Droga: Bisyo ng matanda, ipinasa sa bata
 

'Bata, bata, bakit ka may tama?'
Itinanghal ng The CORRESPONDENTS, Lunes, 11 p.m.

 
Para sa mga magulang, mahirap isipin ang pagkakaroon ng anak na nalulong sa bisyo. Pero ang totoo, marami ang kasong ganito, mga musmos at kabataan na naligaw ng landas bunga ng pagkukulang at pagkakamali ng nakatatanda at ng may katawan.


Edad 16 na si "Regine" (di-tunay na pangalan) ngayon. Sa edad na apat, aniya, tinuruan siya ng mga magulang na "bumatak" o gumamit ng shabu. Tumigil siya pagsapit ng edad walo.

Ani Regine, nangyari iyon isang araw na may dumalaw na kaibigan ang kanyang ina sa bahay nila sa probinsya. Pinasubok siya hanggang kinalaunan, hinanap niya ang langhap ng droga.

Sa edad kung kailan pagmamahal ang hanap ng isang musmos, "bato" (tawag sa shabu sa kalye) at batak ang hanap ni Regine.

Kung iisipin, anong klaseng magulang ang mag-uudyok na gumamit ng droga ang anak?

Dating pulis ang amahin ni Regine at regular na gumagamit ng shabu. Ipinasa ng lalaki ang bisyo sa ina ng bata at ngayon, sa anak.

'Di kukulangin sa tatlong beses isang linggo pinagagamit ng droga si Regine, ayon sa nais ng mga magulang niya.

Dahilan ng matatanda, dapat gumamit ng droga ang bata para sipagin sa paglilinis ng bahay at pag-aalaga sa tatlong nakababatang mga kapatid.

Ani Regine, may panahon na pumapasok siya ng kinder at preparatory school nang batak sa shabu. Aniya, hindi nahalata ng mga guro ang kondisyon dahil walang maghihinala na gumagamit siya ng droga. Sa edad na lapis at papel ang karaniwang hawak ng bata, foil at lighter ang gamit ni Regine.

Nalulong sa droga si Regine at tandang-tanda niya ang mga araw na ayaw niyang pumasok sa eskwela dahil nakakatamad kapag hindi siya nakakagamit ng shabu.

Apat na taon nakulong sa mundo ng shabu si Regine.

Nagbago ang buhay niya pagsapit ng ika-walong kaarawan nang ilayo siya ng lola sa mga magulang at dalhin sa Maynila. Walong taon na mula nang iwan niya ang droga at walong taon na rin mula nang ilayo ng lola sa mga magulang. Sa edad niya ngayon, isa si Regine sa mga swerte.

Si "Joanne," nagsimulang gumamit ng shabu sa edad na walo. Labindalawang taong gulang na siya ngayon. Pero di tulad ni Regine, patuloy na gumagamit ng shabu si Joanne.

Tulad ni Regine, matanda rin ang nagturo kay Joanne na gumamit ng droga. Sa pagkakataon na ito, isang kabarkada na 18-anyos ang nagtulak sa bata para malulong sa bisyo.

Apat na taon nang gumagamit ng shabu si Joanne. Aniya, malaki ang kanyang ipinagbago. Ngayon, asal-lalaki na siya at taliwas sa kilos ng isang babae, asal-kalye na rin.

Sunog na kinabukasan
Dalawa lang sina Regine at Joanne sa mga batang mukha na biktima ng droga.

Ayon sa Center for the Ultimate Rehabilitation of Drug Dependents (CURDD) sa Maynila, kapansin-pansin ang pagdami ng mga bata na adik sa mga rehabilitation center.

Ani Alpha Martin, isang sikolohista, dati ay pitong taong gulang ang pinakabata na naitala nila. Ngayon, nagsisimulang maging adik ang bata sa edad na apat.

Sa rehabilitation center ng Pambansang Pulisya sa Bicutan, Taguig, apat na dormitoryo ang nakalaan para sa mga bata na nalulong sa droga. Ang pinakabata na pasyente nila, pitong taong gulang.

Pahayag ni Martin, kung mayroong ganitong kaso sa rehabilitation center, tiyak na marami pa ang nasa labas.

Batay sa estadistika ng pamahalaan, may 3.4 milyong tao ang gumagamit ng ilegal na droga sa bansa. Kalahati sa bilang na ito ay adik, at ang kalahati gumagamit nang minsanan. Ang estadistika ay halaw sa survey na inilabas ng Dangerous Drugs Board.

Sa kabila nito, aminado ang lahat na higit na malaki ang bilang ng mga gumagamit ng droga.

Sina Regine at Joanne ay mga mukha na hindi nakikita sa estadistika at survey. Sila ang mga bata na nalulong sa bisyo dahil sa mga nakatatanda.

Walang malinaw na estadistika sa mga bata na nalulong sa droga.

Makikita at mararamdaman ang lalim ng problema kapag nasumpungan sila sa mga rehabilitation center, sa bilang ng mga bata na "sabog" at nagkalat sa lansangan at sa mga kwento tulad kina Regine at Joanne.

Mayroong kapatid si Regine na siyam na taong gulang. Aniya, noong gabi na bago siya kapanayamin ng The CORRESPONDENTS, nakita niya ang kapatid na bumabatak ng shabu.

Samantala, ang kapatid ni Joanne na walong taong gulang, naninigarilyo na rin. Hindi alam ni Joanne kung gumagamit rin ng droga ang kapatid.

Ayon sa mga experto, madalas na matatanda ang pinagmumulan ng bisyo ng mga bata. Karamihan sa mga ito, impluwensya ng sariling pamilya.

Ani Bonaparte Francisco, direktor ng CURDD, mayroon silang mga kaso na pamilya ang nag-impluwensya sa bata. Pahayag niya, iniiisip ng mga bata na walang masama sa bisyo dahil nanay o tatay nila ang gumagawa nito.

Sa kasalukuyan, naliligaw pa rin ang landas ni Regine kahit tumigil na siya sa bisyo. Hindi siya mapakali. Tumigil na siya sa pag-aaral at walang ginagawa sa bahay kundi tumambay.

Ayon kay Joanne, gusto na niyang magbago pero mahirap kalabanin ang nakaraan. Sa ngayon, simple lang ang pangarap niya sa buhay: iwasan ang barkada.

Ito ang pinakamalinaw na hudyat ng malubhang problema ng bansa sa droga. Ang dating bisyo lang ng matatanda, laruan na ngayon ng mga bata.

 
                                  ARCHIVE
   
  www.abs-cbnNEWS.com