| Ulat ni
Jade Lopez
Kung karamihan sa mga Pilipino, tuwing tag-ulan lang binabaha,
30 porsyento ng mga mamamayan, halos buong taon nakalubog ang mga
binti sa tubig. Ito ang mga lugar na kung hindi unti-unting lumulubog,
ay nakababad ang lupa dahil sa baha.
Umaambon nang dalawin ng The CORRESPONDENTS ang bakuran
ng Artex sa Barangay Panghulo sa Malabon noong Hulyo.
Papalabas ng Pilipinas ang isang bagyo at papahupa na ang baha
sa maraming lugar sa bayan. Ngunit sa Artex, dating pabrika ng tela,
baha pa rin.
Dito, baligtad ang panahon para sa higit 100 pamilyang naninirahan
sa bakuran dahil tag-ulan o tag-init, sa loob ng 10 buwan sa isang
taon, nakalubog sila sa tubig-baha.
Ang paligid...
Sa paligid ng bakuran, lumiliit lang ang tubig kapag tag-init.
Walang silbi ang traysikel o pedicab sa Artex. Dito, bangka lang
ang mahalaga. Dapat din, maparaan ang mga tao.
Dinalaw ng The CORRESPONDENTS ang pamilya ni Digna Rallustin,
isang guro, na 30 taon nang naninirahan sa Artex. Kwento ng mga
residente, kung kwento ng baha ang pakay ng The CORRESPONDENTS,
si Gng. Rallustin ang dapat sadyain.
Tulad ng ibang bahay sa Artex, wala nang silbi ang unang palapag
ng bahay ng mga Rallustin. Nakalubog ang pinto nito. Sa halip, ang
nagsisilbing pasukan nila ay ang mga bintana ng bahay.
Wala si Gng. Rallustin nang dumalaw ang The CORRESPONDENTS.
Si Myra, ang panganay niyang anak, ang sumalubong sa grupo. Sa Artex
ipinanganak at nagkaisip si Myra. Dito na rin siya nagkaasawa at
nagkaroon ng anak.
Noong bata pa siya, anang babae, umaabot ng hanggang baywang ang
tubig-baha. Pero noon, aniya, sandali lang tumitigil ang tubig-baha
kumpara ngayon na buwan ang bibilangin.
Ipinakita ni Marivic, nakababatang kapatid ni Myra, ang isang larawan
ng bahay nila noong hindi pa malubha ang sitwasyon. Dati, nagagamit
nila ang bintana bilang durungawan. Ngayon, ang bintana nila ang
nagsisilbing pasukan at labasan.
Noong maliit pa ang tubig-baha, nagagawa itong bombahin palabas
ng bahay. Pero ngayon, imposible na ang ganito. Mayroong bombang
de-motor ang pamilya Rallustin ngunit sa katagalan ng panahon, nasira
na ito.
Pag-uwi ni Gng. Rallustin, lulan siya ng bangka kasama ang esposong
si Dionisio.
Kwento ng ginang, nagsimulang lumubha ang baha nong 1989 nang tambakan
ang mga palaisdaan upang gawing subdibisyon. Bunga nito, biglang
pumasok ang tubig sa Panghulo. Malaki ang baha at walang nakapaghanda.
...ay lubog sa baha
Sa kabila ng bahay ng mga Rallustin, natagpuan ng <i>The CORRESPONDENTS</i>
ang pamilya ni Loida Lumagas.
Nagtatrabaho si Gng. Lumagas sa pabrika noong buhay pa ito. Matapos
magsara ng pabrika, umikot ang buhay ng pamilya sa pagtitinda ng
kakanin at pagbabangka.
Sariwa sa alalaala ni Gng. Lumagas ang biglang pagtaas ng tubig.
Aniya, kandong niya ang isang taong gulang na bunso noong mangyari
ito.
Sa kabila ng pangyayari, hindi lumikas ang pamilya.
Nabatid ng The CORRESPONDENTS ang dahilan sa panayam kay
Lando, esposo ni Lumagas. Anang lalaki, hindi sila umalis sa lugar
dahil napakinabangan nila ang pagiging tagagawa niya ng bangka.
Taong 1979 nang mamasukan si G. Lumagas sa Artex. Makalipas ang
limang taon, noong 1984, lumahok siya sa welga matapos ang ilang
buwan na hindi nabayaran ang sweldo nila. Sa gitna ng kaguluhan,
nabaril ang lalaki at muntik nang mamatay.
Hindi welga ang nagpaalis sa mga may-ari ng Artex noong 1989 kundi
tubig-baha. Sa harap nito, nananatili sa bakuran ng pabrika ang
mga manggagawa nito.
Anila, napamahal sa kanila ang lugar na pinagbuhusan ng hirap at
dugo. Pahayag nila, perhuwisyo ang tubig-baha ngunit makakasanayan
din ito.
Sa Artex, bata pa lang, marunong nang gumamit ng bangka dahil lahat
ng transaksyon sa pang-araw-araw nilang buhay ay kailangan ng sasakyang
ito, mula pagbebenta ng bote at diyaryo, hanggang sa pagkain at
almusal.
Mahirap para sa mga residente ang pagkukunan ng malinis na tubig
para sa inumin. Ngunit malawak ang palikuran ng bawat pamilya kung
tutuusin at libre ang isda.
Higit sa lahat, maganda ang samahan ng magkakapitbahay.
Ito ang dahilan kung bakit pinili ng pamilya Rallustin ang Artex
kahit may bahay sila sa Bulacan. Anang pamilya, hindi nila magagawang
iwanan ang Artex.
|