| Ang araw ng Linggo
ay ang karaniwang panahon ng pamamasyal ng mga pamilya, magkasintahan
at magkakaibigan sa Ayala Center sa Makati. Ngunit noong umaga ng
Hulyo 27, hindi mga unipormadong kawani ng department store ang sumalubong
sa mga namamasyal.
Sa labas ng Glorietta IV, hindi bulaklak at tubig mula sa fountain
ang nakita. Sa halip, mga sundalong unipormado at bomba na nakapaligid
sa Oakwood Premier Hotel ang gumulantang sa mga tao.
Saksi ang The CORRESPONDENTS sa pagsakop ng isang grupo
ng mga sundalong rebelde, ang pangkat "Magdalo," sa Glorietta.
Pawang mga opisyal at kawal na nakababata buhat sa iba't ibang
sangay ng Sandatahang Lakas ang bumubuo sa Magdalo. Lahat sila,
mga kasapi ng tinaguriang Special Forces ng AFP tulad ng Special
Warfare Action Group (SWAG) ng Hukbong Dagat at Force Recon ng Philippine
Marines.
Sa ibabaw ng bubong ng Oakwood, kitang-kita ang mga sniper at spotter
ng grupo.
Magkagayunman, marami pa rin ang nagpasyang ipagpatuloy ang paglalakad
nila sa ibaba ng gusali at hindi inalintana ang mga pangyayari.
Sa pintuan ng isang tanyag na department store, nagkalat ang mga
empleado, hindi makapasok sa gusali upang simulan ang trabaho. Ginawang
sentro ng pag-aaklas ang Oakwood at Glorietta IV. Ang sinuman na
lumapit, itinataboy ng mga rebeldeng nakatanod.
Ilang metro mula sa mga rebelde, pumoste ang mga tropa ng pamahalaan.
Kumpara sa kulay pula na tela na suot ng mga rebelde sa braso nila,
puting tela ang taglay ng pwersa ng gobyerno.
Dakong 9 a.m., tinangkang kausapin ni Col. Manuel Ferrer ng Marines,
ang mga tanod ng Magdalo. Hindi natinag ang mga rebelde.
Samantala, maraming mga residente at turistang naninirahan sa Oakwood
ay inilikas ng mga rebelde. Ang ilan sa kanila ay mga opisyal ng
embahada ng Australia. Ilan sa kanila ay namataan ng mga mamamahayag
sa ibaba na nakasilip sa bintana ng gusali.
Kinalaunan, pinahintulutan sila ng mga rebelde na makalabas ng
gusali. Pero tanghali na nang mangyari ito.
Karamihan sa mga banyaga ay bakasyunista. Hinakot silang lahat
ng pangasiwaan ng Oakwood at dinala sa isang hotel sa Roxas Boulevard.
Batay sa mga panayam, wala silang takot. Sa katunayan, sinabi nilang
mababait at magagalang ang mga rebelde.
Habang pinapakawalan ang mga nakatira sa hotel, nakakwentuhan ng
The CORRESPONDENTS ang isa sa mga rebelde.
Ayon kay "Joel" (di-tunay na pangalan), nagmula siya
sa Cotabato at walong taon nang miembro ng SWAG. Sa loob ng panahong
iyon, palaging sa kabundukan ng Mindanao ang destino ni Joel.
Hindi siya nagsisisi na lumahok sa rebelyon, anang kawal. Aniya,
marami sa mga kasamahan niya ang nasayang ang buhay nang hindi man
lang napapansin ng pamahalaan. Higit na mabuti ito, aniya, dahil
kahit papaano, mapapansin sila ng kinauukulan.
Kabuwanan ng misis niya ngayon pero nagpasya si "Rene"
na maging bahagi ng rebelyon. Tulad ni Joel, inirereklamo ni Rene
ang naantalang sweldo nila mula sa Maynila. Anang kawal, walang
pakialam ang pamahalan sa mga tulad nilang sumasabak sa labanan.
Ang mga reklamo nina Joel at Rene ay karaniwan umanong hinaing
ng mga sumasabak o nasa "frontline" ng gera. Ito ang malimit
ireklamo ng mga yunit ng Special Forces na unang isinasabak sa digmaan.
Taktika at depensa
Unang isinahimpapawid ng The CORRESPONDENTS ang istorya
ng mga sundalo sa frontline noong Hulyo 2001.
Ayon sa nakapanayam na mga kawal, mahirap ang buhay sa frontline
dahil tiyak ang kamatayan pero walang kaseguruhan ang pagdating
ng sweldo at benepisyo.
Isa sa mga nakapanayam na opisyal ay si Capt. Nick Faeldon ng Marines.
Isa rin siya sa mga opisyal na nakita ng The CORRESPONDENTS
sa Ayala Center noong Linggo kasama ng mga rebelde.
Aniya, walang nagbago kahit naisiwalat ang buhay nila sa kagubatan.
Tanong niya, kung walang pera ang gobyerno, bakit pineperahan pa
ang mga sundalo?
Dakong tanghali ng Linggo, namudmod ng polyeto ang mga rebelde.
Nakasaad dito ang "National Recovery Program" ni Sen.
Gregorio Honasan, dating koronel sa Hukbong Katihan at namuno sa
mga pag-aaklas laban sa pangasiwaang Aquino.
Pinagbintangan ni Kalihim Jose Lina ng Interyor si Honasan bilang
utak ng tangkang kudeta. Mayroong basehan si Lina dahil ginamit
ni Honasan noong dekada '80 ang Scout Rangers at Marines laban kay
Gng. Aquino.
Ngunit itinanggi ng mga sundalong rebelde noong Linggo na kaalyado
nila si Honasan. Anila, kampanya laban sa katiwalian at pamumulitika
ang ipinaglalaban nila.
Dakong 2 p.m., nagbigay ng taning ang Pangulong Arroyo. Aniya,
kapag hindi sumuko ang mga sundalo pagsapit ng 5 p.m., gagamitan
sila ng pwersa ng mga tropa ng pamahalaan.
Lumantad si Lt. Senior Grade Antonio Trillanes IV ng PN upang ibasura
ang taning ni Arroyo. Anang kawal, hindi sila makikipagnegosasyon
sa pamahalaan.
Bandang hapon, dumating ang mga opisyal ng militar at mga nagtapos
sa Philippine Military Academy upang makipag-usap sa pangkat ni
Trillanes. Naka-damit sibilyan sila at kanilang kinukumbisi na sumuko
ang mga kasapi ng Magdalo.
Mayroong mga magulang din ng mga sundalo na naroon upang umapela
sa kanilang mga anak. Tumanggi silang magbigay ng pahayag sa harap
ng camera ngunit bakas sa mga mukha nila ang naaramdaman.
Ilang oras bago sumapit ang pagtatapos ng taning, bumagsak ang
malakas na ulan.
Pagsapit ng 5 p.m., nagpasya ang Pangulo na palawigin ang taning
hanggang 7 p.m. Ngunit pagdating ng takdang oras, inihayag ng Pangulo
na "palalawigin niya ang taning hanggang sumuko ang mga rebelde."
Bandang 10 p.m., muling sumahimpapawid sa telebisyon ang Pangulo
upang ihayag na tapos na ang krisis ng rebelyon.
|