H O S T:

Karen Davila
Karen Davila

'Di lang si Joma ang Pinoy sa Olandia
 

"Refugees"
Itinanghal ng The CORRESPONDENTS, Lunes, 11 p.m.

 

UTRECHT, The Netherlands - Kilala ang pangalang Jose Maria Sison dahil sa pagiging tagapayong pulitikal ng National Democratic Front-Partido Komunista ng Pilipinas. Ang CPP-NDF ang siyang may hawak sa Bagong Hukbong Bayan (NPA) na patuloy sa pakikidigma sa pamahalaan sa nakalipas na 34 na taon.

Ngunit wala sa Pilipinas si Sison kundi narito sa Utrecht, The Netherlands. Dito siya napadpad mula nang pawalan ng pamahalaan noong dekada '80. Detenidong pulitikal si Sison noong rehimeng Marcos ngunit nabigyan ng amnestiya sa pagpasok ng dating pangulong Corazon Aquino.

Kasama niya sa Utrecht si Luis Jalandoni, opisyal din ng NDF, bagamat ganap nang Olandes (Dutch citizen) makaraang manumpa ng katapatan sa bansang ito.

Si Sison, sa kabila ng aplikasyon, ay hindi ginawaran ng pagiging mamamayan ng Olandia kaya hanggang sa ngayon ay nananatiling Pilipino.

Ngunit bukod sa dalawang personalidad na ito, mayroon pang ibang mga Pilipino sa Utrecht na hindi man ganoon kalaki ang pangalan ay kabilang din sa kilusan.

Tumanggi silang humarap sa kamera at makapanayam ng The CORRESPONDENTS>.

Karamihan sa kanila ay nangangamba na makilala dahil sa naranasang pahirap sa kamay ng pamahalaang Pilipino.

Ang iba naman ay mayroong iniiwasan sa Pilipinas at nangangambang magbalik ng bansa.

Isa sa mga ito si "Aldo" (di-tunay na pangalan). Aniya, aplikante siya sa paghingi ng asylum sa Olandia. Ngunit isinunod niyang hindi siya orihinal na miembro ng kilusan sa Pilipinas. Sa Utrecht na lang siya napadpad at doon sumali sa NDF.

Kuwentong kalayaan
Sinabi ni Aldo na naging biktima siya ng panunupil pulitikal ng pamahalaan noong 1986. Bukod dito, naging bilanggong pulitikal din siya at nakaranas ng pagpapahirap sa kamay ng militar.

Nagtatrabaho siya bilang computer programmer sa Pilipinas, ani Aldo. Ngunit sa di-inaasahang pangyayari, inaresto siya noong batas militar, pinagbintangang subersibo, ikinulong at pinahirapan.

Sa pagtatapos ng rehimeng Marcos, nagawang makaalis ni Aldo sa Pilipinas at napunta sa Utrecht.

Pero libo-libong kilometro man ang layo niya sa Pilipinas, napapaigtad pa rin siya tuwing makakarinig ng kaluskos sa gabi, pagtatapat ni Aldo. Ito ang resulta ng matinding pagpapahirap na naranasan niya sa kulungan.

Nilinaw ni Aldo na hindi siya aktibista sa Pilipinas ngunit sa ganitong buhay na napadpad ang kanyang kinabukasan.

Hindi legal ang paninirahan ni Aldo sa The Netherlands kaya pinagbabawalan siyang magtrabaho sa mga tanggapan. Bunga nito, naglilingkod na lang siya bilang boluntaryo sa opisina ng NDF.

Taliwas sa mga usapin ng ideolohiya at usaping pulitikal, napunta ang kuwentuhan ng The CORRESPONDENTS at ni Aldo sa maliliit na bagay na malapit sa puso ng mga Pilipino. Halimbawa na lang ay ang pagkain.

Sa ngayon, kayamanan nang maituturing ni Aldo ang isang bote ng alige ng alimango. Ito ang kanyang pinagkakasya bilang mumunting alaala ng Pilipinas na kanyang iniwan.

Biro pa niya, "kung sasabihin sa Pilipinas na ang mga kinakain ng Pilipino sa Utrecht ay mga karne ng baka, baboy at manok, iyun ang kinakain dahil iyon ang mura dito."

Aniya, "kapag naghanap kami ng gulay tulad ng ampalaya at kangkong, wala." Kung mayroon man, mahal ang mga ganitong bilihin kaya mas pipiliin pa nilang bumili na lang ng karne.

Tulad ni Aldo, ang iba pang kamag-anakan ng mga aplikante sa asylum ay pinipilit na ring masanay sa pamumuhay sa Utrecht.

Isa na rito si "Chico," 31. Matagal nang naninirahan si Chico sa Utrectht. Lumalabas sa usapan na sa Pilipinas siya ipinanganak ngunit dinala dito ng kanyang pamilya dahil sa kasapi ng kilusan ang kanyang mga magulang.

Tanging alaala niya sa Pilipinas ang isang tulay na palagian niyang nakikita noong bata pa at ang kanyang lola.

Pero kumpara kay Aldo, nagtatrabaho bilang basurero si Chico sa Utrecht.

Mayroong 20, 000 Pilipino ang naninirahan sa The Netherlands pero iilan lang ang mga tulad nina Sison at Aldo na naghahangad ng asylum sa pamahalaang Olandes.

Ang higit na nakararami dito ay masasabing lumikas din pero hindi dahil sa pulitika kundi sa kabuhayan.

Sila ang mga Pilipinong itinulak ng kahirapan ng buhay sa Pilipinas.

Nakilala ng The CORRESPONDENTS ang ilan sa mga kababayang ito na sa kabila ng kanilang kalagayan ay bukas-palad na tumanggap sa grupo sa kanilang mga tahanan.

Tumangging magpakilala ng kanyang tunay na pangalan si "Ana." Ayaw na rin niyang humarap sa kamera. Makaraan ang ilang taon at palipat-lipat na trabaho, nakilala niya ang isang Olandes na kasama ngayon sa buhay.

Kinupkop ni Ana ang grupo ng The CORRESPONDENTS sa bahay ng kanyang kaibigan sa bayan ng Eindhoven.

Mula doon, ipinasa naman niya ang grupo sa isang kaibigan sa lungsod ng Amsterdam.

Mula sa Talisay, Batangas ang mag-asawang sina "Rey" at "Fely." 'Di tulad ng iba, maayos ang trabaho ng mag-asawa sa Amterdam.

Hindi nila lubusang kilala ang The CORRESPONDENTS ngunit ang pagsalubong nila ay kasing-init ng samahan ng tunay na magkaibigan. Bukod pa diyan, naghanda sila ng pagkaing talagang maituturing na kakaiba sa Amsterdam: sinigang na bangus.

Nagmula sa Taiwan ang bangus ni Fely at ang mga gulay naman, nabili sa mga tindahang Asyano sa lungsod.

Kumpleto si Fely sa pagkaing Pilipino maging ang bagoong at patis na siya rin ang gumagawa. Sa ganitong paraan na lang niya sinasariwa ang bansang matagal nang kinasasabikan.

Aminado siyang naibebenta ang bagoong sa mga kapwa Pilipino sa Amsterdam pero karamihan dito ay ipinamimigay lang niya sa mga kaibigan.

Inilibot din nina Rey at Fely ang The CORRESPONDENTS sa tinaguriang "red-light district" ng Amsterdam.

Legal ang prostitusyon dito at suportado ng lipunan maging ang mga tindahan na nagbebenta ng laruang kaugnay sa sex.

Hindi lang din mga laruan sa sex at video tapes ang hayagang itinitinda sa mga estante. Maging ang mga babaeng nagbebenta ng panandaliang-aliw ay malayang nang-aakit ng mga parokyano.

Tulad ng prostitusyon, legal din ang droga sa Amsterdam.

Ayon kay Rey, legal ang pagtatanim ng marijuana at pag-iingat ng pinatuyong dahon nito pero mayroong limitasyon. Kaya ang resulta, maaaring magsindi ng "joint" kahit saan.

Sa kabila ng kalayaaang ito, mababa ang bilang ng krimen na kaugnay sa droga.

Sa piling ni kabayan
Mahigit 10 taon na dito ang mag-asawa. Ang kanilang trabaho: tagalinis ng mga bahay. Pero ang nakakatawa, anila, tagalinis sila ng bahay ng iba ngunit mayroon naman silang binabayaran upang linisin ang kanilang sariling bahay.

Nagustuhan ng mag-asawa ang lipunan sa The Netherlands dahil pantay-pantay ang kabuhayan ng mga tao dito. Anila, madali ring makasanayan ang buhay.

Kung sa Pilipinas, ani Rey, ay saksakan ng tamad ang isang Pilipino, pagdating sa ibang bansa ay madali siyang matuto ng trabaho.

Sa disiplina naman, higit na disiplinado talaga ang Pilipino sa labas ng Pilipinas.

Ang dahilan, aniya, ay ang kagustuhan ng Pilipino na umasenso. Kapag walang disiplina, walang asenso.

Ngunit sa kabila ng mga positibong bagay na ito tungkol sa The Netherlands, nais pa ring makauwi ni Rey sa sariling bansa. Wika nga niya, "there's no place like home."

Ilan lang sina Rey at Fely sa mga Pilipinong naninirahan at nagtatrabaho sa The Netherlands. Ang iba sa kanila, mayroong sinusuportahang pamilya sa Pilipinas pero ang karamihan, dito na bumuo ng pamilya.

Ayon sa grupong Migrante, isang non-government organization na tumatalakay sa mga usapin ng overseas Filipino workers, nagsimula ang pagdating ng mga Pilipino sa The Netherlands noong dekada '60.

Ito ang panahon kung kailan malawakan ang paghimok ng pamahalaang Olandes sa mga dayuhan sa magtrabaho sa kanilang mga pabrika at mga ospital bilang nurse. Sinundan ito ang pagdagsa ng mga Pilipino hanggang dumating ang panahon ng "mail-order brides" noong dekada '90.

Sinabi din ng Migrante na hindi lahat ng Pilipino dito ay maayos ang pamumuhay. Marami ay TNT (tago nang tago), walang kaukulang dokumento at bisa. Mayroon ding inaapi sa pamamagitan ng sistemang "au pair." Ito ang ipinapain sa mga Pilipino na nais magtungo dito ngunit pagdating ay nagiging katulong lang sa mga bahay ng kapwa nila Pilipino.

Ayon kay Grace Punongbayan ng Migrante, sinasamantala ng ilang Pilipino ang au pair para sa sarili nilang kapakanan.

Sa tuwing magkakaroon ng problema dahil sa pananamantala sa au pair, naghihintay ng tulong ang mga nabiktima mula sa embahada ng Pilipinas.

Pero ani Punongbayan, "kapag nagkakaproblema na, hindi nagagawang tumulong ng embahada."

Sa kabila nito, nagkakaroon naman ng positibong epekto sa komunidad ng mga Pilipino ang problema ng mga biktima.

Ani Maiter Ledesma ng Migrante, hindi pinapabayaan ng mga Pilipino na maayos ang buhay ang kanilang mga kababayang nabiktima ng mga mapagsamantala.

Sa tulong ng mga nagmamalasakit na Pilipino, nakakakuha ng suporta ang mga ilegal na dayuhan sa kanilang mga kababayan. Tumatanggap ng tulong sa mga ito gayong hindi naman sila magkakakilala.

Ngunit para sa mga Pilipino dito, higit nilang nananisin na tulungan ng kapwa dahil nabigo ang pamahalaan sa Pilipinas na bigyan sila ng pagkalinga.

Ito ang larawan sa The Netherlands ng mga Pilipinong tulad nina Sison, Aldo, Ana, Rey, Fely at marami pang iba na nagtitiis makipamuhay sa lugar na napakalayo sa kanilang sinilangan.

Nakakaraos sila, totoo, at naninirahan sa isang bansa na maganda. Pero mayroon silang kanya-kanyang dahilan ng pamamalagi dito. Ito ang mga pansariling dahilan na nagresulta sa paglikas nila mula Pilipinas, sugat na tanging panahon lang ang makakapaghilom.


Ipadala ang inyong opinyon o kuro-kuro sa newsfeedback@abs-cbn.com

 
                                  ARCHIVE
   
  www.abs-cbnNEWS.com