Ulat
ni Patrick Paez
HUNGDUAN, Ifugao - Ang totoo, pumunta kami nina
Correspondents Ed Lingao at Abner Mercado sa Ifugao nang walang
malinaw na istorya. Ang alam lang namin, may kwentong mauungkat
kahit saang sulok ng Pilipinas.
Sa pagtatanong sa mga tagarito, nabalitaan namin na mayroon palang
naghuhukay ng sinasabing yaman ni Yamashita sa kabundukan ng Hungduan.
Makasaysayan ang Hungduan dahil dito nagtago si Gen. Tomoyuki Yamashita
bago siya sumuko sa mga Amerikano noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Kaya hindi nakapagtataka na maraming mag-akala na sa mga bundok
nito nakabaon ang tinaguriang "Yamashita treasure."
Ayon sa isang residente na nagpakilala sa pangalang "Patricia,"
limang taong gulang pa lang siya sa pagtatapos ng digmaan nang masaksihan
ang pagsuko ni Yamashita. Wala siyang masyadong matandaan sa pangyayari.
Ngunit, aniya, nang dalawin ng mga sundalong Hapones ang paaralan
na kanyang pinaglilingkuran ilang taon matapos ang gera, inakala
niyang magbibigay ang mga ito ng donasyon. 'Yon pala, ang mga Hapones
na ito ay isang pangkat ng mga naghahanap ng ginto ni Yamashita.
Matagal nang balita ang tungkol sa yaman ni Yamashita. Sabi nga
iba, alamat na lang ito. Pero naalarma ang The CORRESPONDENTS
nang mabatid na mga Amerikano ang naghuhukay ngayon sa Hungduan.
Ayon sa ulat, protektado sila ng mga opisyal na retirado ng Sandatahang
Lakas.
Anang iba pang residente, matatagpuan sa Barangay Maggok ang lugar.
Walang pinipili
Sa totoo lang, wala nang lupa sa Pilipinas na iniiwasan ng mga naghahanap
ng ginto ni Yamashita. Nakarating na sila sa Barangay Boso-Boso
sa Antipolo, Rizal, seminaryo ng Christ the King sa Lungsod Quezon,
ang dating kulungan ng mga Hapones sa Fort Santiago at maging mansyon
ng dating unang ginang Imelda Marcos sa Baguio.
Kung saan napunta ang tropa ni Yamashita, at kahit ang mga lugar
na hindi narating ng mga Hapones, hinuhukay ng mga naghahanap ng
ginto.
Sa panahon ngayon, higit pang mabango sa pang-amoy ng mga naghahanap
ng yaman ni Yamashita ang Hungduan dahil dito umatras ang heneral.
Ang tanong: Dito kaya niya itinago ang nakulimbat na mga yaman?
Matatapos na ang digmaan nang umatras sa Hungduan si Yamashita
upang labanan ang pagbabalik ng mga Amerikano.
Nagmula siya sa rehiyon ng Manchuria sa China, kung saan siya ipinatapon
ng mga opisyal ng imperyong Japan na naiingit sa kanya. Ngunit sa
pag-aaral ng mga dalubhasa, nagdadalawang-isip sila kung totoong
mayroong nakulimbat na mga yaman si Yamashita.
Ayon sa mga kwento, katumbas ng $10 trilyon ang halaga ng mga bara
ng ginto na ninakaw ni Yamashita.
Tanong ng mga kritiko, saan magnanakaw ng ganoong karaming ginto
ang mga Hapones?
Ang reserbang mga ginto ng Pilipinas noong digmaan, naitakbo ni
dating pangulong Manuel Quezon sa ligtas na lugar nang bumagsak
ang depensa sa Corregidor, Bataan.
Marami na sila
Hindi na mabilang ng mga residente ng Maggok ang mga banyaga na
nagtungo rito upang maghukay ng kayamanan.
Anila, ang mga Hapones, Amerikano, at Australyano na nagdaan dito
ay biglang dumating, at madalian ding umalis.
Walang nakakaalam sa mga residente kung mayroong nakuhang mga kayamanan
sa lugar ang mga naghahanap nito, 50 taon matapos ang digmaan.
Pero isang bagay ang malinaw.
Kung may nakuha ang mga naghuhukay, hindi naambunan ang mga residente.
Malinaw din na liblib man ang pook ng Maggok, nakalista ito sa
mapa ng lahat ng naghahanap ng yaman ni Yamashita.
Bakit nga ba?
Bakit kilalang-kilala ang Pilipinas na taguan ng yaman ni Yamashita?
Sa aklat na Gold Warriors ng historyador na si Sterling
Seagrave, ibinunyag ng awtor na tinaguriang "Kin No Yuri,"
o "Operation: Golden Lily" ang sistematikong pagnanakaw
ng imperyong Hapones sa kayamanan ng China, Burma, Singapore, Indochina
at Pilipinas.
Ito ang operasyong pinamunuan ni Prinsipe Chichibu, nakababatang
kapatid ni Emperador Hirohito.
Ayon sa kasaysayan, ang nakalap na kayamanan ay umabot sa 6, 000
toneladang ginto. Ani Seagrave, ang katumbas na halaga nito noong
dekada '40 ay tinatayang $3 bilyon. Sa ngayon, may halaga na itong
$100 bilyon.
Ihahatid dapat ang kayamanan sa bansang Hapon. Pero pagdating ng
1943, hinarangan ng mga barko ng U.S. Navy ang mga karagatan sa
paligid ng Japan.
Napilitan si Chichibu na ipadala ang mga kayamanan sa kanyang punong
himpilan sa Pilipinas.
Katiwala daw si Yamashita
Kung tutuusin, hindi si Yamashita ang naghakot ng kayamanan dahil
1944 dumating ang heneral sa bansa.
Sa pagtataya ni Seagrave, may 172 na lugar kung saan hinihinalang
nakabaon ang kayamanan ni Yamashita sa Pilipinas.
Aniya, 138 sa mga ito ay nakabaon sa kabundukan, at ang 34 ay matatagpuan
sa mga barkong sadyang pinalubog sa ilalim ng dagat.
May dagdag pang impormasyon si Seagrave. Anang awtor, pagkatapos
ng gera sa pagitan ng 1945 at 1948, hinukay ng Office of Strategic
Services (OSS), ang ahensya na kinalaunan ay naging Central Intelligence
Agency (CIA), ang ilan sa mga lugar na hinihianalang pinaglagakan
ng ginto ni Yamashita.
Sakaling nakakuha ng mga ginto ang OSS, ilalaan ito sa mga operasyon
laban sa mga komunista noong Cold War.
Ngunit ani Seagrave, hindi nakuha ang lahat ng kayamanan. Kaya
mahigit 50 taon matapos ang digmaan, tuloy pa rin ang hukayan sa
iba't ibang bahagi ng Pilipinas.
|