| Tuwing
Miyerkules ay araw ng pagsimba ng mga deboto sa Baclaran sa Parañaque.
Pero ibang klaseng penitensya ang nangyayari sa mga bangketa ng Baclaran
sa kamay ng mga tauhan ng Awtoridad sa Pag-unlad ng Kalakhang Maynila
(MMDA).
Naabutan ng The CORRESPONDENTS ang dalawang tao na nakabantay
sa mga nailigtas nilang pag-aari. Kabilang sa mga ito ang ilang
gamit sa bahay at bakal na pantukod. Sila ay mga iskwater sa bangketa.
Samantala, mayroon pang ibang eksena na. wika nga'y, nakakadurog
ng puso.
Isang bata ang inagawan ng paninda. Ayon sa bata, sa mga panindang
ito umiikot ang kanyang buhay. Pero sa kabila ng apela at pagmamakaawa,
kinumpiska pa rin ng mga tauhan ng MMDA ang tinda niyang mangga.
Ang mga paninda ng bata -- na maaaring inutang pa niya ang puhunan
-- ay itinapon lang sa isang trak kasama ng ibang basura.
Hindi lang sa araw ng debosyon sa simbahan ng Baclaran naghihinagpis
ang mga tindero sa bangketa. Sa mga araw na sumunod, sinuyod ng
MMDA ang lugar na kilala bilang isa sa pinakamasikip sa Kalakhang
Maynila.
Hindi pinatawad ng MMDA ang anumang sagabal na makita nila sa bangketa.
Ang mga lona, pinupunit. Ang mga lamesa, itinutumba at ang mga paninda,
kinukuha. Kahit freezer, ikinarga nila sa kariton.
Gigil na gigil sa galit ang mga tindero. Asar-talo ang mga taga-MMDA
at kasama nilang pulis. Hindi mahirap maunawaan ang galit na namumuo
sa mga tindero.
Ito ang mga paninda na pinagmumulan ng kanilang ikinabubuhay, mga
paninda na karaniwan ay nagmula sa utang ang puhunan. Pero ngayon,
ang paninda na kasinghalaga ng kanilang buhay, inanod nang parang
basura.
Walang santo sa bangketa
Sa Commonwealth Avenue sa Lungsod Quezon, iba naman ang istorya.
Dito, mistulang bagyo ang dumaan. Kung mga tindero lang ang tinamaan
sa Baclaran, sa Commonwealth, samu't sari.
Sa magkabilang panig ng daan, nakatambak pa ang mga kahoy, tabla
at kagamitan na mula sa mga bahay at barong-barong. Maging ang malalaking
negosyo, hindi pinatawad.
Naabutan ng The CORRESPONDENTS na ginigiba ng mga tauhan
ng MMDA ang isang tindahan ng hardware na nakahambalang sa bangketa.
Wala nang pasintabi rin ang grupong gumigiba dahil bulldozer na
ang kanilang ginagamit sa pagtibag ng pader.
Sa panahon ngayon, iisa lang ang panuntunan ng MMDA sa bangketa:
mayaman man o mahirap, walang sasantuhin. Basta nakaharang sa bangketa,
gigibain.
Dati, mga tinderong ilegal sa bangketa ang puntirya ni Chairman
Bayani Fernando ng MMDA. Pero nitong nakaraang mga linggo, maging
mga gusali ay tinatamaan ng kanyang kampanya sa bangketa.
Simple lang naman ang patakaran ni Fernando. Ang bawat lansangan,
mayroong sariling bangketa. Ayon sa National Building Code, sa bawat
anim na metro ng kalsada, isang metro dapat ang lapad ng bangketa.
Sa bawat bangketa, walang nagmamay-ari ng karapatan na magbenta
ng kahit na ano maging ito ay inihaw manok, kagamitang hardware
o sigarilyo.
Malinaw ang batas na ito na sinegundahan pa ng karagdagang ordinansa
ng MMDA.
Ang lahat ay basura
Noong Hulyo ng nakaraang taon, pinagtibay ng konseho ng MMDA ang
Resolution 02-28. Layon nitong ipagbawal ang pagbebenta ng kahit
anong uri ng produkto sa lansangan at bangketa sa Kamaynilaan. Bawal
ang diyaryo, sigarilyo at kendi.
Bawal na rin mangaral ang mga grupong karismatiko. Bawal na ang
mamalimos sa mga bangketa.
Higit na ipinagbabawal ang pagtatapon ng basura, pagtatayo ng basketball
court, pagtatambak ng mga gamit sa konstruksyon at pagtatayo ng
anumang estruktura.
Ayon din sa resolusyon, ang lahat ng makukumpiska sa lansangan
at bangketa, ituturing na ordinaryong basura. Ito ang dahilan kung
kaya itinatapon na lang ang mga paninda na nakukuha sa mga tindero
sa bangketa.
Paliwanag ni Fernando, delikado ang mga tindero sa bangketa dahil
sagabal sila sa daloy ng mga sasakyan.
Sagot naman ng Metro Manila Vendors Alliance, malinaw ang batas
na panig kay Fernando ngunit mayroon itong kakulangan. Ani Pedring
Ferdigones, tagapagsalita ng MMVA, kailangan din naman nilang mabuhay
at kumain.
Tanong ngayon ng mga tindero, saan kami lulugar?
Sa katagalan ng panahon, binigyan sila ng legal na katayuan ng
mga pamahalaang lokal. Sa katunayan, noong panahon ni Ferdinand
Marcos, inilabas ang Executive Order 452 na nagbibigay ng proteksyon
sa mga tindero sa lansangan.
Noon, halos lahat ng pamahalaang lokal sa Kalakhang Maynila ay
mayroong tanggapan na nangangasiwa sa mga tindero sa kalye. Kinokolektahan
ang mga tinderong ito ng buwis at bayad sa lisensya para sa pagtitinda.
Sinabi ni Ferdigones na mayroong mga pamahalaang lokal na nangongolekta
ngayon ng mula P150 hanggang P1500 bawat tindero. Aniya, ito ang
katunayan na legal ang kanilang ginagawang pagtitinda sa bangketa.
Pero ayon kay Fernando, walang permiso ang MMDA para sa mga tindero.
Sa sandaling magbigay ng permiso sa pagtitinda sa bangketa ang mga
pamahalaang lokal, sila ang mananagot sa batas.
Bukod sa ibinibigay ng mga tindero sa mga kubrador, mayroon pa
silang bayad na "under the table" para hindi sila paalisin
sa pwesto.
Aminado ang MMVA na naglalagay sila ng "tong" sa mga
pulis at iba pang opisyal. Anila, bahagi na ito ang kanilang kabuhayan.
Sa pulis pa lang, P40,000 ang kabuuang ibinabayad nila buwan-buwan.
Bawal, bawal, bawal
Nilinaw ng MMDA na maging ang konsepto ng "tindero sa lansangan"
ay bawal na rin ngayon. Ayon sa desisyon ng Kataas-taasang Hukuman
noong 1992, ang lansangan ay "beyond the commerce of man,"
o hindi maaaring pagdausan ng komersyo.
Reklamo naman ng mga tindero, senyales ito na pinag-iinitan ng
pamahalaan ang mahihirap.
Sinabi ni Fernando na ang ginagawa niya ay para sa mahihirap. Aniya,
hindi lang naman mayayaman ang may kailangan sa bangketa.
Pero maging ang mayayaman ay matagal nang gumagamit ng bangketa
kahit pa ilegal ang paraan ng mga ito.
Nakilala ang Commonwealth dahil sa kabi-kabilang mga talyer, bodega,
punerarya at tindahan ng kasangkapan sa bangketa. Halos lahat sila,
sumakop na ng bangketa.
Isang gusali sa Commonwealth, ang Crissant, ay mayroong karatula
na nakatirik sa bangketa. Noong una, nagrereklamo ang mga kliyente
ng gusali dahil ipinaalis ng MMDA ang karatula. Pero inamin ng tagapamahala
ng gusali na labas ang karatula sa lupa ng Crissant.
Isa lang ang Crissant sa maraming gusali sa Commonwealth na matagal
nang nagtirik ang estruktura sa bangketa. Nakakalusot sila dahil
walang sumisita.
Ngunit ngayong Mayo, tapos na ang ligaya dahil gigibain ng MMDA
ang mga karatula.
Bunga ng matinding pagsuyod ng MMDA sa Commonwealth, nagkabalubaluktot
na ang kalsada. Sa ibang bahagi, malapad. Sa ibang parte naman,
makitid.
Ang mga overpass, kung titingnan ay nalipat sa gitna ng kalsada
dahil sa ginawang pagpapalapad ng kalye.
Ayon sa MMDA, ang paggiba ng mga tindahan sa Commonwealth ay patunay
na wala silang pinapanigan.
Sa ngayon, higit nang maaliwalas ang biyahe sa Commonwealth. Ani
Fernando, ang karaniwang takbo ng sasakyan sa Commonwealth ay 25
kilometro bawat oras. Puntirya ng MMDA, gawin itong 50 kph.
Ito rin ang nakikitang solusyon ni Fernando sa problema ng mga
iskwater sa Kalakhang Maynila.
Aniya, kung mabilis ang daloy ng trapiko, hindi na kailangang magsiksikan
sa lungsod ang mga tao para magtrabaho. Dahilan ni Fernando, matutugunan
ng maluwag na trapiko ang problema sa transportasyon, relokasyon
at maluwag na kilos ng mga mamamayan.
Sa dakong huli, hindi dito nagtatapos ang bangayan ng MMDA at ng
mga tindero sa bangketa at negosyante na tinatamaan ng demolisyon.
Ang labanan nila, patigasan at patagalan na lang.
Sa ngayon, nasa panig ni Fernando ang batas. Pero kung ibabatay
sa kasaysayan, hawak ng mga tindero ang oras sa pabalik-balik na
problema sa bangketa.
|