Ulat
ni Karen Davila
Sa panahon ngayon, marami sa mga magulang ang nagrereklamo
sa kakulitan ng mga anak nila. Mayroon ding nagsasabi na labis na
matigas ang ulo ng kanilang supling.
Mayroon ding mga magulang na laging ipinapatawag ng titser ng bata
sa eskwelahan dahil magulo ang bata at hindi gumagawa ng takdang
aralin.
May mga kaso din ng mga bata na malimit manakit ng kalaro at iniiwan
ng mga kapitbahay.
Pahayag ng mga experto, hindi dapat mangamba ang mga magulang sa
mga kasong ganito. Anila, dapat imulat ang isipan ng mga magulang
sa Attention Deficit Hyperactivity Disorder (ADHD).
Isa sa pasyenteng mayroong ADHD si Ramon Velasco, 11. Bibo si Velasco.
Bukod dito, alerto rin siya at mabola. Kumbaga, buhay na buhay at
tila walang pagod. Walang hinto ang bata sa paggalaw. Palagi siyang
gumagalaw at parang kiti-kiti na halos hindi mapirmi sa isang lugar.
Noon, inakala ni Alice Velasco, ina ng bata, na likas na magulo
at makulit ang anak. Anang ginang, labis ang kakulitan at kaguluhan
ng anak niya na takbo nang takbo at makalat sa mga gamit.
Dagdag niya, hindi madaling pagsabihan ang anak dahil mistulang
munti itong bata na paulit-ulit na pinangangaralan.
Patunay dito ang panayam ng The CORRESPONDENTS sa mag-ina.
Natigil nang ilang beses ang panayam dahil sa kaguluhan ng bata.
Sinabi rin ng ina na kung gaano masayahin ang bata, ganoon din
ito kalubha kapag nagagalit. Isang halimbawa nito nang pigilan ni
Gng. Velasco ang anak na maglaro ng computer. Sa pagkakataong ganito,
aawayin siya ng anak at dadabugan, pahayag ng ginang.
Paiba-iba ang ugali ni Velasco. Mayroong pagkakataon na masaya
siya ngunit sa isang iglap, magagalit at maiinip. Kadalasan, si
Gng. Velasco ang sumusuko kapag nagagalit ang anak.
Napansin ng The CORRESPONDENTS na hindi mapirmi sa isang
lugar si Velasco habang kinakapanayam siya.
Tinanong siya ng The CORRESPONDENTS kung batid niyang
mayroon siyang ADHD. Sagot ng bata, alam niya kung ano ang sakit.
Hinggil sa katangian nito, sinabi ni Velasco na sinabi sa kanya
ng ina na "makulit" siya.
Naisin man ni Velasco na magbago, hindi ito ganoon kadali dahil
sa pagkakaroon niya ng ADHD.
Tila ipo-ipo
Ang ADHD ay isang kondisyon na nakakaapekto sa ugali ng isang bata.
Ang bata na may ADHD ay kadalasang: 1. nahihirapang makinig sa magulang
o guro; 2.pabigla-bigla ang kilos; at 3. lubhang aktibo at walang
hinto sa paggalaw at pagtakbo.
Ayon kay Dr. Maria Teresa Aranza-Lim, isang pediatrician, ito ang
karaniwang mga katangian ng bata na may ADHD: hindi sila napapagod,
may problema sa pagkontrol ng boses, sigaw nang sigaw, lakad nang
lakad, takbo nang takbo at lahat gustong puntahan.
Ang lahat ng magustuhan ng bata na may ADHD, hinahawakan niya nang
sabay-sabay. Ang problema dito, ani Lim, nawawalan ng kontrol ang
bata sa nais niyang gawin.
Matagal nang karamdaman ang ADHD pero ngayon lang ito nabibigyan
ng pansin. Nilinaw din ni Dr. Francis Dimalanta na ang ADHD ay isang
kondisyon at hindi sakit na nakahahawa.
Ani Dimalanta, ang ADHD ay dulot ng kakulangan sa utak. Maaari
rin na namamana o hereditary ito bagama't hindi pa klaro ang tungkol
sa katangiang ito ng ADHD sa ngayon.
Batay sa mga pag-aaral, lumilitaw na hidni balanse ang timpla ng
mga neurotransmitter sa utak ng bata na may ADHD. Ito ay ang mga
kemikal tulad ng dopamine, serotamin at norephinephrine -- mga sangkap
upang maging alisto ang bata sa pag-iisip nang matino.
May mga kaso, sabi ni Lim, na ang mga sangkap na ito ay hindi pantay
ang timpla. Kapag tumaas o bumaba ang timpla, hindi na madali para
sa pasyente ang umintindi kahit ng simpleng utos.
Napagod maging ang camera
Sa kaso ni Velasco, napagod ang camera ng The CORRESPONDENTS
na sundan siya kahit sa loob ng bahay nila. Wala siyang hinto sa
pagikot sa bahay nila.
Una siyang nagpunta sa bodega ng bahay na tila may hinahanap. Kasunod
nito, dumiretso siya sa kusina at nagbukas ng mga lalagyan ng kasangkapan
kahit wala siyang kailangan doon.
Hindi rin siya naglalakad sa loob ng bahay. Sa halip, patalon-talon
ang bata. Malikot ang mga kamay ni Velasco at palaging nagkakalat
ng mga gamit.
Sa isang pagkakataon, nakunan siya ng camera na nagbabasa. Makalipas
ang ilang sandali, nainip na ang bata. Nagulat ang lahat nang kunin
ni Velasco ang blowdryer sa buhok ng ina at patuyuin ang isang tuwalya
na hindi naman basa sa loob ng 20 minuto. Dahilan ni Velasco, gusto
lang niyang gawin ito.
Sa pag-oobserba ng The CORRESPONDENTS kay Velasco, naisip
ng grupo na tila galit sa mundo ang bata.
Ayon kay Dimalanta, ang pagkagalit ni Velasco ay bahagi ng pagkakaroon
ng ADHD. Bilang doktor dati ng bata, napatunayan niyang mayroong
"oppositional defiance" ang pasyente, isang kumplikasyon
ng ADHD.
May katangian ang oppositional defiance na hindi sumusunod sa magulang,
walang kinatatakutan at nagmumura kapag hindi nakukuha ang nais.
Bunga nito, lungkot na lungkot si Gng. Velasco.
Aniya, matalino ang anak ngunit ano ang kinabukasan nito kung hindi
maagapan ang kondisyon?
Lahat ay biktima
Walang pinipili ang ADHD na tamaan nito. Maging mayaman o mahirap,
walang ligtas sa kondisyong ito.
Ngunit sa kabila nito, mayroon pa ring bentahe ang may pera dahil
magagawa nilang magpaexamen sa doktor.
Sa Barangay VI sa Malate, Maynila, walang kamuwang-muwang ang mga
residente kung ano ang ADHD.
Sampung taong gulang si Macmac Apostol, isang bata na may ADHD.
Noong abutan siya ng The CORRESPONDENTS, sigaw nang sigaw
ang bata at kasabay ng pagmumura. Ganito siya sa kanilang bahay
araw-araw.
Kumpara kay Velasco, mahiyain si Apostol.
Nahihirapan ang ina niyang si Priscilla Apostol na kausapin ang
bata. Hindi siya sinasagot ng anak, anang ginang. Hindi rin siya
nito sinusunod sa mga utos.
Mahirap ang buhay para kay Gng. Apostol. Hindi malaki ang sweldo
ng asawa niya bilang technician. Samantala, ibunuhos na niya ang
lahat ng oras sa pag-aalaga sa anak.
Sa kasalukuyan, nahihirapan na ang ginang na punan ang pangangailangan
sa gamot ng anak sa araw-araw. Nagkakahalaga ito ng P150 bawat tableta.
Inakala noon ng ginang na mahina ang ulo ng anak. Hanggang sa kasalukuyan,
hindi pa rin ito marunong magbasa.
Sa panig ng komedyanteng si George Javier, aminadong may ADHD,
suporta at pang-unawa ng pamilya ang pinakamahalaga para mapabuti
ang kondisyon ng bata na may ADHD.
Maraming mga henyo at tanyag na personalidad na sumikat sa kabila
ng pagkakaroon ng ADHD. Ilan sa kanila ang henyong si Albert Einstein,
kompositor na si Wolfgang Amadeus Mozart, dating pangulo ng Amerika
na si Abraham Lincoln, ang henyong direktor na si Steven Spielberg
at komedyanteng si Bill Cosby.
Mayroon ding ADHD noong mga bata pa sila ang mga aktor na sina
Will Smith at Tom Cruise at mga basketbolistang sina Earvin "Magic"Johnson
at Michael Jordan.
ADHD: Kulang sa atensyon
Kung may ADHD si Javier, aminado siyang may ADD o "Attention
Deficit Disorder" ang anak niyang si Niccolo. Ang pagkakaiba
lang nila, anang komedyante, ay hindi magaslaw ang kilos o hyper
ang anak niya.
Maraming mga katangiang positibo ang mga bata na may ADHD. Ngunit
marami rin ang napapariwara kapag hindi ito naagapan. Sa Amerika,
napatunayan ng mga dalubhasa na 50 porsyento ng nakapiit na mga
juvenile delinquent ay may ADHD.
Pahayag ni Lim, likas na matatapang sa pagsubok o thrill-seeker
ang mgay pasyenteng may ADHD. Sila rin ang higit na naeengganyo
sa paggamit ng bawal na gamot. Paliwanag ni Lim, ito ay dahil ang
limitasyon o pangamba ng mga pasyenteng may ADHD ay higit na mababa
kaysa taong normal.
Ayon kay Dimalanta, kapag hindi naagapan ay lumulubha ang komplikasyong
sikolohikal ng pasyenteng may ADHD.
Kadalasan, negatibong pakiramdam ang dumarating sa pasyente at
mababa tang tingin niya sa sarili. Ang tingin niya sa sarili, hindi
naiintindihan, hindi nauunawaan ng kapwa, iresponsable at palaging
sinisisi.
Bunga ng kahirapan na makibagay sa kapwa, ang tingin niya sa sarili
ay bigo sa lahat ng bagay.
Mabigat ang pagsubok sa mga pasyenteng may ADHD. Dalawang daan
ang maaari nilang tahakin: daan sa pagkabigo o daan sa tagumpay.
Naniniwala si Dimalanta at ang kasamahan niyang mga doktor na mayroon
pang pag-asa ang mga pasyente ng ADHD. Maaari ring magtagumpay ang
mga bata na mayroong kondisyong ganito sa kanilang pagtanda.
|