|
Ulat ni Jim Libiran
Mayroong ilang linggo nang kumukulo ang isyu sa planong pagpapatalsik
sa pinakamataas na mahistrado ng bansa, si Chief Justice Hilario
Davide Jr. ng Korte Suprema.
Pinasimunuan ng mga kongresista ang hakbang ng pagpapatalsik kay
Davide dahil pinahintulutan umano ng Punong Mahistrado ang maling
paggastos ng Judiciary Development Fund (JDF).
Nagsimula umano ito sa reklamo ng ilang empleado ng hudikatura
tungkol sa kulang na sahod na kanilang tinatanggap. Mula sa reklamo,
nauwi ang kaso sa tinaguriang "krisis" sa Konstitusyon.
Nasangkot dito ang mga isyung legal at moral, pambansa at personal.
Sa katunayan, umabot sa sukdulang personalan ang labanan na nauwi
sa pananampal ng isang huwes sa Maynila sa kanyang empleada.
Sa Branch 49 ng Regional Trial Court ng Maynila nakilala ng The
CORRESPONDENTS si Catherine Loja. Naglilingkod sa naturang sangay
ng korte si Loja bilang court interpreter.
Noong nakaraang Huwebes, Nobyembre 6, bigla siyang hinarap ni Judge
Concepcion Vergara.
"Kasi pagdating niya, may dalawang empleado sa elevator na
nag-uusap tungkol sa mga huwes at 'yung mga sweldo nila," ani
Loja.
"Sabi ng mga empleado, 'ano ba yang mga judge na 'yan? OK
na kasi ang sweldo nila kay hindi na tayo sinusuportahan, e ginamit
naman nila tayo noon," pahayag umano ng mga empleado.
Nagalit si Vergara sa narinig at hinarap si Loja. Si Loja ang pangulo
ng samahan ng mga court interpreter sa Kalakhang Maynila.
"Nagalit siya at sinabi niyang hindi niya ginamit ang mga
empleado ng korte," sabi ni Loja. Ipinagtanggol ni Loja ang
kapwa mga empleado at sinabing mayroong insidente na pinapunta sa
Senado ang mga kawani ng korte upang magreklamo.
Kabilang sina Loja sa nagsagawa ng kilos-protesta sa pag-aakalang
mabibiyayaan sila ng panukala para sa karagdagang sweldo ng mga
kawani ng hudikatura.
Sa gitna ng pagtatalo, sumigaw umano si Vergara. Bunga nito, nagulat
ang kapwa mga empleado ni Loja sa inasal ng huwes.
Matapos sumigaw, tumayo si Vergara at sinabunutan si Loja. Pinitsirahan
din siya ng huwes bago sinampal, dagdag ng kawani. Sa katunayan,
nang makapanayam siya ng The CORRESPONDENTS, ipinakita ni
Loja ang marka na nalikha dahil sa sampal ni Vergara.
Iba ang kwento ni Vergara.
Pinatitigil ni Vergara si Loja, na tinawag niya sa palayaw na "Cathy,"
sa mga paratang nito. Anang huwes, kawalanggalang ang ginawang pagbibintang
ng kawani sa kanya.
Pinabulaanan ni Loja ang pahayag ni Vergara na siya ang nagsimula
ng kaguluhan. Ani Loja: "Ako pa ang nagsimula? Siya nga ang
nagsisigaw noong una."
Depensa ni Vergara, si Loja ang nagpalipat-lipat ng mga opisina
upang ipagkalat ang pananampal dahil ipinagtatanggol ng kawani ang
mga kasamahan niya sa ngalan ng JDF.
Pondo ng empleado
Pero lingid sa kaalaman ng marami at labas sa istorya ng sampalan,
mayroon pang isang anggulo ang kwento ng engkwentro nina Loja at
Vergara.
Tinagurian si Vergara na tagasuporta umano ni Davide, samantalang
si Loja ay lider ng isang pangkat ng mga kawani ng hudikatura na
lumalaban sa Punong Mahistrado.
Sentro ng bangayan sa isyung ito ang JDF.
Ani Loja, nakasaad sa batas na 20 porsyento ng JDF ay dapat na
ibalik sa mga empleado sa pamamagitan ng pagbilis ng bagong mga
kagamitan para sa korte na kanilang pinaglilingkuran.
Sa kabila ng patakaran, hindi magkasundo ang mga kawani at Korte
Suprema kung papaano gagamitin ang naturang pondo.
Ayon sa mga datos, nakakolekta ng P64 milyon ang 56 na mga sangay
ng korte sa Maynila noong isang taon. Halimbawang sabihin na P60
na lang ang nalikom na pondo, sa 20 % probisyon sa mga empleado,
ibig sabihin ay P200, 000 ang ilalaan sa bawat sangay para ipambili
ng kagamitan tulad ng air conditioner.
Para sa mga empleado tulad ni Loja, malaki ang epekto ng P200,
000 sa uri ng serbisyong maipagkakaloob ng korte sa mga mamamayan
dahil kung tutuusin, bagsak ang grado ng mga kagamitan na ginagamit
ng mga kawani ng hudikatura.
Ani Loja, "Hindi ito personal, para sa JDF. Ang isyu dito,
para sa empleado at kung ano ang nararapat na ibigay para naman
gumanda ang kapaligiran sa pagtratraho. Iyon ang aming ipinaglalaban."
Ipinakita ni Loja ang isang halimbawa ng korte na malimit pagdausan
ng pagdinig at ang kalagayan ng empleado na nagtitiis dito.
Apatnapung taon nang stenographer sa Branch 13 si Grant Villaflor.
Sumailalim siya sa ikatlong "heart bypass" kamakailan
at pinagbawal ng doktor sa mabibigat na trabaho. Bunga nito, nangutan
siya upang makabili ng de-kuryenteng makinilya na magagamit sa opisina.
Ani Villaflor, bumili siya ng sariling gamit dahil hindi siya mabigyan
ng korte. Kapag nasisira ang makinilya, siya rin ang gumagastos
sa pagpapakumpuni.
Pinulaan din ni Villaflor ang mga pahayag na bumili ng mga computer
ang Korte upang ipamahagi at magamit ng mga kawani.
"Ipinagmamalaki nila na binigyan nila kami ng computer. 'Eto
ang computer na to, na ibinigay ng Supreme Court, sira na. Meron
ditong isang typewriter at computer pero personal 'yan. Bumili ng
sarili niyang computer [ang empleado] at dinala dito sa opisina,"
dagdag ni Villaflor.
Maghapon na nilibot ng The CORRESPONDENTS ang mga opisina
ng korte sa Maynila. Sa ayos at porma ng mga korte, hindi nakapagtataka
kung bakit mabagal ang paggiling ng hustisya sa bansa.
Paghahanap pa lang ng kailangang mga dokumento, oras na ang bibilangin.
Iyon ay kung hindi pa nakakain ng ipis ang dokumento.
Nasaan ang pondo?
Paulit-ulit ang mga kwentong narinig ng The CORRESPONDENTS.
Halimbawa, ang mga empleado na nag-ambagan upang makabili ng gamit
sa opisina tulad ng lamesa, silya at air con.
Isa na rito ang mga kawani ng Branch 54 na nag-ambagan para sa
kanilang air con. Nag-ambagan ng P140 bawat buwan ang mga empleado
para sa isang air con na binili nila ng hulugan.
Ayon sa abogadang si Aileen Arago, clerk of court ng naturang sangay,
nag-ambag siya ng P280 bawat buwan para sa air con dahil mas mataas
ang pwesto niya sa karaniwang empleado. Maging ang gamit niyang
silya, siya ang nagpundar.
Karamihan sa mga sangay ng RTC ay dekada na ang binilang sa pagkakasadlak
sa ganitong kalagayan. Samakatuwid, hindi pa nakakatapak sa Korte
si Davide, ganito na ang kalagayan ng mga korte. Pero sa kasamaang
palad, kay Davide nakabunton ang mga sisi.
Karamihan sa mga sala ng huwes na nasaksihan ng The CORRESPONDENTS,
maihahalintulad sa isang bodega. Mayroon ding tumutugon sa katangian
ng isang karinderya.
Sa isang sangay naman ng korte, nasaksihan ng The CORRESPONDENTS
ang pagpapakumpuni na iniutos ng huwes dito.
Ngunit ang nakakamangha ay mga empleado at maging ang huwes ng
naturang sangay ang nagtulong-tulong upang mag-ambagan para makabili
ng pintura at mga kahoy na kinailangan sa pagpapakumpuni.
Bukod dito, nakapagtataka rin ang mga pangyayari dahil sa halip
na karpintero, ang court sheriff ng naturang sangay ang siyang nagkukumpuni
at kinalaunan ay nagpinta ng naturang silid ng korte.
Ayon kay Amor Dait, wala silang magagawa at salat sa pondo. Sa
halip na magbayad sila ng karpintero at pintor, sinabi ni Dait na
sila na lang ang gumagawa upang makatipid.
Sa labis na kabulukan ng mga silya at kagamitan, napag-alaman ng
The CORRESPONDENTS na maging ang mga testigo sa kaso ay nalalalaglag
kung minsan sa silyang gapok na.
Sa ganitong araw-araw na mga kondisyon sa pagtatrabaho ng mga kawani
nag-ugat ang pampulitikang unos na sumalanta sa bansa.
Sa pag-iikot sa mga korte sa Maynila at pakikipag-usap sa mga kawani
nito, naisip ng pangkat ng The CORRESPONDENTS ang kalagayan
ng higit pang malilit na mga korte sa liblib na mga bayan sa bansa.
Kung ganito ang kalagayan sa Maynila na siyang kabisera ng bansa,
ano ang kondisyon ng iba pang korte na malayo sa sentro? Anong uri
ng katarungan ang iniluluwal ng ganitong kondisyon sa hukuman?
|