| Noong Mayo 17,
2003, bago siya tumulak patungong Amerika, ipinag-utos ng Pangulong
Arroyo ang panibagong opensiba laban sa aniya ay "mga terorista"
sa Mindanao.
Kasunod nito, sumabak sa gera ang batalyon ng mga sundalo at mga
kanyon ng militar.
Tatlong taon matapos ang malawakang digmaan ni dating pangulong
Estrada laban sa Moro Islamic Liberation Front (MILF), nagliliyab
muli ang lupa sa Hilagang Mindanao.
Ayon sa gobyerno, ito ay hindi simpleng digmaan kontra MILF kundi
pakikihamok sa mga bandido at terorista.
Abril 24, 2003, nagulat ang mga mamamayan ng Lanao del Norte sa
sunod-sunod na atake ng MILF.
Una, binomba ng mga rebelde ang tulay ng Barongison sa bayan ng
Maigo. Kasunod nito, naglagay ng bantay ang mga rebelde sa lugar.
Isang pampasaherong bus ang hindi huminto sa mga bantay. Bunga
nito, binaril ng mga rebelde sa ulo ang tsuper ng bus. Pinagbabaril
rin ng mga rebelde ang bus at mga pasahero nito.
Sa isa pang pinagpostehan ng mga rebelde, nanlaban ang isang lalaki.
Bunga nito, pinatay ng mga rebelde ang lalaki at ang kanyang pamilya.
Samantala, sinunog ng mga rebelde ang barikada ng mga pulis sa
bayan ng Kolambugan.
Sa bayan ng Maigo, nagpadala ang militar ng batalyon ng mga sundalo.
Sa gilid ng highway sa Maigo, nakipaglaban ang mga rebelde. Sa dakong
huli, umatras ang MILF. Iniwan nila ang isa nilang kasama na nasawi.
Noong Mayo 4, nilusob ng MILF ang bayan ng Siocon, Zamboanga del
Norte. Umabot sa 27 katao ang namatay. Makalipas ang dalawang araw,
sinuspindi ni Gng. Arroyo ang pakikipagnegosasyon sa MILF.
Bago siya umalis patungong Amerika noong Mayo 17, iniutos ng Pangulo
ang pagsalakay sa mga kampo ng mga terorista na naghahasik ng lagim
sa Mindanao. Malinaw ang pinatatamaan ng utos: ang MILF.
Mula noong Mayo 17 hanggang nitong Hunyo, patuloy ang labanan sa
Lanao del Norte ng militar at MILF.
Malayo at malapit
Kilometro lang ang layo ng daan patungo sa bayan ng Tangkal mula
sa kabihasnan. Pero maituturing itong malayo sa sibilisasyon. Nakalugar
ang Tangkal sa gilid ng pinangyayarihan ng gera.
Matatawag na liblib ang Tangkal. Napapalibutan ito ng mga bundok.
Walang telepono sa bayan at walang telebisyon din. Walang kuryente
at lalong walang cell site.
Sa naranasan rin ng The CORRESPONDENTS, walang umiiral
na batas sa Tangkal.
Noong unang araw ng Hunyo, tinambangan ng hinihinalang mga rebelde
ang grupo ng isang residente sa Tangkal. Isa ang napatay sa insidente.
Hindi batid ng mga biktima ang dahilan ng pananambang. Hinala nila,
mga taga-kapatagan ang may gawa sa atake bilang ganti sa MILF. Karamihan
sa mga taga-Tangkal, rebelde o dating rebelde.
Sa pag-akyat ng The CORRESPONDENTS sa lugar nakasalubong
ng grupo ang mga residente na lumilikas.
Sa Tangkal inabot ng dilim ang The CORRESPONDENTS. Kinabukasan,
nakita ng grupo ang mga residente na lumikas. Nagsisiksikan sila
sa mga bahay na maayos ang loob.
Sila ang mga biktima ng gera na hindi nakikita ng pamahalaan. Natatakot
silang bumaba sa kapatagan at manirahan sa mga evacuation center.
Sa Tangkal, aabot sa 700 pamilya ang nagsisiksikan. Wala silang
makain.
Isa sa kanila si Sultan Diapadan Bayabao. Kasama ang dalawa niyang
asawa at mga anak. Nilisan ni Bayabao ang bayan ng Munai at nakitira
sa isang nagmagandang loob sa Tangkal.
Sa isang lugar na laganap ang kahirapan, malaking pabigat ang pagpapakain
sa mga tao na lumikas dahil sa digmaan. Pero dahil walang tulong
ng pamahalaan na umaabot sa Tangkal, umaasa na lang ang mga residente
sa tulong ng mga kapitbahay.
Sa loob ng isang bahay, nakahiga ang isa sa mga asawa ni Bayabao.
Mayroon siyang lagnat. Ang kanyang mga anak, walang pagkain at walang
mapaghanapan rin ng pera na maipambibili ng makakain.
Municipal agricultural officer sa Munai si Bayabao bago sumiklab
ang gera. Ngayon, wala na siyang mababalikan na trabaho sa sariling
bayan.
Iisa ang sitwasyon
Ganito rin ang sitwasyon ni Musanip, pinsan ni Bayabao. Pero mas
malaki ang problema ni Musanip.
Dalawampu't anim na sikmura ang kailangan niyang punuin tuwing
oras ng pagkain. Kabilang sa mga ito ang kanyang mga anak at apo.
Mayroong trabaho sa pagsasaka ang mga kapamilya ni Musanip. Sa
kabila nito, wala silang naipon. Sa ngayon, wala silang naisalba
ni isang piraso ng pag-aari.
Maraming nadagdag na kataga sa bokabularyo ng mga Maranao bunga
ng digmaan ng kasalukuyang panahon. Ang mga vigilante mula kapatagan
o iyong mga Kristiyano, tinatawag nilang "shepherd." Ang
mga pagbagsak ng bala ng kanyon, na tinaguriang "planting rice"
ng militar, tinatawag nilang "stalk."
Sa labis na kahirapan, walang kumikilos sa pamilya ni Bayabao upang
maghanda ng pananghalian kahit oras ng pagkain. Ito ay dahil wala
silang maihahain sa hapag.
Para sa mga pamilya na nasalanta ng gera, ang digmaan ay wala sa
mga bundok at bahay. Ang digmaan ngayon ay nasa loob ng bawat isa
sa kanila, sa loob ng kanilang mga sikmura na kumakalam.
Sa kasalukuyang digmaan sa Lanao del Norte, dalawang pangalan ang
nakaangat: sina Kumander Yahyah Locsadato at Kumander Bravo. Kinilala
ang dalawa bilang mga pinuno ng MILF sa lalawigan.
Unang nakilala ng The CORRESPONDENTS si Locsadato tatlong
taon na ang nakakaraan sa umpisa ng gera ng dating pangulong Joseph
Estrada sa MILF. Noon pa lang, kilala na ang pangalan ni Locsadato
sa hanay ng MILF bilang beterano ng gera sa Afghanistan at Iraq.
Nakilala rin sina Losadato at Kumander Barovo dahil sa kanilang
pakikipaglaban sa pamahalaan noong dekada '70.
Batay sa pananaliksik ng The CORRESPONDENTS, maaaring
lupa at hindi relihiyon ang pinagmulan ng kasalukuyang gera sa Lanao
del Norte. Ito ang digmaan na maaaring maging mitsa ng higit na
malawak na digmaan sa Mindanao.
Malawak ang lupain ni Locsadato sa bayan ng Munai. Sa katunayan,
ang bahay niya sa bayan ang pinakamalaki.
Pagpasok ng taong 2003, naipit umano si Locsadato sa isang alitan
ptungkol sa dalawang ektaryang lupain sa Munai. Iniharap ang kaso
sa hukumang Shari'a ng MILF na nagdesisyon nang hindi katig kay
Locsadato.
Ayon sa mga rebelde na malapit kay Locsadato, ibinasura niya ang
desisyon ng hukuman. Bunga nito, iniutos ng lider-rebelde sa kanyang
mga kasama na paigtingin ang pagbabantay at opensiba sa mga kaaway.
Tumanggi ang panig ni Locsadato na magbigay ng pahayag.
Pumayag si Bravo na magsalita ngunit umatras sa huling pagkakataon.
Anang rebelde, delikado sa militar ang kanyang posisyon.
Noong Mayo 31 nasakop ng militar ang isang kampo umano ni Bravo
sa bayan ng Piagapo. Nasamsam sa lugar ang iba't ibang uri ng mga
baril, mga uniporme ng militar at isang pares ng saklay. Hinala
ng militar, pag-aari ito ni Bravo na napilayan umano dahil sa atake
ng militar.
Tatlong araw bago nasakop ng militar ang naturang kampo, nagdeklara
ng tigil-putukan ang MILF. Sampung araw ang itatagal ng tigil-putukan
na nagsimula nitong Lunes, Hunyo 2.
Ibinasura ng militar ang deklarasyon. Ayon sa militar, patuloy
ang digmaan hanggang madakip sina Locsadato at Bravo.
|