HOUSTON,
Texas - Istoryang luma na ang mga Pilipino na nangingibang-bansa
para maghanap ng trabaho. Kadalasan, nakakakita sila ng hanapbuhay
bilang nurse o domestic helper.
Pero
ngayon, isang grupo ng mga Pilipino ang nagpupunta sa Estados
Unidos upang maging guro.
Siya
si Leticia Quinto, isa sa libo-libong guro sa pampublikong paaralan
na lumisan ng Pilipinas para magturo sa Amerika.
Tulad
ng mga nauna sa kanya, nakipagsapalaran si Quinto sa pag-asang
sa Amerika niya makakamit ang suwerte sa buhay.
Beterana
na si Quinto sa larangan ng edukasyon sa kanyang 25 taon sa pagtuturo
sa Pilipinas. Ngunit ngayon, nagsisimula muli siya sa nakagisnang
gawain.
Sa
Pilipinas, grade school ang tinuruan ni Quinto pero pagsubok sa
kanya ngayon ang makapagturo ng mga estudyante sa pre-school.
Ito
ay dahil kinilala ng mga Amerikano ang 25 taon niyang karanasan
sa pagtuturo sa Pilipinas.
Sa
trabaho niyang ito, sumusuweldo si Quinto ng $5,000 o halos P30,000
kada buwan. Hindi pa kasama sa halagang ito ang over time.
Kaya
naman, nabibilang siya sa pinakamataas na salary bracket sa mga
guro sa Texas.
Aniya,
"Masaya naman ako dahil sa loob ng isang taon, nagkaroon
ako ng bahay, sasakyan, narito na ang pamilya ko at mayroon akong
magandang hanapbuhay."
Lahat
ng ito, nakamit ni Quinto sa loob ng isang taon niyang pagturuo.
Ito
ang katotohanan dahil sa tagal ng pagtuturo niya sa Pilipinas,
hindi naranasan ni Quinto ang magkaroon ng sariling bahay. Ngunit
ngayon, mayroon na siyang bahay. Ang maganda dito, aniya, babayaran
ang bahay sa loob ng 30 taon, o $1,000 bawat buwan.
Kung
dati, plastic lang ang kanyang aparador, ngayon, mas malaki pa
ang walk-in closet ng bahay sa dati niyang kwarto sa Pilipinas.
Kamakailan
din, nakabili siya ng kotse, ang kauna-unahang sasakyan sa buhay
ng guro.
Bukod
dito, H-1 ang visa na ibinigay sa kanya ng embahada ng Amerika.
Kaya ang resulta, tangay niya ang pamilya papunta sa Amerika.
Pero
bilang mga dependent, hindi maaaring makapagtrabaho ang asawa
ni Quinto
Bahay at lupa...sa Texas
Sa kabila ng materyal na biyaya, higit na mahalaga para kay Quinto
ang makilala bilang mahusay na guro.
Ito
ang dahilan kung bakit modelo ang pamilya Quinto para sa mga gurong
Pilipino na napadpad sa Texas: mayroong bahay, kotse at higit
sa lahat, buo ang pamilya.
Tulad
ng mga eksena sa Pilipinas, karaniwan ang salo-salo sa bahay ng
mga Quinto. Ang mga putahe ng pagkain, magkahalong Amerikano at
Pilipino.
Ang
mga kumakain, pamilya at kaibigan. Isa na rito si Rommel Romero,
kasamahang guro ni Quinto.
Tulad
sa Pilipinas, nagtutulungan ang mga Pilipino dito.
Kadadating
pa lang ni Romero sa Amerika at tatlo pa lang siya nang makapanayam
ng The CORRESPONDENTS.
Nakikitira
siya sa bahay ni Quinto at nag-aambag ng $3,000 kada buwan para
sa renta.
Edad
26 pa lang si Romero ngunit sinubukan niya at nagtagumpay na makapunta
sa Amerika.
Pero
may ibang guro, dito na nakatagpo ng pag-ibig tulad ni Divina
Browne na nakilala ang asawang si Allan, isa ring guro.
Sa
kanilang kasal, tanging pamilya lang ni Allan ang nakadalo. Lubhang
mahal ang pasahe sa eroplano kaya ipinagpaliban na lang ni Divina
ang pagpapakilala sa mga magulang sa kanyang asawa.
Karaniwan
ang ganitong istorya sa Amerika ngayon: mga paaralang kinukulang
ng guro. Halimbawa nito ang William Burges High School sa El Paso,
Texas.
Pagpasok
ng 2002, kinulang ang paaralang ito ng guro sa Math at Science.
Dito napadpad si Elsa David nito lang Agosto 2002 bilang guro
sa Science.
Bukod
sa husay, mahalaga ang lakas ng loob at tapang upang 'di masindak
ng mga estudyante, ani David. Para sa baguhang tulad niya, katatagan
ng loob ang naging armas ni David sa panibago niyang pakikibaka.
Anang
guro, kaibang-kaiba ang karanasang ito sa pinagmulan niyang paaralan
sa Santa Barbara, Pangasinan. Sa pinagmulan niyang paaralan, si
David ang tinaguriang tagapagsanay ng mga guro sa Science and
Technology sa loob ng 16 na taon.
Masakit
para sa kanya na iwanan ang pamilya pero umaasa siyang pagkatapos
ng ilang buwan, magkakasama sila muli sa Amerika.
Masakit
din para sa paaralang iniwan ni David, ang Daniel Maramba School
sa Sta. Barbara ang mawalan ng isang mahusay na guro.
Ngayon,
mga estudyanteng Amerikano ang makikinabang sa husay ni David
sa Science.
Sana
sa 'Pinas din
Taon-taon, 200,000 guro sa Math, Science at Bilingual Education
ang kinakailangan ng Amerika. Pinakamalaki sa mga lugar na nangangailangan
ang California at Texas.
Kaya
naman, ang mga guro na mayroong sapat na karanasan sa pagtuturo,
masipag, mahusay sa Math, Science at English at malaki ang tiwala
sa sarili ang kanilang kailangan.
Noong
taong 2000, 45,000 guro ang kinailangan ng Texas. Pangunahing
pinagkunan nito ay ang Pilipinas.
Sa
kasalukuyan, tinatayang higit sa 49,000 pang guro ang kailangan
ng estudyanteng Pilipino. Ito ay bukod sa 15,000 guro na nakuha
ng pamahalaan sa taong ito.
Ang
problema, mas malakas ang hatak ng pagtuturo sa Amerika, ayon
sa Alliance of Concerned Teachers.
Sa
Pilipinas, binubura na lang sa listahan ang posisyon ng isang
guro kapag siya ay nagretiro. Sa madaling salita, ito ay ginagawa
dahil sa kakulangan ng pondo sa suweldo, kagamitan at pagsasanay.
Pero
hindi lang suweldo ang kagandahan ng pagtuturo sa Amerika. Hindi
kailangang bawasan ng buwis ang suweldo ng gurong Pilipino dito
sa loob ng dalawang taon.
Benepisyo
ito na napapakinabangan ng mga gurong Pilipino dahil sa Laurel-Langley
Agreement, isang kasunduan sa pagitan ng mga pamahalaang Amerika
at Pilipinas noong dekada '40.
Ayon
kay Flor Tolentino, recruiter ng mga gurong Pilipino, pinakikinabangan
ng mga Pilipino ngayon ang ginawang pakinabang ng mga Amerikano
sa Pilipinas noong mga nakakaraang dekada: ang 'di pagbabayad
ng buwis.
Hindi
na mahihinto ang bugso ng pag-alis ng mga guro sa Pilipinas. Sa
harap ng bantang ito, ikinakampanya naman ng isang guro sa Lungsod
Quezon na huwag nang umalis ang kanyang mga kasamahan.
Siya
si Saul San Juan, mula sa Pag-asa Elementary School at pangulo
ng isang grupo ng mga guro sa lungsod.
Umapela
si San Juan sa mga kapwa niya guro at sinabing 'di na kailangang
mangibang-bayan.
Una,
dahil ipinaglalaban nila ang pagkakaroon ng cost of living allowance
(COLA) at pangalawa, ang P3,000 across-the-board wage increase.
Sa
kabila nito, aminado si San Juan na mahirap pigilan ang mga guro
na nais magkaroon ng masaganang buhay.
Aniya,
nais ng mga umaalis na guro na maibahagi ang kanilang talino sa
mga estudyanteng Pilipino ngunit nariyang ang katotohanan: maliit
ang suweldo sa Pilipinas kaya napipilitan ang mga guro na magtungo
sa ibayong dagat.
'Di
tulad ni Quinto na mayroon nang kotse matapos magturo sa Amerika
ng isang taon, si San Juan ay bisikleta pa rin ang sasakyan. Nakatira
pa rin siya sa lugar ng mga iskwater sa kasalukuyan.
Tangi
niyang hiling, disenteng pabahay para sa mga pampublikong guro.
Sa
ngayon, higit na marami ang benepisyo ng pulis at militar kaysa
guro sa pampublikong paaralan. Katumbas ng suweldo ng Teacher
1 ang Police Officer 1 sa Pambansang Pulisya.
Ang
ikinakasama lang nila ng loob, makailang ulit nang tumaas ang
buwanang suweldo ng pulisya at militar, napako na ang sa mga guro.
Maganda
kung sa maganda ang opurtunidad ang naghihintay para sa mga gurong
Pilipino sa Amerika. Pero dekada na ang lumipas, hindi pa rin
napupunan ng Pilipinas ang sarili nitong pangangailangan sa de-kalidad
na mga guro.
Ang
mga umalis na at paalis pa lang, mahirap nang punan ang kanilang
iniwan.
Pahayag
ni Quinto, tulad ng mga kasamahan niyang gurong Pilipino sa Texas,
mahal nila ang Pilipinas, ito ang mahalaga. Pero dahil sa pangangailangan
sa sapat na pasahod, kinailangan nilang lumisan.
Nakatuturang
isipin na matapos ang mahigit 100 taon mula nang dumating ang
Thomasites, Pilipino ang siyang namamayagpag bilang tagahubog
ng kinabukasan ng Amerika.
Pero
ang katotohanan nito, estudyanteng Pilipino naman ang napagkakaitan
ng tagumpay na ito sa edukasyon.
Ipadala ang inyong opinyon o kuro-kuro sa newsfeedback@abs-cbn.com