| (Narito
ang ikalawang bahagi ng salaysay ni Correspondent Ed Lingao na nakasaksi
nang personal sa pagsisimula at kainitan ng pambobomba ng pwersang
U.S. sa rehimeng Saddam Hussein.)
BAGHDAD - Marahil, kung mabuhay ka rin ng higit dalawang dekada
sa ilalim ng anino ni Saddam Hussein, mayroong kakaibang kahulugan
ang pangalan ng rotunda ng Freedom Square sa pusod ng Baghdad.
Ang rehimeng nagtagal ng 24 na taon, naigupo matapos ang 22 araw
mula nang bumagsak ang unang bomba ng ikalawang digmaan sa Gulpo.
Ang dating kinatakatakutan, ngayon ay inaapakan. Ang mga dating
iniluklok sa pedestal, ngayon ay kinakaladkad sa daan.
Sa iba't ibang lugar sa Baghdad, sa mga siyudad ng Basra, Mosul
at Irbil, dinumog ng mga galit na tao ang nagkalat na estatwa at
larawan ni Saddam.
Biglaan ang pagbagsak ng Baghdad. Taliwas sa pagmamalaki ng rehimen,
hindi nangyari ang kinakatakutang pagdepensa ng karaniwang mga Iraqi.
Kaya naman, nakahinga nang maluwag ang mga Iraqi nang magdesisyon
ang karamihan sa kanilang huwag nang labanan ang mga banyagang pwersa.
Ngunit ang mga pangyayaring ito ay ilang linggo pa lang ang nakalilipas
mula nang panoorin namin ang mga parada ng sundalong armado at sibilyan
sa mga lansangan ng Baghdad.
Nagkalat din ang mga babae na armado ng pistolang .45 at mga bata
na kargado ng ripleng AK-47. Lahat sila, nangakong makikipagpatayan
sa ngalan ni Saddam at para sa Iraq.
Bigla ang pagpapalit ng ihip ng hangin. Ang mga dating hayagang
lumalaban sa Estados Unidos, sila pa ngayon ang bumabati sa mga
Amerikano. Ngunit maaari rin kayang sila ang mga suicide bomber
na sumasalubong sa pwersa ng koalisyong U.S. at Britanya?
Sa loob ng isang buwan, nasaksihan namin ni cameraman Val Cuenca
ang pagsasara ng isang kabanata sa mayamang kasaysasayan ng Iraq.
Ito ang pagtatapos ng kasaysayan ni Saddam Hussein.
Hinaharap at nakaraan
Dumating kami sa Baghdad noong Pebrero 26. Hindi pa namin alam noon
kung kailan ang giyera dahil tatlong linggo pa bago ito sumiklab.
Pero alam na namin na mayroong paparating na unos sa Baghdad. Paglapag
pa lang ng eroplano sa airport, kinumpiska na agad ang cellular
phone ko.
Ang kwarto sa hotel ang ginawa naming opisina. Alam namin na peligro
ang ipinunta namin dito kaya naman, naghanda kami ng helmet, flak
jacket, pagkain at mga "agimat" tulad ng stuffed toy.
Maging ang radyo, bitbit namin.
Ilang araw pa lang kami sa Baghdad, ramdam na namin ang lungkot
ng pagkakawalay sa pamilya.
Sobrang higpit sa mga reporter ang awtoridad dito. Bawat kilos
namin, mayroong nakabantay.
Si Jabbar Hussein ang nakatoka sa amin na magbabantay.
Lahat ng pupuntahan naming lugar, dapat may pahintulot niya. Lahat
ng pakikipagpanayam namin, dadaan sa kanya. Lahat ng pagsasalin
ng wika, siya ang gagawa.
Minsan kahit ano ang tanong, sinasala niya.
Nagulat din kami sa halagang sinisingil ng gobyernong Iraqi sa
mga peryodistang banyaga.
Para sa mga TV crew, $375 kada araw, sa satellite phone, $100/araw
at paggamit ng satellite link, $7,000/linggo.
Ang lahat ng ito, bayad sa paggamit ng press center kahit malinaw
na walang kagamitan ang lugar na ito.
Wala pa dito ang mga ordinaryong "lagay" na inaasahan
ng lahat ng opisyal.
Kunsabagay, biro nga ng mga kapwa peryodista, kung bobombahin na
rin lang sila, dapat nang pagkakitaan ang media.
Pero higit sa lahat, nagulat kami sa Baghdad na nakilala namin.
Para sa maraming Pilipino, iba ang pagkakaalam nila sa bayan na
mas kilala dahil sa armas-kemikal at kay Saddam.
Bago ang unang giyera sa Gulpo noong dekada '90, maraming manggagawang
Pilipino dito. Umabot sila sa mahigit 50,000. Sila ang gumawa ng
malalaking gusali at kalsada dito.
Sila rin ang nagkalat ng kaunting kalokohan.
Itong isang serbidor sa hotel namin, natuwa nang malaman na Pinoy
kami. Bigla siyang nagsalita ng wika natin. Aniya, "Salamat,
mabaho kili-kili mo!"
Anang serbidor, hindi niya alam ang ibig sabihin nito. Basta mayroon
lang nagturo sa kanya.
Sa Basrah Sheraton Hotel naman, makakarinig ka ng "Magandang
umaga, magandang gabi" mula sa hotel staff. Sa lansangan naman
ng Baghdad, makakarinig ka ng "Kumusta ka?" mula sa mga
tao.
Kahit wala nang mga Pilipino sa Baghdad, kilala pa rin sila dito.
Paano nga naman silang makakalimutan, lahat ng naghahanap ng gimik,
nagtutungo sa embahada ng Pilipinas o sa bahay ni Grace Escalante,
ang charge' d'affaires ng embahada.
Anuman ang sabihin nila sa Iraq, hindi namin maiwasang mainggit
sa bayan na ito.
Mayroong kabaligtaran
Kahit puro disyerto dito, higit silang sagana sa pagkain kaysa Pilipinas.
Sa dalawang dolyar ng kanilang pera, mabubusog ka na sa dami ng
pagkain, pwede ka pang magbalot ng pasalubong.
Sa totoo lang, sa katumbas ng $2 ng U.S., halos mapaiyak ang aming
lamesa sa dami ng pagkain.
Mahirap isipin na ito umano ang bayan kung saan maraming tao ang
sadyang ginugutom. Totoong 'di hamak na mas maraming nakakain sa
Pilipinas ang mga tao pero higit na marami ang nagugutom.
Ayon sa United Nations Children's Educational Fund (UNICEF), isa
sa bawat apat na bata sa Iraq ay kulang sa sustansya ang katawan.
Pero natuklasan namin na sobrang mababa ang buwanang suweldo ng
mga tao dito. Sumusuweldo lang sila ng katumbas ng $8 sa isang buwan.
Samakatuwid, ang tatlong beses naming pagkain ay katumbas ng isang
buwan na suweldo ng pangkaraniwang Iraqi.
Bago ang unang giyera, abanteng abante ang mga Iraqi sa rehiyon
ng Gitnang Silangan. Kinaiinggitan ang mga Iraqi ng mga kapit-bansa
nito dahil sa modernong sistema ng edukasyon.
Ang palitan ng dinar sa dolyar noon, 1:3. Matapos ang giyera, naging
$1:2, 200 dinar. Nag-ugat ang pagbagsak ng dinar sa parusa ng U.N.
sa Iraq matapos ang unang giyera.
Sa kabila nito, ipinagmamalaki pa rin ng Iraq ang sistema ng edukasyon
nito. Ang mga estudyante ng high school na nakita namin, nag-aaral
ng wikang Pranses, Ruso at Latin. Ang matrikula, wala pang katumbas
ng $5 kada taon.
Batay sa datos, 80 porsiyento ng mga Iraqi ay tapos ng kolehiyo.
Iyon nga lang, mayroong kasamang propagandang pulitikal ang curriculum.
Mayroon ding kabalintunaan
Bumabawi ang mga Iraqi sa mga subsidy ng gobyerno. Kaya kahit mababa
ang suweldo, masaya sila dahil mura ang presyo ng pagkain, mura
ang bayad sa hotel. Ang bayad sa tubig, kuryente at telepono, halos
libre na.
Sa kabila ng mababang suweldo, disiplinado ang mga tao.
Ang video camera namin, pwedeng iwanan sa loob ng kotse na walang
gagalaw.
Mahigpit din kasi ang batas dito. Mahirap man ang tao, bihira ang
mga insidente ng nakawan. Higit sa lahat, walang nagbebenta ng ilegal
na droga.
Matatawa ka lang dahil kahit laban sa U.S. ang mga tao dito, mahilig
naman sila sa Pepsi. Matapos ang unang digmaan, ipinagpasya ng gobyerno
na magtayo ng prangkisa ng Pepsi.
Sa madaling salita, walang paalam sa kompanyang Amerikano. Ngunit
sino nga ba naman ang magdedemanda kay Saddam?
Mayroon din ditong Kentucky Fried Chicken. Pero huwag mong babanggitin
si Colonel Sanders dahil baka damputin ka ng ahente ng military
intelligence.
Sa ilang bagay, progresibo dito kumpara sa mga kapit-bansa tulad
ng Saudi Arabia. Dito, pwede kang sumamba bilang Kristiyano o kahit
Hudyo.
Higit sa lahat, pwede kang bumili ng beer. Pwede kang tumambay
sa kalye basta hindi mo kakalabanin si Saddam.
Kultura din dito na hindi na kailangang yayain ang bisita ng pagkain
kapag nasa ibang bahay. Basta umupo ka na lang at kumain.
Ang pagtatapos ni Saddam
Naabutan pa namin ang piyesta nila ng Ashuraa kung kailan hindi
matutulog magdamag ang mga pamilya upang magluto ng maraming pagkain.
Sa umaga, lahat ng kumatok sa pintuan ay kailangang pakainin nila,
kahit pa estranghero ang mga ito.
Obligado rin ang mga Iraqi na patuluyin ang mga estranghero na
kumatok sa kanilang pintuan. Hindi nila maaaring tanungin ang pangalan
ng kanilang bisita sa loob ng tatlong araw.
Ito ang tunay na mukha ng Iraq, ang mukhang hindi mo makikita sa
balita.
Ito ang mga mukhang matagal nang natabunan ng anino ni Saddam Hussein.
Pero minsan, mangingilabot ka dito sa Iraq. Dito, dalawang klase
lang ang monumento: monumento para kay Saddam at monumento para
sa mga patay.
Minsan pa nga, nagkakalaban kung sino sa dalawa ang mayroong mas
maraming monumento.
Sa Baghdad, namumukod-tangi ang Unknown Soldier's Monument. Ito
ay monumento sa ngalan ng mga sundalong Iraqi na namatay sa sunod-sunod
na digmaan sa rehiyong hindi makahanap ng katahimikan.
Sa loob ng monumento, nakaratay ang mga uniporme ng mga bayani
ng Iraq. Sila ay ang mga sundalo na namatay nang walang pangalan.
Sa Basrah, mahigit 500 kilometro sa timog ng Baghdad, nakahilera
ang mga estatwa sa pampang ng mga ilog ng Shat al-Arab.
Lahat ng mga ito, pagpupugay sa pagiging martir ng mga sundalong
Iraqi. Pero lahat din ito ay paalala ng madugong kasaysayan ng Iraq
bilang bansa.
Ang hindi ko lang alam, ay kung mangangailangan sila ng mas marami
pang monumento kapag natapos ang kasalukuyang kabanata sa kasaysayan
ng Iraq.
|