Dalagang ina sa nagbabagong panahon
 

"Nanay"
Itinanghal ng The CORRESPONDENTS, Lunes, 11 p.m.

 
Totoong iba na ang panahon ngayon. Marami na ang mga kabataan na mapusok at pumapasok sa sitwasyong hindi nila napaghahandaan.

Labing-anim na taong gulang pa lang si Maricris Arabia nang maging isang ina.

Pag-ibig ang katuwiran ni Arabia kaya maaga siyang nabuntis. Aniya, pinag-uusapan lang nila ito noong una ng kanyang nobyo pero sa kalaunan, sinubukan nila kung totoo.

Ganito rin ang kwento ni Anna Tugas. Sa edad na 16, isa na rin siyang ina.

Kapwa nahinto sa pag-aaral sina Arabia at Tugas para alagaan ang kanilang anak.

Hindi ito naging madali sa mga magulang ng dalawa. Sa kaso ni Arabia, higit itong mahirap dahil nag-iisa siyang anak.

Bagama't magkahawig ang kwento ng dalawa, malaki ang pinagkaiba ng kanilang estado sa buhay.

Nakatira sa Ayala Alabang Subdivision si Tugas kaya lumaki nang sanay sa kahinhawahan.

Mula sa pagkabata, bigay-todo sa hilig ni Tugas ang mga magulang.

Pero nang manganak siya, doon nagsimula ang leksyon.

Hindi kumuha ng yaya ang ina ni Tugas upang dito paalagaan ang sanggol. Dahilan ng ina, ito ang paraan upang matutuhan ni Tugas ang responsibilidad ng pagiging nanay.

Sa kaso naman ni Arabia, nais pa rin niyang makapagtapos ng pag-aaral upang makatulong sa mga magulang.

Nag-iisa ang ina ni Arabia sa pagtataguyod sa kanilang pamumuhay. Nagtatrabaho ito bilang kusinera sa isang restawran.

Walang trabaho ang kanyang ama kaya lubha silang gipit ngayon na mayroon nang anak si Arabia.

Una sa lahat, magastos ang gatas, diapers at mga bakuna. Tinutulungan naman si Arabia ng kanyang mga magulang sa gastusin.

Maging ang ama ng kanyang anak na serbidor sa isang restawran, hindi naman nakakalimot sa pagtulong.

Si Tugas naman, tuloy ang plano na mag-aral. Sa Hunyo, ipagpapatuloy niya ang pag-aaral sa kolehiyo. Maganda naman ang kanilang kabuhayan kaya maluwag sa kanyang mga magulang ang pagtulong sa pagpapalaki sa sanggol.


Patuloy ang pangarap
Sa isang dalaga na maraming pangarap sa buhay, mahirap tanggapin ang pagbubuntis nang wala sa plano.

Isa lang ang pumasok sa isip ni Arabia nang mabatid niyang buntis siya: ipalaglag ang bata. Napaisip din si Arabia ngunit sa huli, hindi niya itinuloy. Anang dalagita, natatakot siya.

Para naman kay Tugas, hindi na niya ito pinag-isipan. Anang babae, hindi niya magagawa na takpan ng pagkakamali ang unang kamalian.

Noong unang panahon, sa kasal nauuwi ang pagbubuntis nang maaga. Pero ngayon, iba na ang pananaw ng mga magulang at kabataan.

Kapwa ayaw na magpakasal nina Arabia at Tugas. Ayaw din naman ng kanilang mga magulang.

Si Arabia, ayaw nang makipagbalikan sa ama ng kanyang anak.

Si Tugas naman, iba ang pananaw. Mabuti pa rin ang tinginan nila ng ama ng kanyang anak pero ayaw niya itong pakasalan dahil hindi pa handa ang lalaki.

Tulad nilang dalawa, mga menor de edad din ang nakarelasyon ng mga dalagita.

Bukas ang isipan ni Tugas sa posibilidad na makakita ng ibang babae ang ama ng kanyang anak. Kasalukuyan itong nag-aaral ng kolehiyo sa Thailand.

Ngunit umaasa siya na balang araw, sila pa rin ang magkakatuluyan.

Marami ang magtatanong tungkol sa pagiging "hinog sa pilit" ng dalawang babae. Sa mura nilang edad, magdadalawang-isip ang marami kung maaari nilang gampanan ang mabigat na trabaho at responsibilidad ng isang ina.

Sa kanilang edad, maaari pa nilang hanapin ang mga bagay na karaniwang ginagawa ng mga kabataan na tulad nila kaysa ang pag-aalaga sa sariling anak.

Pero ayon sa dalawa, kahit dumating nang wala sa oras ang kanilang mga anak, wala silang pinagsisisihan.

Sinabi nina Tugas at Arabia na kahit ibalik pa ang panahon, hindi nila ipagpapalit ang kaligayahan na tinatamasa sa piling ng kanilang mga anak.

 
                                  ARCHIVE
   
  www.abs-cbnNEWS.com