| Bunga ng pagkahulog
at pagkamatay ni Randy Diaz sa isang imburnal ng tubig sa Lungsod
Quezon, nagising ang kamalayan ng mga residente ng Kalakhang Maynila
sa kahalagahan ng malinis na tubig, ang mga daluyan nito at ang mga
tao na ang trabaho ay panatilihin ito na malinis.
Kadalasan, kapag sistema ng tubig ang pinag-uusapan, tubig para
sa inumin at pampaligo lang ang nasa isip ng tao. Ngunit mayroon
pang higit na malawak at komplikadong kahulugan ang "sistema
ng tubig."
Kung si Diaz, nabiktima ng makaluma na sistema ng patubig at kapabayaan,
si Rodolfo Alvarade, 20 taon nang alipin nito.
Kapag trabaho ng gobyerno ang pinag-uusapan, malimit maisip ang
mga larawan ng empleado na paupo-upo lang, mabilis sa paniningil
ng bayad at oras-oras kung magmeryenda.
Pero kakaiba si Alvarade na naabutan ng The CORRESPONDENTS habang
nagsusuyod ng mga kanal sa Avenida España sa Maynila kasama
ng kanyang pangkat mula sa Awtoridad sa Pag-unlad ng Kalakhang Maynila
(MMDA). Trabaho nina Alvarade na tanggalin ang lahat ng nakabara
sa daluyan ng tubig na nagiging sanhi ng pagbaha sa tag-ulan.
Nagsimula si Alvarade sa sektor ng pagkontrol sa baha noong 1984
sa ilalim ng Kagawaran ng Pagawaing Bayan at Lansangan (DPWH). Ngayon,
sa MMDA siya nagtatrabaho.
Aniya, masasabing nagpalit siya ng opisina pero ganoon pa rin ang
gawain.
Maaaring nagkaroon ng mga bagong makina at sasakyan pero malaking
bahagi pa rin ng trabaho ay ginagawa ng kamay. Gayundin, nananatiling
mababa ang sweldo.
Sa kanyang pagpasok at pag-uwi mula sa trabaho, nagbibisikleta
si Alvarade. Sa pamamagitan nito, nakatitipid siya sa pasahe, iwas
pa sa masikip na daloy ng trapiko pauwi sa kanilang bahay sa Tondo.
Tungkol sa tanong kung mayroon siyang proteksyon tuwing lulusong
sa baha, bota at salawal lang ang naipakita ni Alvarade.
Dalawang taon na lang, magreretiro na si Alvarade. Umaasa siya
sa pensyon na makukuha para makapagpundar ng kahit maliit na negosyo.
Umaasa siya na pagsapit ng edad 65, magtatrabaho pa rin pero malayo
sa baho at dumi ng mga kanal.
A-kinse, walang katapusan
Tuwing sasapit ang ika-15 at katapusan ng buwan, dakong 1 p.m.,
naghihintay ang mga tulad ng magkapatid na Rodrigo at Ramon Calisen
sa tanggapan ng MMDA sa Makati.
Mayroon pa silang trabaho sa hapon pero tulad ng inaasahan, wala
pang kahera ng MMDA na magbibigay ng sweldo para sa nakalipas na
15 araw.
Mahalaga ang araw na ito para sa magkapatid dahil matapos ang 15
araw na paglusong sa mabahong tubig, burak at basura, susweldo na
sila.
Edad 17 pa lang si Rodrigo noong 1970 nang mapasok sa proyektong
flood control ng DPWH. Namana niya ang trabaho sa ama.
Hindi nagtagal, binansagan si Rodrigo ng "buwaya" dahil
malakas ang kanyang loob na sumisid sa mga kanal.
Sumunod ang kapatid niyang si Ramon sa DPWH noong 1975. Kinalaunan,
binansagan si Ramon na "bayawak" dahil tulad ng kanyang
kapatid, malakas rin ang loob niya sa paglusong sa mga kanal.
Nitong Mayo, inatasan ang magkapatid na linisin ang mga kanal sa
Taft Avenue sa Maynila. Ito rin ang mga kanal na nilinis nila noong
isang taon. Pero hindi na ito ang mga kanal na kanilang iniwanan.
Napuno ng basura, nabubulok na pagkain, mantika at dumi mula sa
mga palikuran ang kanilang pinaghirapan.
Kaya walang magagawa ang magkapatid kundi ang magbalik sa kanilang
pinanggalingan.
Bawal magtapon ng dumi sa mga kanal dahil mayroong hiwalay na sistema
para dito. Ngunit sa Taft, walang sumusunod sa patakaran.
Isa, dalawa, tatlo
Nawaglit kay Nonoy Abello, enhenyero ng MMDA, ang bilang kung ilang
beses niyang ipinalinis ang kanal sa ilalim ng kalye Fugoso sa Maynila.
Sa dami ng itinatapong basura ng mga residente sa kanal, napipilitan
si Abello na ipalinis ito dalawang beses sa isang buwan.
Pangarap ng lahat na tubig-ulan lang ang maging laman ng mga kanal.
Pero sa Maynila, mistulang malalaking imburnal ang mga ito. Kaya
kahit linisin nang ilang ulit sa isang buwan ang mga kanal, wala
pa ring nangyayari.
Sa kabila ng sipag ng iilan, burara ang karamihan dahil sa pagtatapon
nila ng basura at dumi sa mga kanal.
Tungkulin ni Abello na tiyakin ang kalinisan ng mahigit 10 estero,
10 malalaking kanal at malawak na sistema ng daluyan ng tubig na
kung tawagin ay "lateral canal" sa hilagang bahagi ng
Maynila.
Kumpara sa nararanasan ni Abello, disiplinado ang mga tao sa distritong
sakop ni Bal Melgar, isa ring enhenyero ng MMDA.
Sinamahan ng The CORRESPONDENTS ang grupo ni Melgar sa paglalakas-loob
na mamangka sa loob ng malalaking kanal sa ilalim ng Roxas Boulevard.
Malinis ang kanal dito, hindi tulad sa distrito ni Abello.
Walang nagbago
Samantala, problemado si Abello sa kanyang ginagawang pagpapalinis
ng Estero de Magdalena sa distrito ng Santa Cruz. Aniya, kamakailan
lang ay ipinalinis niya ang naturang estero ngunit napuno na naman
ito ng basura.
Mahalaga na malinis ang naturang estero dahil daluyan ito ng tubig-baha
sa Sta. Cruz, Avenida Rizal, C.M. Recto at Tondo. Kapag nanatili
ang mga basura dito, tiyak na babaha sa naturang mga lugar pagsapit
ng tag-ulan.
Sa kabila ng pagsisikap ni Abello, hindi naniniwala ang magkapatid
na Calisen na makikipagtulungan ang mga residente. Anila, sa susunod
na linggo lang ay tiyak na mayroong basura muli sa estero.
Kung gaano karami ang basura na kanilang tinanggal, ganoon din
karami ang kanilang dadatnan.
|