|
Ulat ni Jim Libiran
Isang kabalintunaan ang umiiral sa isla ng Masbate, partikular
sa bayan ng Aroroy. Para sa isang bayan na sagana sa mina ng ginto,
naghihirap ang mga tao dito.
Ito ang bayan ng Aroroy sa Masbate. Hinango ang pangalan ng bayan
mula sa taguri sa pangunahin nilang produkto, "el oro"
o ang ginto.
Mahigit nang limang dekada ang industriya ng pagmimina sa Aroroy
ngunit sa kabila nito, laganap pa rin ang kahirapan.
Tatlo ang pangunahing pinagmumulan ng kabuhayan ng mga mamamayan,
ang pangingisda, pagsasaka at pagmimina ng ginto.
Noong dekada 80, ang bayan ng Aroroy ang ikalawa sa pinakamalaking
pinagkukunan ng ginto sa buong bansa. Dito namalagi at nanagana
ang pinakamalalaking kompanya ng minahan.
Ngunit nang datnan ito ng The CORRESPONDENTS noong huling
linggo ng Oktubre, mistulang pagbabalik sa unang panahon ang bumulaga
sa grupo dahil kakaunti o halos walang ipinagbago ang takbo ng buhay
dito. Nagdarahop ang mga tao kaya lahat ay kailangang gumawa ng
mabibigat ng trabaho.
Karamihan ng nagmimina dito ay mga anak din ng naunang mga minero.
Kahirapan at mabigat na trabaho na ipinasa ng mga nauna sa susunod
na henerasyon.
Dalawampung piso ang bayad ng mga kompanya sa isang sako ng bato
na maghapong tinitibag. Ibabawas pa dito ang pagkain at iba pang
gastos ng kapitalista.
<b>Kama ng ginto</b>
Totoong nakahiga sa ginto ang bayan ng Aroroy pero ang mga mamamayan
ay hindi pa rin umaalis sa banig ng kahirapan.
Magandang kwento ang ginto at mga minahan ng Aroroy pero pasakalye
lang ito sa isa pang nakalulungkot na pangyayari sa bayang ito.
Ang kahirapan na nararanasan sa minahan sa kabundukan, umaabot
din hanggang sa dalampasigan.
Bukod sa ginto, mayaman din ang karagatan sa paligid ng Masbate.
Dito humahango ng isda na unti-unting naubos. Napilitan nang gumamit
ng pamamaraang ilegal ang maliliit na mangingisda.
Nasaksihan ng <i>The CORRESPONDENTS</i> ang katotohanan
ng larawan ng kahirapang ito sa Aroroy. Higit na namalagi ang grupo
sa dalampasigan.
Ang tahimik na dalampasigan at mga hampas ng alon sa buong maghapon
ay manaka-nakang binabasag ng mga pagsabog sa di-kalayuan.
May gera sa Aroroy pero walang sundalo. Ang lahat ay biktima dahil
maituturing ang Aroroy na sentro kung paggamit ng dinamita sa pangingisda
ang pag-uusapan.
Ito ang kwento kung paanong ang maralitang mangingisda ay nakikipagsabong
sa kalikasan at kapalaran.
Dumating ang <i>The CORRESPONDENTS</i> sa Barangay
Bagauma sa Aroroy habang nasa gitna ito ng isang labanan. Hindi
aakalaing naglilibang lang sila dahil kumbaga sa sabong, totoong
tari ang nakakabit sa manok.
<b>Kapit sa patalim</b>
Naniniwala ang isang mangingisda na nakausap ng <i>The CORRESPONDENTS</i>
na hindi siya gumagawa ng anumang ilegal sa pangingisda gamit ang
dinamita. Idinahilan niya ang kahirapan kaya ginagawa ito.
Maliit ang kita sa karaniwang paraan ng pangingisda kumpara sa
tiyak na P500 kapag gumagamit nito.
Nilibot ng <i>The CORRESPONDENTS</i> ang Bagauma at
nakihalubilo sa mga tao, nakipaghuntahan at nagtanong-tanong. Batid
nila na maraming gumagamit ng dinamita dito ngunit hindi nila alam
kung sino.
Ilang sandali pa, isang lalaki ang lumapit sa <i>The CORRESPONDENTS</i>.
Anang lalaki na tumangging magpakilala, kung nais ng grupo na malaman
kung papaano mangisda ang mga mamamayan ng Aroroy, ipakikita niya
sa grupo.
Sinabi ng lalaki na kadalasan ay inaabot sila ng ilang oras sa
laot para mag-abang ng mga pangkat ng isda. Hindi biro ang ganitong
trabaho, aniya, dahil nakabilad sila sa matinding init ng araw at
hindi pa tiyak sa mangyayari.
Isa sa mga mangingisda ang mag-aabang ng pinupuntiryang kawan ng
isda. Tatayo siya at sesenyas sa iba pang bangka na nakaabang kapag
malapit na sila sa mga isda bago ihagis ang dinamita.
Matapos ang pagsabog, aabangan nila ang paglutang ng mga isdang
patay. Iyon nga lang, sabog ang putik, bato at korales sa ilalim
ng dagat at bibilang ng taon bago tuluyang maghilom ang dagat na
sugatan.
Kahirapan ang dahilan ng mga mangingisda ng Aroroy sa ilegal nilang
pamamaraan sa pangingisda. Umaasa sila na sa paggamit ng dinamita,
makakaipon sila nang sapat upang maging legal ang hanapbuhay nila.
Kawalan ng pag-asa ang katuwiran ng mga mangingisda sa paggamit
ng dinamita, isang nakakatakot na sugal ng buhay.
Sa bawat pagsabog ng liwanag ng umaga sa Aroroy, sumasalubong ang
pagsabog ng dinamita.
Kung ano ang biyaya na maaaring paghatian, sinasalok na lang o
pinupulot sa dalampasigan.
Kagipitan ang nagtutulak sa kanila para magdinamita sa dagat. Kailangang
mabuhay ang mag-anak. Unti-unti nang nilalamon ng dagat ang kanilang
bahay at may mga araw na hirap silang maghanap ng makakain.
Napakadaling kunin ang mga sangkap sa dinamita. Sa pamamagitan
lang ng abono sa tanim na nabibili sa tindahan, gaas at iba pang
sangkap, mayroon nang dinamita. Isinasangag ang mga sangkap na ito
at ilalagay sa isang bote.
Ngunit ang hindi pa rin maunawaan ng mga mamamayan ng Aroroy, sa
isang di-sinasadyang pangyayari, isang insidente ng pagbibiro ng
lasing o isang aksidente, maaaring maging mitsa ng buhay nila ang
dinamita.
Ganoon kanipis ang hibla sa pagitan ng paghanap ng ikabubuhay at
pagsapit ng kamatayan sa pamamagitan ng dinamita sa Aroroy.
Marami nang nangarap sa kanila na makaahon sa balon ng kahirapan
sa pamamagitan ng dinamita ngunit kapantay din nito ang bilang ng
mga buhay na kinitil ng inaasahan nilang sagot sa kahirapan.
|