Ulat ni
Ed Lingao
Para sa mga tauhan ng 4th Martine Company, 4th Battalion
ng Philippine Marines sa Sulu, isang karaniwang hapon lang iyon nitong
Agosto.
Karaniwang araw lang na maituturing sa kanila ang paghahabol sa
mga bandidong Abu Sayyaf sa naturang lalawigan.
Anila, dahil sa karaniwan na nga, hindi na nababalita ang ganitong
mga pangyayari sa pahayagan at telebisyon.
Ngunit tulad din ng karaniwan nang pangyayari, sa bawat pitong
bomba ng mortar, isa ang palso, hindi pumuputok.
Ang dahilan nila, dahil sa katandaan o simpleng palpak na pagkakagawa
kaya hindi gumana ang bomba.
Hindi ito ang unang pagkakataon at huling beses na makakatagpo
ng ganitong uri ng bomba sa pronta ng labanan.
Ito ang pinakasimpleng kwento ng karaniwang sundalo ng isang maliit
na yunit ng Marines sa bayan ng Patikul sa kanilang opensiba laban
sa Abu Sayyaf.
Ito ang kwento ng pagsubok at suliranin, mga hinanakit at mga tagumpay.
Masasabing higit na matunog ang mga pangyayari sa Oakwood sa Makati,
ang mga pagdinig sa Kongreso.
Pero sa mga lugar tulad ng Patikul nagmumula ang mga tunay na kwento
na malimit pag-usapan at pagtalunan sa Kongreso at Malacañang.
Nag-aabang na panganib
Hapon na nang bumalik sa kampo ang tropa ng Marines. Nagmula sila
pagpapatrulya sa kabundukan ng Patikul.
Tumagal ng tatlong araw ang 4th Marine Company sa bundok upang
suyurin ang kagubatan para sa Abu Sayyaf.
Basa ng ulan ang tropa at balot na balot ng putik at pawis.
Ang pinaputok na mga mortar ay bilang fire support sa kanilang
mga operasyon.
Bigo man silang makita ang kalaban, batid ng lahat na nasa paligid
lang sila.
Noong isang linggo, nakubkob ng yunit na ito ang isang kampo ng
Abu Sayyaf, apat na kilometro ang layo mula sa highway.
Malaki ang kampo na may 22 log bunker.
Sa bilis ng pagtakas ng mga bandido, naiwan ang mga isinampay na
damit at ang sinaing na nakasalang.
Naiwan din ang sari-saring mga bomba na itinanim ng mga bandido
sa paligid ng kampo.
Ayon sa militar, nadiskubre nilang ang iba sa mga bombang ito,
tulad ng bala ng howitzer na ginawang bitag ng Abu Sayyaf, ay nagmula
sa Sandatahang Lakas.
Higit sa 20 mga bomba ang nakuha ng Marines sa kampong natagpuan
sa Barangay Upper Tanum sa Patikul.
Ayon sa mga opisyal, mayroong mga dayuhang experto sa bomba na
nagturo sa mga bandido kung paano gumagawa ng mga pasabog.
Hinala ng militar, ang mga dayuhang ito ay ipinadala ng Jema'ah
Islamiyah, ang grupo ng mga teroristang nagmula sa Indonesia.
Batay sa ulat intelehensya, ang wika ng mga banyaga ay Bahasa Indonesia,
ang salita ng mga Indones.
Napulot daw ng bandido
Mahusay ang pagkakagawa ng mga bandido sa bitag. Maging
ang trigger mechanism ng mga ito ay yari sa lata at papel na sasabog
kapag natapakan ng sundalo.
Ang mga bomba mismo, yari lang sa selyadong bote ng softdrinks.
Samantala, ang sangkap ng pampasabog ay nagmula sa abono sa lupa.
Ang ipinagtataka ng mga sundalo, papaano nakakuha ang mga bandido
ng 105-millimiter howitzer shell na tanging ang AFP lang ang mayroon.
Unang suspetsa nila, ang bala na ito ay bomba na hindi sumabog.
Maaaring ibinala ito sa kanyon pero hindi pumutok kaya nakuha ng
Abu Sayyaf.
Ngunit nang suriin, napag-alaman na hindi pa ito nagagamit para
sa kanyon.
Hindi na matukoy ng militar kung ano ang yunit na pinagmulan ng
naturang bala dahil burado na ang lot number nito.
Palaisipan para sa militar kung papaano napunta ang bala ng kanyon
sa mga bandido dahil hindi pa ito nagagamit ng mga sundalo.
Hindi man mapatunayan kung paano nakuha ng mga bandido ang kasangkapang
ito, isang bagay ang malinaw: batid nila kung saan ito kukunin at
papaano ito gagamitin.
Madaling araw pa lang, sumama ang The CORRESPONDENTS sa
paglalakad ng mga sundalong armado.
Bahagi ito ng operasyon nila dito sa Patikul.
Anila, ganito talaga ang buhay sa pronta. Matapos man ang operasyon,
maaaring bumalik ang kalaban sa susunod na araw kaya kailangang
magsigurado.
Patungo sa Patikul Hill ang patrulya, sa hilagang bahagi ng bayan.
Sa ibabaw ng Patikul Hill, may isang kampo ng Marines.
Bakante pero may patibong
Kinahapunan, tumakbo ang tropa sa kampo ng 34th Marine Company sa
Barangay Igasan, Patikul.
Binakante ng tropa ang kampo para magtalakad ng tatlong araw sa
bundok.
Ang problema, habang bakante ang kampo, pinasok ito ng kalaban.
Namalagi ang mga sundalo sa kampo. Habang nagluluto ng hapunan
ang isang kawal, nakakita siya ng granada.
Sa ayos ng pagkakabaon nito, maaaring sumabog ang granada kapag
nainitan ng apoy.
Nakuha ang granada. Tulad ng inaasahan nila, nagmula ito sa arsenal
ng AFP.
Ganito rin ang nangyari sa isang kampo ng 9th Battalion. May nagtanim
ng granada sa kusina ng tropa.
Sumabog ito nang uminit kaya nawasak ang kalan ng mga sundalo.
Anim na sundalo ang sugatan.
Positibo ang mga sundalo na nagmula sa arsenal ng AFP ang mga granada.
Ang gamit ng sundalo laban sa bandido, ibinabalik sa kanya.
Bunga ng pagkakatagpo sa mga bomba, sinuyod ng tropa ang buong
kampo para sa nalalabing mga bitag.
Ang pinakamalaking patibong, natagpuan nila sa radio shack na kinlalagyan
ng mga gamit sa komunikasyon.
Matapos ng halos isang oras na trabaho, naalis ng mga experto ang
baterya ng bomba.
Malaki ang mga baterya, isang patunay na malakas ang uri ng bomba
na nakatanim. Ilang sandali pa, nahukay ang bomba.
Yari ito sa isang galon na bote ng tubig at puno ng abono sa lupa.
Makaraang busisiin ang bomba, nakitang may booster charge ito sa
loob. Ang loob ng bomba ay nilagyan ng may kalawang na mga pako.
Ayon sa mga experto, apat na kilong pasabog ang laman ng bomba.
Ang malaking bomba ay dinala sa brigade headquarters para suriin.
Ang mga granada ay mapanganib dahil nagamit na kaya pinasabog na
lang ang mga ito.
Ang mga bomba ay natagpuan sa Barangay Igasan, sa bayan mismo ng
Patikul.
Ang mga bandido na hinahanap sa kabundukan, sila pa ang lalapit
sa kampo ng mga sundalo.
|