Sulyap sa mga babaeng tanod ng barangay
 

"Buhay-tanod"
Itinanghal ng The CORRESPONDENTS, Lunes, 11 p.m.

 
Ulat ni Abner Mercado

Sampu ang tanod sa Barangay 234, Zone 22 sa Maynila. Dalawa sa kanila ay mga babae, sina Dolores de Guzman at Margarita Contreras.

Pasado 9 p.m., isang gabi nitong Setyembre nang saksihan ng The CORRESPONDENTS ang pagronda ng mga tanod.

Bago sila rumonda, nagtipon-tipon ang mga tanod sa bahay pulungan ng barangay. Binilinan sila ng punong barangay hinggil sa umiiral na curfew sa mga menor de edad.

Mahigit isang taon nang tanod si Contreras. Sa loob ng panahong ito, madalas masukat ang kakahayan niya bilang babaeng tanod ng barangay.

Sa gabing iyon, nilibot ng mga tanod ang buong barangay. Tiniyak nilang ang lahat ng lugar ay tahimik. Maging ang isang grupo ng mga lalaki na nakaistambay, hindi nila pinalampas.

Maging ang mga natutulog sa silungan at abangan ng sasakyan, sinita nila.

Ngunit talagang mayroong mga kabataan na matigas ang ulo. Kahit lampas na ang 10 p.m., nagkalat pa rin sila sa lansangan. Bunga nito, dinala sila sa bahay pulungan upang ikulong.

Inilista ang pangalan ng mga kabataan dahil paglabag sa curfew.

Gabi-gabi, ganito ang trabaho nina de Guzman at Contreras. Tinitiyak nilang payapa ang lahat dahil ito ang kanilang katungkulan.

Matapos ang magdamag na pagbabantay ng barangay, gagampanan nina de Guzman at Contreras ang isa pang nilang mahalagang katungkulan sa buhay. Bukod sa pagiging mga tanod ng kanilang lugar, ang dalawang babae ay kapwa rin mga ilaw ng tahanan.

Anim ang mga anak ni Contreras. Sila ang kanyang inaaruga matapos ang gabi-gabing pagronda kasama ng iba pang tanod ng barangay.

Aniya, dalawang oras na lang halos ang tulog niya sa gabi dahil kailangan ding punan ang katungkulan bilang ina ng tahanan.

Ganito rin ang trabaho ni de Guzman sa kanilang tahanan. Bukod sa pagiging ina ng mga anak, siya rin ang kumakalinga sa mga apo.

Kaya kung tutuusin, higit ang katungkulan na binabalikat nina de Guzman at Contreras sa isang mundo na dating mga lalaki lang ang may hawak.

Sa muling pagtalag ng dilim, laman muli ng lansangan sina de Guzman at Contreras upang magbantay at tiyakin na maayos at tahimik ang lahat.

 
                                  ARCHIVE
   
  www.abs-cbnNEWS.com