|
Tuwing araw ng Lunes, dumadagsa ang mga tao
sa kapitolyo ng Pampanga. Batid nilang naroon si Gobernador Manuel
"Lito" Lapid at tiyak na tatanggapin sila nito upang makapaghinga
ng mga hinaing at kahilingan para sa mga komunidad nila.
Ito ang panghuling taon ni Lapid bilang gobernador ng lalawigan.
Ikatlong termino na niya ito sa pwesto at, sa madaling salita, hindi
na siya maaari pang tumakbo.
Sa kabila nito, sinabi ni Lapid na ngayon lang siya nakaaabante.
"Noong unang termino ko, puro problema ang Pampanga dahil sa
lahar." Kung mayroon man, kakaunti lang din sa mga mamamayan
ang nagbabayad ng buwis.
Noong maupo sa Malacañang si Joseph Estrada, ipinag-utos
nito na suspendihin si Lapid dahil sa mga bintang ng katiwalian.
Hitik sa aksyon at isyu
Mailap si Lapid sa mungkahi na kapanayamin siya ng mga mamamahayag.
Higit siyang umiiwas sa mga panayam na may layuning talakayin ang
mga kaso laban sa kanya.
Ang sabi ng mga kalaban, ayaw makipag-usap ni Lapid sa mga mamamahayag
dahil hindi rin niya alam kung papaano sasagot sa mga tanong. Pero
bumigay si Lapid sa panayam ng The CORRESPONDENTS. Anang
gobernador, atubili siyang makipag-usap sa mga mamahayag dahil malimit
na bigyan ng kulay ng mga ito ang mga sinasabi niya.
Halimabawa, ani Lapid, ang plano niya sa pulitika. "Wala pa
nga akong plano, binibira na ako."
Ang pinakabagong isyu laban sa kanya: ang napabalita na ipinatayo
niyang mansyon sa bayan ng Porac. Mataas ang bakod na nakapaligid
sa bahay na ito. Mahirap makita mula sa labas kung gaano kalawak
ang lupain ni Lapid.
Ipinagtapat ni Lapid na nabalitaan na niya ang helicopter ng ABS-CBN
News na rumoronda sa himpapawid sa ibabaw ng kanyang lupain ilang
linggo na ang nakalilipas.
Hindi na siya nagulat nang tanungin ng The CORRESPONDENTS hinggil
sa ari-arian niyang ito.
Aminado si Lapid na pag-aari niya ang bahay. "Artista ako
at malaki rin ang kinikita namin. Napag-ipunan ko ang binili [ko],"
aniya.
Kung bakit itinayo sa Porac ang bahay, sinabi ni Lapid na: "Dito
ako lumaki at nais kong balikan ang mga alaala ng aking kabataan."
Sinabi ng gobernador na nabili niya ang lupa bago pa pumutok ang
bulkang Pinatubo. Sa halagang P30 bawat metro kwadrado, pinagtiyagaan
ni Lapid na makaipon upang bilhin ang lupain.
Aniya, mura ang halaga ng lupa dahil malapit ito sa bundok. Pero
sa panayam tumanggi siyang banggitin ang aktwal na sukat ng lupain.
Pinahintulutan ni Lapid ang The CORRESPONDENTS na makapasok
sa loob ng bakuran. Malawak ang loob nito. Wika ng mga naninilbihan,
kailangang gumamit ng golf cart upang maikot nang madali ang lugar.
Noong araw na bisitahin ng The CORRESPONDENTS ang bahay
ni Lapid, nakita ng grupo ang dalawang golf cart na nakahimpil malapit
sa garahe ng mga sasakyan. Mayroong swimming pool sa di-kalayuan
at kumpleto din sa slide. Mayroon ding basketball court ang bakuran,
palaisdaan at koral para sa mga kabayo.
Ito ang pangarap ni Lapid sa pagreretiro niya sa pulitika. Aniya,
nais niyang magtanim na lang kapag natapos na ang kanyang ikatlong
termino bilang gobernador.
Para sa katulad niyang lumaki sa hirap, sinabi ni Lapid na ang
bahay na ito ang katuparan ng kanyang mga pangarap.
Natupad na pangarap
Giit ni Lapid, ang bahay sa Porac ang katuparan ng mga pangarap
niya at resulta ng mga naipon niya sa mahigit dalawang dekada sa
pelikula.
Pahayag ni Lapid, hindi dito napupunta ang mga sweldo niya bilang
gobernador dahil ang bahay na ito ay katas ng kanyang pag-aartista.
Pero, anang gobernador, maaaring matapos na rin ang bukal na pinagmumulan
ng kanyang sweldo bilang artista. Aniya, nagkakaedad na rin siya
at hindi na maaaring ipakita sa pelikula ang mga gawain na siyang
naghatid sa kanya sa katanyagan bilang artista.
Hindi makita ni Lapid ang punto kung bakit siya binabatikos sa
katuparan ng mga pangarap niya. Aniya, hindi masama na matupad ang
mga pangarap.
Iginiit ni Lapid na nagmula sa pinaghirapan niya sa pelikula ang
ipinagpagawa ng bahay. pero hindi niya masabi kung magkano ang nagastos
niya sa pagpapatayo nito.
Dalawang taon ang inabot bago naitayo nang husto ang bahay, anang
gobernador. Sa katunayan, lubhang mabagal ang pagpapagawa nito at
paunti-unti lang kung kailan mayroon siyang pelikula. Sa katunayan
din, madalas ay inililibre siya ng mga kaibigan sa materyales na
ginamit sa pagpapatayo ng bahay.
Binubuo ng ilang titulo ng lupain na pag-aari ni Lapid sa Porac.
Ang ilan sa mga titulo ay nakapangalan sa asawa niyang si Marissa.
Ngunit hindi lang ang bahay sa Porac ang pag-aari ni Lapid, ayon
sa pananaliksik ng The CORRESPONDENTS. Mayroon pa siyang
dalawang bahay sa Lungsod Angeles.
Ang isa sa mga bahay ay nakatayo sa L & S Subdivision. Hindi
sekreto ang bahay dahil madali itong hanapin. Ipagtanong lang sa
kahit na sinong taga-Angeles, madali nilang ituturo ang bahay ng
gobernador.
May isa pang bahay si Lapid sa Sunset Estates. Ani Lapid, hindi
niya gaanong dinadalaw ang bahay na ito. Higit pang madalas na maglagi
sa bahay ang bunso niyang anak at mga kaibigan nito, pahayag ng
gobernador.
Sinabi rin ng gobernador na mayroon siyang isang bahay sa Filinvest
Subdivision sa Lungsod Quezon. Aniya, ang bahay na ito ay bayad
noong gumawa siya ng pelikula para sa Regal Films.
Sa kabuuan, apat na malalaking mga bahay ang pag-aari ni Lapid.
Ito pa lang ang batid ng publiko na pag-aari ng opisyal na sumusweldo
ng P28, 000 bawat buwan.
Bahay at kotse
Noong suriin ng The CORRESPONDENTS ang statement of assets
and liabilities (SAL) ni Lapid para sa taon ng 2002, lumitaw na
hindi ito tugma sa mga pag-aari na sinasabi niya.
Umabot sa P12 milyon ang halaga ng ari-arian tulad ng bahay at
lupa ang deklarado ni Lapid. Kabilang na rito, ayon sa pananaliksik
ng The CORRESPONDENTS, ang 30-ektaryang lupain sa Porac.
Sa bahay pa lang sa Porac, mababa na ang idineklara ni Lapid pagdating
sa kanyang SAL. Ang SAL ay rekisito para sa lahat ng opisyal ng
pamahalaan.
Noong 1999, batay sa kanyang SAL, idineklara ni Lapid na P3 milyon
lang ang halaga ng lupain niya sa Porac. Wala pang bahay sa lupain
noong panahon na iyon.
Batay rin sa SAL niya, ang pag-aaring mga sasakyan ni Lapid ay
sobra nang kaunti sa P3 milyon.
Pero ayon sa mga datos na nakuha sa Land Transportation Office,
may siyam na sasakyan na nakarehistro sa pamilya ni Lapid. Karamihan
sa mga ito ay nakapangalan sa asawa ni Lapid at dalawang anak na
lalaki. Kabilang sa listahan ang dalawang Ford Expedition, isang
Honda CR-V, Toyota Land Cruiser, Mercedes Benz at modelong 2003
Volkswagen Beetle. Ang dalawang Expedition pa lang, mahigit P3 milyon
na ang halaga.
Ang mga datos na ito ang ipinagtataka ng mga kalaban ni Lapid.
"Paano napagkakasya ni Lapid ang P28, 000 niyang sweldo para
makalikom ng ganitong klaseng mga bahay at kotse?" tanong ng
abogadong si Jun Canlas. Nakalaban ni Lapid si Canlas sa halalang
pagkagobernador noong Mayo 2001.
Bunga ng ari-arian na di-maipaliwanag ng gobernador, naghahanda
ng kaso ang mga kalaban ni Lapid upang isampa sa Tanggapan ng Ombudsman.
Ang kaso nila: unexplained wealth.
Sa kabila nito, naniniwala si Canlas na mayroong isang likas na
yaman sa Pampanga na pinagmumulan ng yaman ni Lapid.
Ang operasyon ng mga "quarry" o pagkuha ng buhangin at
graba mula sa lahar ang pangalawang pinakamalaking pinagmumulan
ng kita ng lalawigan ng Pampanga. Makaraang pumutok ang Pinatubo
noong 1991, higit pang lumago ang negosyo ng buhangin. Kasunod lang
ito ng kita mula sa pagbabayad ng buwis.
Naniniwala ang mga kritiko ni Lapid na ang lahar na dating perhuwisyo
sa mga mamamayan ang siyang pinagmumulan ng malaking pera.
Kaugnay nito, malakas din ang bulung-bulungan na laganap ang katiwalian
sa bentahan ng buhangin sa Pampanga.
Bawat trak na humahakot ng buhangin at graba sa Pampanga ay kailangang
magbayad ng P300. Pinaghahatian ito ng lalawigan, bayan at barangay
kung saan nagmumula ang buhangin at graba.
Nasaksihan ng The CORRESPONDENTS ang operasyon sa pagkuha
ng buhangin at graba isang Linggo ng hapon. Kung tutuusin, mahina
ang araw ng Linggo para sa paghahakot dahil walong trak lang ang
nakita ng The CORRESPONDENTSsa loob ng isang oras. Pero sa
madaling sabi, kumita ng P2, 400 ang kinauukulan sa loob ng isang
oras na iyon.
Dalawampu't apat na oras ang operasyon ng mga quarry. Kung pagsasama-samahin
lahat ng lugar na mayroong operasyon ng quarry sa buong Pampanga,
sa isang buwan ay aabot sa milyon-milyong piso ang kinikita ng lalawigan
dito.
Tanong ng mga residente, saan napupunta ang pera?
Giit ni Lapid, legal ang prosesong dinadaanan ng paglikom ng pera
mula sa pagkuha ng buhangin at graba. Muli niyang binanggit na hindi
sa kanyang bulsa napupunta ang salapi mula sa lahar kundi sa kabambayan.
Hindi rin totoo, aniya, dito nagmula ang salapi na ipinagpagawa
niya ng bahay at ipinambili ng mga ari-arian. Anang aktor-pulitiko,
mayroon siyang sariling salapi na kanyang inipon mula sa sweldo
bilang artista.
|