| Sa akdang aklat
ni dating heneral Manuel Mariano, isinalaysay niya ang istorya kung
papaano nahuli ang isang kapitan sa militar na nagbenta ng 400,000
bala sa labas ng hanay ng militar.
Ayon kay Mariano, dating hepe ng Logistics Command ng Sandatahang
Lakas (AFP), ginawa ito ng naturang opisyal mula mismo sa loob ng
Kampo Aguinaldo, ang punong himpilan ng AFP.
Itinago ni Mariano ang tiwaling opisyal sa pangalang "Captain
T," batay sa itinakbo ng salaysay ng kanyang The Power
of Reform: The Story of the AFP Logistics Command.
Huli na nang madiskubre ang ilegal na gawain ng opisyal at hindi
batid kung saan napunta ang mga bala. Nahaharap ngayon sa court
martial ang naturang opisyal.
Sinabi ni Mariano na hindi maitatanggi ang mga pangyayari tulad
nito.
Ngunit aniya, hindi rin malinaw kung hanggang saan sa hanay ng
militar umiiral ang katiwalian.
Aminado rin si Lt. Gen. Rodolfo Garcia, vice chief of staff ng
AFP, sa mga ulat tulad nito. Aniya, maaaring mayroong nagbebenta
ng ma bala. Ngunit itinanggi niyang napupunta ang mga ito sa mga
rebelde.
Anang heneral, naniniwala siyang napapasakamay ng sibilyan ang
mga bala. Posibleng ang mga sibilyan na ito ang nagbebenta sa mga
rebelde.
Hindi bultuhan o maramihan ang bentahan ng bala sa AFP, ani Garcia.
Hindi ito malawakan, aniya, di tulad ng ibinunyag ni Lt. Senior
Grade Antonio Trillanes IV, tagapagsalita ng grupong Magdalo.
Pero ang mga sinabi ni Garcia ay pinasubalian ng totoong nangyayari.
Totoo naman
Batid ng karamihan na matagal nang may sistemang ganito sa militar.
Sa katunayan, napupunta sa mga rebeldeng Bagong Hukbong Bayan at
Moro Islamic Liberation Front ang mga kagamitan na ito.
Ito ang inamin ng mga impormante ng The CORRESPONDENTS
mula sa hanay ng NPA at MILF.
Tumanggi silang humarap sa kamera dahil ayaw nilang mabulilyaso
ang mga operasyon nila. Ngunit hitik sa detalye ang ibinunyag ng
mga impormante.
Ayon sa NPA, mayroong panahon na kung tawagin nila ay "peak
season" sa bentahan ng armas at bala. Ito ay tuwing panahon
ng halalan at kudeta.
Kapag malakas ang bentahan, ang ripleng M-16A1 ay mabibili ng P35,000
samantalang P25,000 kapag wala sa panahon.
Samantala ang ripleng CAR-15 o "Baby Armalite" ay P50,000
kapag peak season at P35,000 kapag off-peak.
Mahal ang presyo ng ripleng may grenade launcher (M-203). Umaabot
ito sa P65,000 kapag panahon at P50,000 sa ordinaryong araw.
Gayundin ang granadang 49mm ay nabibili ng P1,000 bawat isa kapag
peak season at P500 kapag hindi panahon.
Nilinaw ng NPA na hindi malimit ang pagkakaroon ng malakas na bentahan
ng armas. Ayon sa impormante, lubhang mahal para sa kanila ang bumili
ng baril mula sa militar.
Siyamnapung porsyento ng mga baril ng NPA ay nasasamsam mula sa
militar, anang impormante. Bahagi rin nito ay inaangkat nila mula
sa ibayong dagat.
Sampung porsyento lang ang binibili o hingi nila mula sa mga sundalo,
ayon sa impormante.
Isa sa bawat sampu
Sa bawat 10 ng mga rebelde, siyam dito ay nasamsam mula sa militar,
isa lang dito ang binili.
Higit na malakas ang bentahan ng bala dahil madali itong maubos.
Inihayag ng impormante na higit sa 50% imbak na bala ng NPA ay
binili mula sa militar o iba pang nagbebenta nito.
Anang impormante, kahon-kahon o bultuhan kung bumili sila ng bala.
May mga pagkakataon na nabibili ito sa provincial level, regional
level o kung minsan, mismong sa Kampo Aguinaldo o Kampo Crame na
sila dumidiretso.
Kapag off peak season, P3 lang kada isa ang presyo ng bala ng M-16.
Kapag peak season, P50 ang bawat isa nito. Ngunit ang tunay na halaga
nito ay P14 bawat isa.
Higit na nakakamura ang NPA kapag sa militar sila bumibili ng bala,
anila.
Samantala, maingat ang AFP na maghayag tungkol sa bagay na ito.
Ani Rommel Banlaoi, dating tagapangulo ng bidding and awards committee
ng Kagawaran ng Tanggulang Bansa, pawang mga sabi-sabi lang ang
naririnig sa ngayon.
Dapat na matukoy ang mga tao na nagbebenta ng baril at armas ng
militar, dapat may ebidensya, aniya.
Para kay Garcia, ang bala ng mga kalaban ay maaaring magmula sa
dalawang panig.
Aniya, maaaring may nakukuha ang mga rebelde sa pagsalakay nila
sa mga kampo ng militar at pulisya. Pangalawa, posibleng umaangkat
ang mga rebelde ng armas at bala mula sa ibang bansa.
Ngunit kung iisipin, mahinang paliwanag ang sinabi ni Garcia dahil
sa isang engkwentro halimbawa, mabilis maubos ang bala.
Sa teorya, ang M-16 ay nakakaubos ng 700 bala sa isang minuto kapag
nasa "automatic mode."
Ang isang clip o magazine na naglalaman ng 30 bala, ubos kaagad
wala pang 10 segundo.
Pangalawa, bihira ang mga salakay ng rebelde sa mga kampo.
Maaaring may mga patay na sundalong nakunan ng bala ngunit kung
susumahin, kulang pa rin ang mga ito para idagdag sa imbak ng mga
rebelde.
Saan napunta ang karamihan?
Ayon sa patakaran ng militar, ang basic combat load ng sundalo pagdating
sa bala ay 320 lang.
Noong kainitan ng opensibang militar sa Camp Abubakar ng MILF sa
Mindanao, napaulat na nanganganib ang tropa ng pamahalaan dahil
malapit na umano silang maubusan ng bala.
Kinailangan pang magpadala ng karagdagang bala mula sa Maynila.
Samantalang ang MILF, tuloy ang pakikipaglaban.
Pahayag ng impormante mula MILF, noong mabahaginan ng karagdagang
mga bala ang militar, nabigyan din sila.
Pero taliwas sa pinalalabas ng grupo ni Trillanes, hindi na bago
ang problemang ito ng AFP.
Tatlong dekada na ang gera laban sa mga rebeldeng Moro at NPA.
Dumaan na ito sa limang pangulo ng bansa.
Sa bawat pangasiwaan, walang nagtaka kung bakit hindi nauubos ang
mga bala ng kalaban.
Saan nga ba nanggagaling ang mga bala ng kalaban?
Totoo bang pinupulot lang ito sa digmaan o mayroong gumagawa ng
kwarta sa pamamagitan ng dugo ng mga kasamahan niya?
|