletang antibiotic. Kung sa Pilipinas
ito, P12 na ang isang tableta ng gamot.
Pero dahil sa pagbabawal ng United Nations, kulang sila sa ibang
uri ng gamot tulad ng medisina laban sa leukemia na dumami ang kaso
matapos ang unang giyera noong dekada '90.
Ito ang bansa kung saan nagkakahalaga lang ng katumbas ng $5 ang
bayad sa isang taon ng pag-aaral sa eskwelahan. Setenta porsyento
daw ng mga Iraqi ay nakapag-aral sa kolehiyo. Pero, ito ay sa katotohanan
na ang karaniwang 13-anyos na bata ay marunong nang humwak ng ripleng
Kalashnikov at naghuhukay ng bomb shelter sa likod ng kanyang bahay.
Ito rin ang bansang nakipaggiyera sa kalapit bayan ng Iran sa loob
ng walong taon. Giyera na ikinimatay ng isang milyon katao.
|