Ulat ni
Jade Lopez
Aminado si Ruben Carranza, isa sa mga komisyonado
ng Presidential Commission on Good Government (PCGG), na hindi maililista
sa papel ang sinasabing mga ninakaw ng pamilya Marcos sa kaban ng
bayan.
Aniya, noong pumasok sa eksena ang PCGG noong 1986, hindi nito
alam kung ano ang nakaw na pag-aari ng mga Marcos at kung ano ang
lehitimong pag-aari ng mga ito.
Sinegundahan ito ni Haydee Yorac, tagapangulo ng PCGG. Aniya, wala
siyang idea kung gaano ang yaman ng mga Marcos. Ngunit batay sa
mga datos, ani Yorac, ito ay nasa pagitan ng $5 bilyon at $10 bilyon.
Ayon sa unang pamunuan ng PCGG, sa ilalim ni dating pangulong Ferdinand
Marcos at ng kanyang pamilya, lahat ng magagandang mga lupain at
ari-arian sa Pilipinas ay nakamkam nila. Ang buong Pilipinas, napasakamay
umano ng mga Marcos bilang personal nilang pag-aari.
Kabilang sa mga ito ay ang mga himpilan ng radyo at telebisyon
at malalaking kompanya. Halos lahat ng rehiyon sa bansa, natayuan
nila ng mga mansyon, bahay-pahingahan o di kaya ay interes sa mga
lupain dito.
Sa katunayan, natukoy ng komisyon ang iba't ibang pag-aari ng mga
Marcos sa Makati, Antipolo, Baguio, Bataan, Parañaque, Pasig,
Mandaluyong, Laguna, Ilocos Norte, Ilocos Sur at Leyte.
Maging sa New York sa Estados Unidos, nakabili ang mag-asawang
Marcos ng tatlong gusali at isang mansyon.
Ayons sa bintang, ginamit ng mga Marcos ang salapi ng bayan sa
pamimili nilang ito.
Sa kabuuan, ayon sa PCGG, nagkamal ang mga Marcos ng $10 bilyon
o katumbas ng mahigit P500 bilyon sa palitan ng pera ngayon.
Kabilang dito ang $680 milyong deposito noon sa mga bangko sa Switzerland,
ang higit sa $26 na bilyon na saping-puhunan o "shares of stocks"
sa iba't ibang kompanya, at mga lupain, gusali at mansyon sa loob
at labas ng bansa na nagkakahalaga ng P400 na milyon.
Natukoy din ng PCGG ang mga kamag-anak, kaibigan at kasosyo ng
mga Marcos sa malawakang pagnanakaw na ito.
Sila ay sina Eduardo Cojuangco Jr., Benjamin Romualdez, Lucio Tan,
Bienvenido Tantoco, Geronimo Velasco, Andres Genito, Roman Cruz
Jr., Fe Roa Jimenez, Jose Africa at Manuel Nieto.
Isinama din ng ahensya sina Alfredo Romualdez, Ricardo Silverio,
Modesto Enriquez, Rodolfo Cuenca, Fabian Ver, Armando Romualdez,
Edward Marcelo, Emilio Yap, Luz Bacunawa, Peter Sabido, Maxima Argana,
Vicente Chuidian at Alfonso Lim.
Noong una, sa laki ng sinasabing ninakaw ng pamilya na natukoy
ng PCGG, umasa ang marami na balang araw, mababawi rin ang mga ito,
kahit kalahati man lang ang makuha.
Ngunit pagkalipas ng 17 taon, limang porsyento pa lang ang nababawi
ng ahensya o katumbas ng higit sa $2 bilyon, sa $10 bilyong nailabas
ng mga Marcos noong 1986.
Marami sa mga kaso laban sa pamilya at mga kasabwat nila, ang ibinasura
o patuloy na nakabinbin sa korte.
Sa mahigit 800 kaso na hawak ng PCGG sa iba't ibang korte laban
sa mga Marcos at mga kaibigan, wala pang nakukuhang desisyon ang
ahensya para maparusahan ang mga akusado.
Noong dekada '90, nakabalik ang mga Marcos mula sa paninirahan
sa Hawaii. Ilan sa mga miembro ng pamilya ay kumandidato at nanalo
pa sa eleksyon.
Kabilang sa kanila ang dalawang anak at balo ng yumaong diktador,
at mga kaanak na hanggang sa kasalukuyan ay may hawak pa rin ng
poder sa mga balwarte ng pamilya sa Ilocos Norte at Leyte. |