| Sila ang mag-asawang
Joel at Susan Uy ng Project 8 sa Lungsod Quezon. Sa unang tingin,
ordinaryo silang mag-asawa. Ngunit sa loob, mayroon silang isinisigaw:
ang magkaroon ng anak. Limang taon nang mula nang ikinasal
ang mag-asawa at masasabing nasa kanila na ang lahat: pagmamahalan,
masagana at masayang pamumuhay at negosyo. Pero sa kabila nito,
mayroong kulang sa kanilang pagsasama.
Ayon kay Gng. Uy, gustong-gusto niyang magkaanak pero hanggang
ngayon, wala pang nangyayari. Anang babae, ito na lang ang kulang
sa kanyang buhay, ang magkaroon ng anak.
Pero edad ang kalaban ng babae dahil 42 anyos na siya nang magpakasal
sila ni G. Uy. Bunga nito, nahihirapang magbuntis ang babae bagama't
ipinipilit nilang mag-asawa.
Apat na taon nang nagpapasuri sa espesyalistang manggagamot ang
mga Uy. Sumailalim na rin sila sa fertility injection. Apatnapung
libong piso kada buwan ang iniksyon. Sa pagtataya ng mag-asawa,
milyong piso na ang nagastos nila para sa prosesong ito, magkaroon
lang ng anak.
Sa unang isa o dalawang araw na hindi datnan ng buwanang regla
si Gng. Uy, nagsasaya ang mag-asawa. Ngunit napapalitan ito ng lungkot
kapag mayroon na.
Upang maibsan ang sama ng loob at kalungkutan, inalagaan ni Gng.
Uy ang anak ng bunsong kapatid niya. Si Gng. Uy ang nagpapakain,
nagpapaligo at nagpapatulog sa bata. Sa madaling salita, siya ang
tumatayong ina-inahan ng paslit sa pag-asang ibibigay sa kanya ang
bata pagdating ng araw.
Ito ang masaklap sa mag-asawang Uy. Nag-aalaga sila ng bata na
hindi matatawag na kanila. Kahit kailan, hindi rin matatawag ng
bata na "nanay" si Gng. Uy.
Desisyong mag-asawa
Matapos ang mahabang pag-iisip, naglakas-loob ang mag-asawa na umampon
ng bata.
Sinamahan sila ng The CORRESPONDENTS sa Kaisang Buhay
Foundation, isang ahensya na may pahintulot ng Kagawaran ng Kagalingang
Lipunan at Pag-unlad (DSWD), na tumanggap ng mga aplikasyon sa pag-aampon
ng bata.
Kinakabahan ang mag-asawa sa gagawin nila. Maaari pa silang umatras
ngunit batid nilang seryoso ang usapan na ito.
Habang nakikipag-usap sa kawani ng Kaisang Buhay, binabanggit ni
Gng. Uy ang nais niyang katangian ng bata na aampunin: babae, matangos
ang ilong, maputi ang kutis at kahit dalawang taong gulang, pwede
na.
Sa ngayon, ang mga nakasaad sa listahan na ito ay pawang pangarap
pa lang.
Matapos ang limang taon, matutupad na ang pangarap ng mga Uy.
Kasunod ng aplikasyon, kailangang maghanda ng mag-asawa para sa
bisita ng mga kawani ng bahay-ampunan. Makalipas ang ilang linggo,
binisita ng kawani ang bahay ng mag-asawa.
Sa bisita na ito, hindi yaman ng pamilya ang tinitingnan kundi
ang pagmamahal at paraan ng pagpapalaki na maibibigay ng mga aplikante
sa bata na aampunin nila.
Ani Maricor Enciso ng Kaisang Buhay, dapat ay magagawa ng mga umampon
na paaralin, pakainin at bigyan ng disenteng tirahan ang bata. Mahalaga
rin, aniya, ang gabay ng magulang habang lumalaki at nagkakaisip
ang bata.
Maging ang mga kapitbahay ng mga Uy, kinakausap rin ni Enciso.
Nakita rin niya ang negosyo ng mag-asawa na pagawaan ng mga sticker
at ang kanilang mga naipundar na ari-arian.
Matapos ang limang taon
Noong Mayo 6, 2003, sumailalim sa prosesong "matching"
ang mag-asawa.
Isang komite na binubuo ng DSWD, mga kasapi ng bahay-ampunan at
abogado ang magdedesisyon kung karapat-dapat na bigyanng karapatang
mag-ampon ang mga Uy.
Taliwas sa inaakala ng marami, ang komite ang namimili ng bata
na ipaampon sa aplikante, hindi ang kabaligtaran nito. Bawal pumili
ng bata ang aplikante.
Matapos ang dalawang oras na pag-aaral, walang bata na napili para
sa mag-asawa. Ayon sa komite, hindi akma sa edad ng mga Uy ang mga
bata sa ampunan.
Sa pangalawang pagkakataon noong Mayo 20, sinubukan na muli na
ipares ang mag-asawa sa bata na kanilang aampunin. Makaraan ang
pag-aaral, naipares ang mag-asawa hindi lang sa isang bata kundi
sa dalawa.
Isang batang lalaki, dalawa at kalahating taong gulang, ang napili
ng komite para sa mag-asawa. Bukod sa kanya, isa pang batang babae
na pitong buwan ang pinili ng komite para sa mga Uy.
Kinabukasan, Mayo 21, ipinatawag ng Kaisang Buhay ang mag-asawa
upang ipakita sa kanila ang mga larawan ng dalawang bata. Hindi
maaaring pumili ang mag-asawa. Ang maaari lang nilang gawin, tanggapin
o isauli ang mga litrato.
Nagulat si Gng. Uy sa nakita niya sa litrato dahil kamukha ng batang
lalaki ang kanyang asawa. Matutupad rin ang pangarap niya na magkaroon
ng anak na babae.
Tuwang-tuwa ang mag-asawa sa desisyon ng bahay-ampunan. Pero sa
kabila nito, maingat pa rin ang Kaisang Buhay. Ipinakita muna sa
mag-asawa ang kontrata ng pag-ampon at tiniyak na naiintindihan
nila ang responsibilidad na kaakibat nito.
Sa tunay na tahanan
Sa Home for the Angels sa Maynila, isang bahay-ampunan na pinangangasiwaan
ni Alkalde Joselito Atienza, inalagaan ang dalawang bata na aampunin
ng mga Uy.
Sa bintana pa lang, tanaw ng mag-asawa ang mga bata. Ang pangalan
nila ay sina "Angelo" at "Angeli." Hindi pinayagan
ang The CORRESPONDENTS na ihayag ang tunay na pangalan
ng mga bata ayon sa patakaran ng bahay-ampunan.
Mistulang nagbukas ang langit sa biyaya na tinanggap ng mag-asawang
Uy. Pero sa likod ng tuwa, hindi pa rin tumigil ang mga kawani ng
bahay-ampunan sa pagpapaliwanag na panghabambuhay na responsibilidad
ang pag-aampon at pagiging magulang.
Noong Hunyo 17, binisita ng The CORRESPONDENTS ang tahanan
ng mga Uy. Sa una at huling tingin, larawan ang mga Uy ng karaniwang
pamilya na mayroong ama, ina at mga anak.
Legal ang pag-ampon ng mag-asawa sa dalawang bata kaya walang pangamba
na babawiin sila ng tunay na mga magulang sa hinaharap. |