H O S T:

Karen Davila
Karen Davila

Kuwentong pagtatagpo ng mga 'Japino'
 

"Japino"
Itinanghal ng The CORRESPONDENTS, Lunes, 11 p.m.

 

FUKUOKA, Japan - Sa isang bayan sa Cavite, kapansin-pansin ang isang bata. Maganda ang makinis na kutis ni "Naoko" kahit sa lugar ng mga iskwater sila nakatira. Ito ay dahil ang kanyang ama ay isang Hapon.

Sa kabila nito, hindi siya tampulan ng tukso dito. Kahit siya ay "Japino" (pinagsamang Hapones-Filipino), hindi siya tinatawag na singkit o sakang ng mga kalaro niya.

Aniya, marami pa nga ang natutuwa sa kanya dahil sa pagkakaroon ng dugong Hapon.

Dating entertainer sa Japan ang ina ni Naoko Hiroha. Sa klab na nakilala ng inang si Shirley ang dating asawa.

Sa kasalukuyan, tiyempuhan na lang kung makausap nang matino si Shirley. Magbuhat nang umuwi mula Japan, nagkaroon ito ng problema sa pag-iisip. Ayon sa mga kaanak, nalulong sa droga si Shirley kaya diniborsyo ng asawang Hapon.

Ani Shirley, hindi na niya makakayang manirahan muli sa Japan. Bukod sa malungkot, hindi niya matagalan ang ugali ng mga Hapon. Sobrang makwenta ang mga ito sa pagdating sa pera, aniya.

Ang dati niyang asawa, nananakit pa. Ito ang kanyang dahilan kung bakit napalapit siya sa droga.

Samantala, pinapangarap ni Naoko na muling mabuo ang kanilang pamilya. Sabik din siyang makita ang dalawang kapatid na naiwan sa ama na nasa Japan.

Walang pinagkaiba ang kuwento ni Tsoyushi Imai. Nalulong din sa droga ang kanyang ina nang hiwalayan ito ng asawang Hapon. Tatlong taon nang hindi nakikita ng bata ang kanyang ama.

Sa ngayon, ang kanyang lola ang nangangalaga kay Tsoyushi. Noong ipasok sa drug rehabilitation center sa Japan ang ina, inilagak sa pangangalaga ng child care center ang bata.

Sinisi naman ng lola ni Tsoyushi ang manugang na Hapon sa naging kapalaran ng kanyang anak.

Aniya, tulad ng maraming Pilipina na nagtutungo sa Japan, hangad lang ng kanyang anak na maiahon ang pamilya mula sa karukhaan.


Tuloy-tuloy
Sa kabila ng masalimuot na kuwento at mapait na karanasan ng mga tinaguriang "Japayuki," patuloy pa rin ang pagdagsa ng mga Pilipina sa Japan dahil sa kaunting sayaw at kanta, katumbas na nito ay limpak-limpak na salapi.

Ayon sa grupong Development Action Women Network (Dawn), isang grupo na nangangalaga sa kapakanan ng mga Pilipina sa Japan, aabot sa 35,000 entertainers ang lumalabas ng bansa taon-taon. Siyamnapu't limang porsiyento dito ay nagpupunta sa Japan.

Sa uri ng trabaho ng mga Pilipina sa Japan, 'di talaga maiiwasang magkaroon sila ng relasyon sa mga kostumer. Hindi na rin nakapagtataka kung marami ang kaso ng mga entertainer na naanakan ng Hapon.

Sa opisina ng Dawn, nakilala ng The CORRESPONDENTS ang iba pang Japino.

Ang mga magulang nila ay dating entertainer sa Japan na naanakan ng Hapon.

Ang ibang relasyon, nauwi sa kasalan na hindi rin naging maganda ang kinahantungan tulad ng nangyari sa mga magulang nina Tsoyushi at Naoko.

Kabilang sina Jennifer Muroi at Jyun Ventura sa mga kabataang humingi ng tulong sa mga estudyanteng Hapon na bumisita sa Pilipinas bilang bahagi ng Peace Boat, isang cultural exchange program sa pagitan ng Pilipinas at Japan.

Bahagi ng programang ito ang Teatro Akebono, isang grupo ng mga nagtatanghal tungkol sa kultura ng dalawang bansa.

Kasama sa grupo si Shira Azusawa. Nagkamit din siya ng honors sa klase. Anang bata, pinagbubuti niya ang pag-aaral upang hindi siya ikahiya ng ama na 'di pa niya nakikilala o nakikita.

Noong Oktubre, umalis ang Teatro Akebono papuntang Japan kasama si Shira. Isang linggo bago sila umalis, nakausap ni Shira sa telepono ang ama. Aniya, malambing ang boses ng kanyang ama at walang patid ang paghingi ng tawad sa kanya.

Handa na ang mga gamit ni Shira, mga litrato at karangalang nakamit na siya niyang ipapakita sa ama.

Dadalhin din niya ang isa pang litrato ng kapatid sa ama na nakilala sa tanggapan ng Dawn. Nabatid ni Shira na anak ito ng kanyang ama sa isang dating nakarelasyong entertainer sa Japan.


Sa Japan nagtagpo
Sa Ninoy Aquino International Airport pa lang, hindi na maitago ang tuwa ng mga kalahok ng Teatro Akebono. Hindi na sila mapalagay lalo nang lumapag sa paliparan ng Fukuoka sa Japan. Sa Fukuoka ang unang pagtatanghal ng grupo.

Apat na taon pa lang si "Jenny" (di-tunay na pangalan) nang huling makita ang ama. Mayroon itong sariling pamilya sa Japan kaya hindi naging madali ang muling pagkikita ng mag-ama. Sa tuwing makakauwi ito ng Pilipinas, manyika ang pasalubong nito kay Jenny.

Sa kanilang pagkikita noong Oktubre 17, 2002 sa Clover Plaza sa Fukuoka, walang imik ang Hapon. 'Di niya alam kung papaano kakausapin ang anak.

Ngunit habang pinagmamasdan ng Hapon si Jenny, nangingilid ang luha sa mata nito. Anang Hapon, kamukhang-kamukha niya si Jenny.

Makalipas ang ilang oras, kinailangan nang magpaalam ng Hapon. Nangako naman itong hindi pababayaan ang anak.

Sa lungsod naman ng Osaka, naikuwento ng magkapatid na Stephanie at Nikka Seki ang kanilang pakikipagkita sa ama. Anila, sandali lang ito dahil tumakas lang ang Hapon sa tunay na asawa upang makita sila.

Ito ay sa kabila ng pagiging bukambibig ng magkapatid sa ama noong bago lumipad patungong Japan. Kahit sa kanilang mga kaklase sa Cavite, palagi nilang ikinukuwento ang nalalapit na pakikipagkita sa ama.

Tulad ni Naoko, ang kanilang lola ang nangangalaga sa magkapatid. Anim na taon nang hindi umuuwi ang kanilang ina na nagpaalam lang na bibili ng gamit para sa eskuwelahan. Simula noon, hindi na nila nasilayan ang anino nito.

Dati ring entertainer sa Japan ang ina ng magkapatid. Hindi rin nagtagal ang relasyon nito sa kanilang ama.

Sa kanilang pagkikita ng ama, umaasa si Stephanie na magagamot nito ang sugat na likha ng matagal na panahon ng pangungulila.

Si Nikka naman, napawi na ang siyam na taon ng hinanakit na kinimkim sa kulang na isang oras na nakasama ang ama.

Sa lungsod naman ng Saitama, nagkita si Jyun at ang kanyang ama. Ilang oras din ang lumipas bago sila nagkapalagayan ng loob. Para kay Jyun, ang gabi ng Oktubre 21, 2002 ang hinding-hindi niya malilumutan sa lahat.

Sa isang templo ng mga Buddhist naman natagpuan ni Shira ang amang si Kiyoshi.

Marunong magsalita ng Filipino si Kiyoshi. Aniya, natuto siya sa mga Pilipina na nakarelasyon niya.

Noong maghiwalay sila ng ina ni Shira, hindi na niya nakita ang anak na sanggol pa lang noon. Aniya, nananabik din siya sa anak ngunit ang problema, hindi naman niya alam ang tirahan nito sa Pilipinas.

Madamdamin ang pamamaalam ng mag-ama sa isa't isa. Nangako si Kiyoshi sa anak na ipapasyal ito sa Tokyo Disneyland. Tinupad naman ng Hapon ang pangako.

Ayon kay Hiyoshi, kahit man lang sa maikling panahon, pupunan niya ang pagkukulang sa bata.


Ipadala ang inyong opinyon o kuro-kuro sa newsfeedback@abs-cbn.com

 
                                  ARCHIVE
   
  www.abs-cbnNEWS.com