| Tatlong
piso ang bayad sa bawat sayaw sa Roadside, isang "bailehan"
kung tawagin ng matatanda sa Tanay, Rizal. Sa ordinaryong sabi, ito
ang kabaret.
Dati, matatagpuan sa sentro ng Tanay ang Roadside ngunit kinailangang
ilipat. Ayon sa reklamo, hindi maganda na nasa sentro ng bayan ang
ganitong klase ng pasayawan.
Pero napalayo man sa sentro, dinadayo pa rin ito kahit ang likod
ng kinatatayuan ng kabaret ay isang bukid.
Hindi mahirap hanapin ang Roadside. Madali itong makilala dahil
sa kumikindat-kindat na ilaw sa labas tuwing gabi.
Hindi rin maipagkakailang pasayawan ito dahil sa dagundong ng tugtog
na nagmumula sa loob.
Ito ang trabaho ni "Taba" (di-tunay na pangalan). Siya
ang disc jockey ng Roadside. Puro mga CD na ang gamit ni Taba dahil
hindi na uso ngayon ang jukebox ng kahapon.
Dito rin nagtatrabaho si "Wowie." Siya ang tagawalis
at naglilinis sa kubeta ng Roadside. Kapag walang kostumer, solo
ni Wowie ang pagsasayaw sa Roadside.
Ngunit ang pinakabida sa lugar na ito ay ang mga babae.
Sa Roadside, mayroong mga matagal na o beteranang maituturing.
Sila ang mga dating sumasayaw na naging serbidora at bartender na.
Mayroon ding mga bata na paboritong isayaw ng mga kostumer.
Nagtagpo-tagpo sa Roadside
Nagmula sa iba't ibang lugar ang mga babae sa Roadside. Mayroong
galing sa Bicol at North Cotabato pero dito sa Roadside nagkatagpo-tagpo
ang kanilang mga buhay.
Isa-isang nakilala ng The CORRESPONDENTS ang mga babae ng Roadside
at ang kanilang mga kwento ng buhay.
Tanghali na kung mag-umpisa ang buhay sa Roadside. Nagtatrabaho
nang hanggang 3 a.m. ang mga babae dito kaya pasado 12 p.m. na kung
bumangon sila mula sa higaan.
Sa isang dormitoryo sa likod ng pasayawan naninirahan ang kalahati
sa 35 na mananayaw ng Roadside.
Sa araw, ordinaryong eksena sa nayon ang makikita sa paligid ng
dormitoryo: may mga batang nagtatakbuhan at naglalaro. Mayroon ding
mga magsasaka na nag-aararo sa kabila ng bakod.
Matapos mananghalian, nagpapalipas ng oras ang mga babae sa pamamagitan
ng paglalaro ng bingo.
Nagkokontribusyon sila para sa premyong sabon at shampoo sa mananalo
sa bingo.
Kapag naiinip sa bingo, tumatambay naman sila sa bukid.o di kaya
ay nakikipaglaro kay "Sue" o pinaikling tawag kay "Tsupe,"
ang baka na pag-aari ng kapitbahay ng pasayawan.
Pagsapit ng hapon, oras nang maghanda para sa trabaho.
Pagpatak ng 8 p.m. at kapag nakakandado na ang pinto papuntang
dormitoryo, umpisa na ang pagbebenta ng tiket sa pasayawan.
Sa halagang tatlong piso
Sayaw at "table" lang ang pwede sa Roadside.
Sa P3 bawat sayaw, P1.50 ang napupunta sa babae, P1.50 rin sa casa.
Aabot sa P120 ang isang oras na table sa babae. Tulad sa sayaw,
kalahati nito ay sa babae, kalahati ay sa casa.
Kung paborito ng mga kostumer ang babae, maaaring kumita ng P5,000
isang buwan. Wala pa dito ang tip.
Bawal sa Roadside ang bar fine o maglabas ng babae. Iyan ang kondisyon
ng may-aring si "Nanay Edith."
Tumangging humarap sa camera si Nanay Edith. Pero aniya, mas mabuti
sa negosyo kung hindi na ilalabas ang mga babae.
Karamihan sa mga babae sa Roadside ay naglalaro ang edad mula 18-26.
Isa sa paborito ng mga kostumer si "Nica."
Madalang sa Roadside ang babae na gumagamit ng tunay na pangalan.
Anila, mas magaan sa loob kung hiwalay ang mukhang inihaharap sa
trabaho sa tunay na katauhan.
Sa edad niyang 19, mayroon nang isang anak si Nica. Nabuntis siya
ng isang kostumer na naging nobyo niya.
Nagpakilalang binata ang kostumer noong nanliligaw pa lang. Ngunit
noong ibinalita ni Nica na buntis siya, mabilis pa sa alas-kwatrong
sinabi ng lalaki na mayroon na itong asawa.
Nagmula sa Sorsogon si Nica. Naisipan niyang makipagsapalaran sa
Maynila upang takasan ang ama na laging nanggugulpi sa kanya.
Babae ang iniluwal na sanggol ni Nica nito lang Pebrero 2003. Nais
sana niyang umalis sa kabaret at mag-aral muli. Pero kailangan muna
niyang isipin ang kinabukasan ng anak.
Ayon kay Nica, "Gusto ko talagang maghanap ng ibang trabaho
pero may utang pa ako kay ate." Sa isip ni Nica, babayaran
muna niya ang utang bago maghanap ng ibang trabaho.
Nagkakahalaga ng P5,000 ang utang ni Nica kay Edith. Pinahiram
siya ng may-ari ng kabaret upang ipambayad sa ospital para sa panganganak.
Sa kabila nito, desidido si Nica na balang-araw, ipagpapalit niya
ang seksing pananamit para sa uniporme ng isang guro sa pampublikong
paaralan.
Dahilan ng babae, bata pa naman siya at mayroon pang panahon.
Dapat ay bata at maganda
Sa trabahong ito, mas mabenta ang maganda at bata. Tulad ni Nica,
karamihan sa mga babae sa Roadside ay hindi pa tumutuntong sa edad
20.
Sila ang mga babae na sa murang edad ay napipintahan ng lipstick
ang mga labi at nadadamitan ng kasuotang seksi ang mga katawan.
Sa gabi, para silang mga paninda sa palengke: tinitingnan, pinipisil,
pinagpipilian at binabayaran.
Ang hindi mapipili, parang lantang gulay na naiiwan sa tabi.
Dalawa sa paboritong isayaw at i-table ng mga kostumer ay ang beteranang
si "Angela" at ang baguhang si "Julie." Magpinsang
buo ang dalawa ngunit magkapatid sa trabahong ito.
Edad 18 pa lang si Julie at tatlong buwan pa lang sa Roadside bilang
mananayaw. Si Angela naman, dito na nagkamalay.
Nagmula sa isang bayan sa lalawigan ng Rizal si Angela. Nilayasan
niya ang pamilya sa edad na 15.
Aniya, "Pinilit akong ipakasal sa lalaking mayaman pero unano."
Totoong nakaiwas si Angela na magpatali sa isang lalaki na hindi
naman niya mahal. Pero ang kapalit nito ay ang araw-araw na pakikisalamuha
sa dose-dosenang lalaki na hindi man lang niya kakilala.
Pilya si Angela at sa karaniwang sabi, makulit at masayahin. Nakakahawa
ang kanyang ngiti at malakas ang karisma kaya hindi nakapagtataka
na kahit 10 taon na siya sa Roadside, hindi pa rin nagsasawa ang
mga kostumer sa kanya.
Sa tagal niya dito, kabisadong-kabisado na ni Angela ang kiliti
ng mga lalaki.
Sa P4,000 na naiipon niya sa isang buwan, si Angela ang pinakamalakas
kumita sa kabaret. Bukod sa P60 na napupunta sa kanya sa bawat oras
ng table, binibigyan pa siya ng tip ng mga kostumer.
Karaniwan ang tip na P50, ani Angela. Pero mayroon ding galanteng
kostumer na nagbibigay ng P500 sa tip. Ayon kay Angela, depende
rin kung gaano kagalante ang lalaki pagdating sa tip at kung gaano
siya kagaling sa pambobola noong gabing iyon.
Mayroong mga gabi na kaunti ang tao sa kabaret at halos walang
naisasayaw.
Isang halimbawa nito ay si "Jocelyn." Noong gabi na makita
siya ng The CORRESPONDENTS, walang buena manong kostumer si Jocelyn.
Ito pa naman ang unang gabi niya sa trabaho. Pero aniya, maaaring
kinabukasan ay mayroong darating na swerte.
Saturday nights
Tuwing Sabado ng gabi, napupuno ang kabaret ng mga kostumer na binata,
matatanda at lalaki na naghahanap ng "good time."
Mayroon ding mga estudyante, ordinaryong manggagawa at anak ng
mga kilalang tao sa probinsya.
Kapag ganitong maraming tao, umaabot ng 20 ang nakikipagsayaw kay
Julie sa isang gabi.
Si Angela rin, hindi nababakante sa sayawan. Maging si Jocelyn
na hindi naisayaw noong unang gabi niya, nakabawi sa kostumer.
Sa gabing ito, P13 ang kinita ni Jocelyn sa sayaw at P60 sa table
sa isang kostumer na bolero.
Sa trabahong ito, aminado ang mga babae na iba-iba ang hanap ng
mga kostumer. Mayroong gusto lang na makipagkwentuhan at mayroong
mahilig sa sayawan.
Pero mayroon ding higit pa sa kwentuhan at sayawan ang gusto.
Ayon kay Angela, "Siyempre 'yung iba gusto makakapa, makaisa
[ng tsansing] at halik." Ngunit giit ni Angela, ayaw niya ng
ganito.
Dahilan niya, "Kasi naman P3 lang ang bayad sa akin gusto
pang lamasin ang katawan ko!"
Ang P3 ay kapalit ng tatlong minutong sayawan. Maaari itong hatiin
sa: pisong sayaw, pisong usapan at pisong hipo.
Ang P1.50 na kaparte nila sa tiket, ibinibili ng mga babae ng kendi
at sigarilyo. Mayroon namang iba na iniipon ang pera para makabili
ng lugaw sa plaza.
Kay Angela natutuhan ni Julie ang lahat ng kailangan niyang malaman
sa mundo ng kabaret.
Kay Angela siya natuto kung papaano manamit, maglagay ng kolorete
sa mukha at makipag-usap sa mga lalaki. Kaya kahit mukhang mahiyain
at tahimik, marunong na ring dumiskarte si Julie.
Kwento ni Julie, isang kostumer ang nabola niya. Nagbigay ng P1,500
ang kostumer matapos sabihin ni Julie na mayroon siyang utang sa
pinsan.
Bata pa si Julie sa kilos at pag-iisip. Umalis siya sa kanilang
bahay dahil napabayaan umano ng ina na walang ginawa kundi ang maglasing.
Tanging si Angela ang pinagkukunan ng lakas ng loob ni Julie. Aniya,
nakakahawa ang magandang disposisyon sa buhay ni Angela.
Maginhawa ang buhay ng mga babae sa loob ng Roadside. Nakakain
sila ng masarap na pagkain, nakatutulog nang mahimbing at nakalalabas
nang malaya sa araw.
Pero pagkatapos ng trabaho, bawal nang gumala sa labas ng kabaret.
Sa kabila nito, mayroon pa ring babae na nakakapuslit. Isa na rito
si Angela.
Aniya, karaniwan siyang nanunulay sa mga pilapil. Kahit sa damuhan
na magdaan, walang problema kay Angela basta makalabas lang siya.
Sabi nga ng mga kasamahan, 7 a.m. na kung bumalik si Angela sa
kabaret mula sa paggagala. Ang oras mula pagkatapos ng trabaho hanggang
7 a.m. ang panahon ni Angela para sa kanyang nobyo.
Ang problema lang ni Angela ay matatagap ng pamilya ng nobyo ang
kanyang trabaho.
Walang balak si Angela na tumira sa Roadside habambuhay. Sa kasalukuyan,
hinihintay niya ang visa papuntang Saipan. Sa Japan siya magtatrabaho
bilang guest relations officer (G.R.O.).
Kung tutuusin, maganda ang buhay sa kabaret dahil inaalagaan ang
mga babae dito at hindi ibinubugaw. Pero sabi ni Angela, hangad
niyang makapagtrabaho sa Japan at walang sinuman ang pwedeng humarang
sa kanyang pangarap.
|