Ulat ni
Abner Mercado
CULION, Palawan - Ang paglalakbay na ito'y pagbabalik
sa halos isang siglong kasaysayan ng islang patutunguhan ng The
CORRESPONDENTS
Sa pinakahilagang bahagi ng lalawigan ng Palawan matatagpuan ang
islang sasadyain ko.
Mula isla ng Coron, naglayag ang The CORRESPONDENTS patungo
sa Busuanga. Matapos ang mahigit isang oras, narating ng grupo ang
Culion.
Ano nga ba ang nakabalot na kwento sa islang ito? Mahirap talakayin
ang kwento ng Culion kung hindi babalikan ang nakaraan ng isla at
ng mga tao na ipinadpad ng kanilang kapalaran dito.
Marahil, hindi na mababago ang kwentong ito ngunit maaari pang
ituwid ang tanawin mula sa nakalipas patungo sa kasalukuyan.
Sisimulan ng The CORRESPONDENTS ang kwento kay Hilarion
Guia, 62.
Bantulot siya nang unang kapanayamin ng The CORRESPONDENTS.
Aniya, mabigat sa dibdib na muling ilarawan ang kanilang isla at
halukayin ang nakaraan.
Higit pang mahirap para sa kanya ang magkwento dahil ito ang bibigyang
diin sa salaysay.
Mula sa malalayong lugar
Isa si Guia sa maraming tao na napadpad sa Culion. Nagmula siya
sa Batangas.
Bata pa lang, kinapitan na siya ng sakit na "leprosy"
o karaniwang kilala sa tawag na ketong.
Hindi nagpagapi sa karamdaman si Guia. Sa ngayon, tinatahak niya
ang mahigit sa 30-taon na karanasan bilang guro sa Loyola College
sa Culion.
Naisulat na niya ang kasaysayan ng bayan bilang unang alkalde nito
sapul nang itatag bilang bayan ang Culion noong 1992.
Samantala, nagmula sa Villasis, Pangasinan si Marcelino Pagaduan,
57. Hindi rin biro ang dinaanan niyang pakikibaka nang kapitan siya
ng naturang karamdaman.
Unang ipinagtapat ni Pagaduan ang salaysay ng pag-iibigan nila
ng asawang si Aida. Ani Pagaduan, hindi niya binanggit sa babae
noong una ang kanyang karamdaman.
Dekada '70 nang magtungo sa Culion si Pagaduan upang magpagamot
ng sakit.
Dito na siya namalagi simula noon. Dito na rin niya tinuklas ang
sariling sikap sa kabila ng kalagayan sa katawan.
Dito na rin nililok ni Pagaduan ang kanyang kapalaran at ang hanapbuhay
na umagapay sa kanilang mag-anak.
Sina Guia at Pagaduan ay ilan lang sa mga kwento ng inspirasyon
mula sa islang ito ng Culion na mistulang nilambungan ng kawalan
ng pag-asa noong nakaraang mga taon.
Napadpad sa isla
Taong 1906 nang dumagsa sa Culion ang mga pasyente na mayroong ketong.
Katatapos lang noon ng digmaang Kastila-Amerikano.
Ginalugad ng mga Amerikano ang Mindanao upang ilayo sa sentro ng
Maynila ang paglaganap ng ketong. Ngunit sa hilaga ng Palawan natagpuan
ang lugar at itinayo ang Culion Leper Colony.
Noong dekada '20, ang Culion ang tinaguriang pinakamalaking lugar
ng mga tao na may ketong sa buong mundo.
Sa mga mural ng museo sa Culion maiintindihan ang mga kwento ni
Crescensio Rosello. Si Rosello ang tagapamahala ng museo sa Culion.
Mula sa mga mural, makikita ang mga larawan ng pagkatakot ng mga
Amerikano sa naturang karamdaman. Gayon na lang ang takot ng mga
Amerikano na hindi masawata ang karamdamang ito kaya tinipon nila
sa iisang lugar ang lahat ng pasyente.
Sa sumunod na mga henerasyon ng residente ng Culion higit na lumatay
ang matinding bansag na ikinakapit sa kanila.
Isa sa nakaranas ng panlilibak na ito si Marcelina Manatad na punong
guro sa mataas na paaralan ng Loyola College. Aniya, sa tindi ng
panlilibak ng ordinaryong mga tao, nakasanayan na nila ang mga ito.
Patungo sa ikalawang dantaon
Sa pagtalakay ng kwento ng mga taga-Culion, pinili man ng <i>The
CORRESPONDENTS</i> ang kasaysayan ng dating mga pasyente,
ito ay hindi upang libakin sila sa kanilang kahinaan.
Ito ay ginawa upang kilalanin sila sa nalalabi pang kalakasan.
Isa sa mga ito si Dr. Arturo Cunanan, anak ng dating mga pasyente
sa Culion. Sa kasalukuyan, ginugol na ni Cunanan ang buong buhay
sa panggamot ng mga leproso sa Culion.
Nagtapos siya ng kursong medisina sa Unibersidad ng Santo Tomas.
Ngunit dahil Culion ang kanyang pinag-ugatan at dating leproso ang
mga magulang, nagdesisyon siyang bumalik dito.
Natiyempuhan ng The CORRESPONDENTS ang mag-asawang Juan
at Exaltacion Goto sa tanggapan ni Cunanan.
Limampu't tatlong taong gulang ang lalaki samantalang 46 taong
gulang ang babae. Maagang naagapan ang karamdaman ni Gng. Goto.
Ngunit huli na ang lahat para sa lalaki. Halos maupod na ang kanyang
mga daliri sa kamay at paa dahil sa ketong.
Pero pahayag ng doktor, nakontrol nang ganap ang mikrobyo ng ketong
na umuubos sa katawan ni G. Goto. Ibig sabihin, aniya, negatibo
na ang epekto ng mikrobyo sa lalaki.
Nabiyayaan ng Culion Leprosy Control and Rehabilitation Program
ang mag-asawang Goto. Pinangangasiwaan ng Kagawaran ng Kalusugan
ang naturang programa.
Sa Barrio Osmeña dinalaw ng The CORRESPONDENTS
ang mag-asawang Goto. Nanlumo ang The CORRESPONDENTS nang
makilala si Jose Sumalbag, biyenan ni G. Goto at dating leproso.
Para kay G. Goto, ang natitirang lakas at kakayahan ay itinutuon
niya sa paghahanapbuhay.
Ang kabuhayan ng lalaki ay ang pagtatanim ng agar-agar o seaweed.
Isinama pa niya ang The CORRESPONDENTS sa kanyang taniman
ng agar-agar.
Ang mga tulad ni G. Goto ang bagong mukha ng mga leproso sa Culion.
Tatlong taon mula ngayon, ipagdiriwang ang sentenaryo ng Culion.
Ang mga indibidwal na tulad nina Guia, Pagaduan at ng mag-asawang
Goto ang susulat ng bagong kasaysayan ng Culion sa susunod na ikalawang
dantaon. Sila ang susulat ng bagong kwento ng komunidad at ang mga
bahagi ng kanilang kasaysayan. |