| Sa
nakaraang mga linggo, hindi naligtas ang lalawigan ng Isabela sa banta
ng severe acute respiratory syndrome. Sa katunayan ay isinailalim
sa kwarentina ang isang barangay sa bayan ng Cabagan dahil sa pangambang
napasok ito ng mikrobyong nagdudulot ng SARS.
Pero sa gitna ng panganib ng SARS, matagal nang kaharap na problema
ng Isabela ang mga pampublikong ospital na isa-isang nagsasara.
Isa sa maituturing progresibong bayan sa Isabela ang San Guillermo.
Malayo ang biyahe papunta dito ngunit buhay naman ang komersyo at
negosyo.
Napapalibutan ng maraming bayan ang San Guillermo kaya naman ito
ang nagsisilbing terminal ng mga pasahero mula sa iba't ibang lugar.
Bagong tayo rin ang munisipyo ng bayan. Pero ang malungkot nito,
naiwan ng pag-unlad ang kanilang ospital na tuluyan nang nagsara.
Sa kasalukuyan, abandonado na ang gusaling dati ay San Guillermo
Emergency Hospital.
Ang mga kama na nakalaan para sa mga pasyente, naiwan na nakatiwangwang
at inaagiw na sa kapal ng dumi at alikabok. Ang mga bentilador,
pinamumugaran ng mga ibon.
Sa unang tingin, iisiping basta iniwan ang ospital sa gitna ng
operasyon dahil narito pa ang karamihan sa mga gamit.
Nariyan ang mga nebulizer, microscope, centrifuge, ambubag na pawang
bago ngunit hindi naman nagamit. Ilan lang ang mga ito sa kagamitang
nasayang at wala nang silbi.
Sa loob ng delivery room, mayroon pang naiwang surgical scissors
at basurang hindi naitapon.
Sa kalapit na treatment room, mayroon pang umaandar na airconditioner.
Pero sa halip na pasyente, pinakikinabangan ito ng ilang nakikitulog
sa ospital.
Nag-iisa, walang katulad
Nagsara ang ospital ng San Guillermo noong Mayo 2002. Ito ang kaisa-isang
ospital sa bayan na para sa emergency cases.
Sampu ang kama ng ospital para sa pasyente, kumpleto sa mga IV
at gamot.
Bago ito magsara, mayroong isang doktor, apat na nars, tatlong
komadrona, isang medical technologist at isang pharmacist ang ospital.
Pero ngayon, ang dating ambulansya ng pagamutan ay unti-unti nang
nabubulok dahil sa kapabayaan.
Dalawampu't anim na barangay dati ang sineserbisyuhan nang libre
ng ospital na ito. Dito dinadala ang mga pasyente mula sa mga liblib
na pook ng San Guillermo at kalapit na bayan kahit apat na oras
pa ang layo ng mga ito sa ospital.
Ayon sa lokal na pamahalaan, isinara ang pagamutan ng San Guillermo
dahil kulang sa pondo. Ang perang nakalaan sana sa San Guillermo,
inilipat na lang sa malalaking ospital.
Sa nagdaang mga taon, 10 pagamutan ang binalak ipasara ng sangguniang
lalawigan. Apat sa mga ito ang tuluyang naisara. Isa ang ospital
ng San Guillermo sa apat na iyon.
Ang mga nanatiling bukas, pinaliit na lang ang operasyon at ginawang
regional health unit dahil sa kakapusan ng pondo.
Sabi ni 'Gob'
Sa utos ni Gobernador Faustino Dy, binago ang patakaran para sa
mga pampublikong ospital sa Isabela. Ilalaan na lang ang salapi
sa apat na pinakamalaking ospital ng lalawigan upang mapabuti ang
serbisyong pangkalusugan ng mga ito.
Pero ang problema, malalayo sa maraming bayan ang mga naturang
ospital.
Para kay Rosalia Colobong, isang dating nars ng ospital, malaking
kawalan sa kanya ang pagsasara ng institusyon.
"Nakakatulong kami sa mga tao na naninirahan sa liblib na
mga pook," aniya. Nanghihinayang din si Colobong dahil nasasayang
ang ospital nang walang gumagamit.
Pitong taon na naging nars sa San Guillermo si Colobong.
Mula nang magsara ito, wala na siyang natanggap na sweldo mula
sa pamahalaan. Ngayon, nagtitinda na lang siya ng kung ano-ano upang
buhayin ang pamilya.
Paminsan-minsan naman, pumapasok pa rin sa ospital si Adela Pulig,
isa ring dating nars ng ospital tulad ni Colobong.
Walang kaso kay Apulig kahit sarado na ang ospital. Basta may pasyenteng
naghihintay, dinadaluhan niya ito kahit walang bayad.
Aminado si Pulig na hindi niya kayang magtagal sa ganitong gawain.
Aniya, nakakalungkot talagang isipin pero ito ang katotohanan.
Karamihan sa mga pasyente dati sa San Guillermo ay walang P35 na
pamasahe sa sasakyan upang marating ang pinakamalapit na pagamutan.
Kaya wala silang magagawa kundi magtiis sa kawanggawa ni Pulig.
Ipinagtapat rin ni Pulig na kung minsan, siya na ang nagrereseta
sa pasyente dahil walang doktor. Pero ito ay sa mga karaniwang sakit
lang naman.
Kapag malubha na ang sakit ng pasyente, ituturo ito ni Pulig sa
bayan ng Alicia o sa Echague na kinalalagyan ng malaking pagamutan.
Isang halimbawa nito ang kaso ni Arnel Selin, 26, na nabaril kamakailan.
Sa layo ng biyahe sa ospital, binawian ng buhay ang biktima.
Itinakbo siya sa Alicia ngunit namatay habang nasa daan. Dapat
sana ay sa San Guillermo dinala ang biktima ngunit sanhi ng pagsasara
ng ospital, walang nagawa ang kanyang mga kaanak kundi lumipat sa
pinakamalapit at bukas na pagamutan.
Masama ang loob ni Gng. Gloria Selin sa sinapit ng kanyang anak.
Aniya, buhay pa sana si Arnel kung hindi nagsara ang ospital sa
San Guillermo.
Serbisyo-publiko
Samantala, tatlong oras ang biyahe patungo sa barangay Villa Concepcion,
bayan ng Cauayan. Dito naninirahan ang may 3,000 pamilya. Nakalugar
sa bayan, sa itaas ng bundok, ang isang ospital.
Ito ang dating Faustino Dy Emergency Hospital na ipinangalan pa
man din sa gobernador. Pero ngayon, ito na lang ang pansamantalang
base ng 51st Recon Company ng Philippine Army.
Sa halip na mga gamot at kagamitan, nagkalat ngayon sa ospital
ang mga baril at gamit ng mga sundalo.
Noong nakakaraan, mahigit sa 25 na baryo sa kabundukan at paligid
ng Cauayan ang naseserbisyuhan ng naturang ospital.
Dati rin, palagay ang loob ng mga residente sa mga doktor at nars
ng ospital. Ngunit iba na ang sitwasyon ngayon dahil mga sundalo
na ang kahalubilo nila.
Ang tanging tulong pangkalusugan na natatanggap ng Villa Concepcion
ay nagmumula sa nag-iisang komadrona sa lugar.
Sa sweldong P150 kada araw, aminado si Marlene Lagazo na wala siyang
gamot na naibibigay sa mga maysakit. Kung sakaling atakehin ang
mga pasyente ng SARS, kaisa-isang face mask ang pangga ni Lagazo.
Ibinigay ng regional health unit ang maskara na ito.
Sa kabila ng banta ng SARS, hindi ito ang pinangangambahan ng mga
residente. Higit silang natatakot sa mga pangkaraniwang sakit tulad
ng tuberkulosis at malariao kahit simpleng insidente ng panganganak.
Mula Villa Concepcion, isang oras at kalahati ang biyahe patungo
sa pinakamalapit na ospital. Bus lang ang may biyahe sa lugar na
ito at kung minsan, madalang pa sa patak ng ulan sa tag-araw ang
pagdating.
Ayon sa residenteng si Mel Valdez, mula nang ipatupad ng Local
Government Code noong 1992, ipinailalim na sa lokal na pamahalaan
ang gastusin para sa mga programang kalusugan.
Kaya ang resulta, higit na humirap ang kalagayan ng mga ospital
sa bawat bayan.
Hawak ngayon ng mga lokal na pamahalaan ang karapatan sa pagpapatupad
ng mga programang kalusugan.
Pero para sa mga liblib na komunidad at malalayong pook sa San
Guillermo at Villa Concepcion, buhay ang nakasalalay sa pagsasara
ng isang ospital.
Maliit man ito kumpara sa modernong pagamutan, mas mabuti na kaysa
wala.
|